Pumunta sa nilalaman

Katoliko

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Katolika)

Ang salitang Katoliko (Ingles: Catholic) ay galing sa Griyegong salita na καθολικός (katholikos) na ibig sabihin ay Sanlibutan o Pangkalahatan. Ang terminong ito'y madalas ginagamit para sa Simbahan Katoliko Romano na ganap na kumunyon sa Obispo ng Roma, na binubuo ng Latin Rite at 22 pang ibang Katolikong simbahan sa Silangan; ito'y madalas na ginagamit sa karamihan ng mga bansa. Ang interpretasyong "Sanlibutan" ay karaniwang ginagamit upang maunawaan ang parilalang "Isang Banal na Iglesyang Katolika at Apostolika" sa Pananampalatayang Niceano, ang parilalang "Ang Pananampalatayang Katoliko" sa Pananampalatayang Atanacia, ang parilalang "Banal na iglesya Katolika" sa sinasabing Pananampataya ng mga Apostol.[1]

Ang unang paggamit ng terminong "Iglesya Katolika" (literal na nangangahulugang "pangkalahatang simbahan") ay nagmula sa "Ama ng Simbahan" na si Saint Ignatius ng Antioch sa kanyang Liham sa mga Smyrnaeans (circa 110 AD). Siya ang kauna-unahang tao na tumawag sa komunidad na itinatag ni Jesus na "Iglesia Katolika", na sa kanyang sariling pananaw, ito lamang ang kanyang paraan ng pagpapaliwanag na ang Simbahan ay bukas sa sinumang gustong maging tagasunod ni Hesus. Ang mga liham ni Ignatius ay marubdob na idiniin ang kahalagahan ng pagkakaisa ng Simbahan, ang mga panganib ng maling pananampalataya, at ang higit na kahalagahan ng Eukaristiya bilang "gamot ng kawalang-kamatayan." Ang mga sulat na ito ay naglalaman ng unang nakasulat na paglalarawan ng Simbahan bilang "Katoliko," mula sa salitang Griyego na nagpapahiwatig ng kapunuang sanlibutan.

Mula sa "Ang Kredo ng Apostol", na inilathala ni Clement H. Crock sa pahina 191, noong 1870, sa Konsilyo ng Batikano, ang pangalang iglesia Katolika Apostolika Romana ay opisyal na iminungkahi datapuwa’t tinutulan, ngunit dahil ang mga obispong nagkatipon ay nagpahayag ng pagkakaisa ng pagsang-ayon, buong pagkakaisang nagpasiya na ang pangalang opisyal ay idineklarang gamiting, "Ang Banal na Iglesia Katolika Apostolika Romana," na ito ang pangalan nanatili magpahanggang kasalukuyan sa kanyang estado na sanlibutan.

Ang pag-gamit ng termino

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang Katoliko (kahulugang literal: ayon sa (kata-); kabuuan (holos) "sanlibutan" o "unibersal" sa Griyego) ay isang katagang pangrelihiyoso na may ilang kahulugan:

  • Ginagamit ang salitang ito upang tukuyin ang sangkatauhan na bahagi ng pangrelihiyong paniniwala, lupon na sinasabing kabahagi ng pagiging Kristiyano at bahagi ng isang iglesia anuman ang pagkakahati sa denominasyon. Ang interpretasyong "Sanlibutan" ay karaniwang ginagamit upang maunawaan ang parilalang "Isang Banal na Iglesyang Katolika at Apostolika" sa Pananampalatayang Niceano, ang parilalang "Ang Pananampalatayang Katoliko" sa Pananampalatayang Atanacia, ang parilalang "Banal na iglesya Katolika" sa sinasabing Pananampataya ng mga Apostol.
  • Maari rin itong gamitin upang tumukoy sa mga kasapi, paniniwala at kaugalian ng Iglesia Romana Katolika at ng lahat na mahigit na dalawampung iba't ibang ritos o tradisyon (rites) nito. Kalimitan nasa isipan ng mga tao ang Ritong Latino kapag nababanggit ang Iglesya Katolika Romana kahit na ito'y may ibang mga ritos na kasapi sa Roma na kasama ang Ritong Latino.
  • Maari rin itong gamitin upang tumukoy sa mga iglesyang Kristiyano na kung saan kanilang tinutunton ang kanilang epikospado ay mula sa mga Apostoles. Dahil dito, sila ay bahagi ng malawak na katolikong (o sanlibutang) katawan ng mananampalataya. Ang mga kasapi ng iba't-ibang iglesyang ortodoxo na nagsasabing sila ay Katoliko pero hindi Katolikong Romano: (Ortodoxong Silanganin, Ortodoxong Griyego, Ortodoxong Ruso, Ortodoxong Oriental), Katolikong Anglo (tinatawag na Mataas na Anglikano) at ang mga iglesya ng Matandang Katoliko at ang mga Lutero (na gumagamit ng maliit na titik "k" ng katoliko.) Ang iba't ibang iglesyang nagsasabing sila ay bahagi ng malawak ng Iglesya Katolika ay gumagamit ng Pananampalatayang Niceano na kung saan dinarasal ang "isang iglesyang banal, katoliko at apostoliko". Ang Pananampatayang Niceano ay ginagamit din ng Iglesya Katolika Romana.

Hindi lahat ng mga denominasyong Kristiyano ay nagsasabing bahagi sila ng isang malaganap na Iglesya Romana Katolika. Ang Metodismo at Presbiterianismo na naniniwalang galing sa mga Apostoles at sinaunang Iglesya ngunit hindi umaangkin na sila'y galing sa matandang iglesya na may estrukturang episkopado. May ilang Anglikano na hindi rin umaangking bahagi ng malawak na Iglesya Katolika.

Ang mga Katoliko na nagpapakilala na naunang Kristiyano ay gumagamit sa katagang ito upang ipaliwanag na buo at nagkakaisa ang Iglesya, ang literal na kahulugan nito - panglahat o pangsanlibutan. Nang magkaroon ng paghahati sa loob ng Iglesya Katolika, ginamit ito ng mga ama ng Simbahan at isinama sa mga dasal ng pananampalataya upang maipakita ang pagkakaiba ng malaking katawan ng ortodoxong mananampatayang Kristiyano mula sa mga sekta o grupong erehe.

Kasalukuyang Gamit

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Datapuwat kalimitang ginagamit ang katagang ito upang tukuyin ang Iglesya Katolika Romana, marami sa mga Kristiyano ang umaangkin din sa katagang "katoliko" kasama rito ang Ortodoxong Silanganin (Eastern Orthodox) at mga iglesyang Protestanteng may episcopado (obispo). Sa mga bansang tradisyonal na Protestante, ang Katoliko ay isinasama sa opisyal na pangalan ng isang parokya, eskwela, hospisyo o ng institusyong pag-aari ng Iglesya Katolika Romana upang maipakita ang kaiibahan sa ibang denominasyon. Halimbawa, ang pangalang "Iglesyang Katolika ng San Marcos" ay malinaw na ito'y hindi iglesyang Episkopal o Lutero.

Isang libong taon bago ang Repormasyong Protestante, isinulat ni San Agustin:

"Sa Iglesya Katolika, maraming bagay ang tunay na nagpapanatili sa akin sa kanyang dibdib. Nagpapanatili sa akin sa Iglesya ang pagsang-ayon ng bayan at bansa; gayundin ang kanyang kapangyarihan na sinimulan ng mga milagro, na inaruga ng pag-asa, na pinalaki ng pagmamahal, at pinatatag ng panahon. Nagpapanatili rin sa akin ang pagpapalit ng mga pare mula kay Pedro Apostol na inutusan ng Panginoon, matapos ang Kanyang pagkabuhay, na pakainin ang Kanyang mga tupa (Jn 21:15-19), hanggang sa kasalukuyang episkopado.'

"At sa katapusan, pinanatiling tunay ng Iglesya ang pangalang Katolika ng walang pakundangan sa gitna ng maraming erehiya. Gayunma't maraming erehe na nagnanais na matawag na Katoliko; kung may isang estranghero ang magtanong kung saan nagkikita ang Iglesya Katolika walang ereheng ituturo ang kanyang bisita o bahay.

"Kaya sa bilang at halaga, ang mahal na bigkis ang angkin sa pangalang Kristiyano na tapat na nagpapanatili sa isang sumasampalataya sa Iglesya Katolika...Sa iyo na kung saan walang bagay ang sa aki'y aakit...Walang sinuman ang magwawalay sa aking sampalataya sa relihiyong Kristiyano na pinagtali-tali at pinagbigkis-bigkis sa aking isipan...Sa aking bahagi, di ako dapat maniwala sa ebanghelyo maliban sa itinulak ng kapangyarihan ng Iglesya Katolika." -- San Agustin (AD 354–430) Laban sa Sulat ni Manichaeus AD 397.

Sa mga gumagamit ng katagang "Iglesya Katolika" para sa lahat ng Kristiyano, di nila matanggap na kung saan ang kataga ay pagtukoy sa buong Iglesya (bilang isang di-nakikitang entidad) at dapat raw gamitin ito upang tumukoy sa isang komunyon lamang. Datapwat, ang Iglesya Katolika Romana na tumatawag ang sarali na Iglesya Katolika at naglathala ng "Katesismo ng Iglesya Katolika" noong 1992, na tinutunton nito sa kasaysayan ang pagpapatuloy ng orihinal o pangsanlibutang Iglesya na kung saan ang iba't ibang grupo ang tumiwalag sa kasaysayan nito. Matibay na iginigiit ng Iglesya Katolika na walang Iglesya na "di-nakikitang entidad". Mula pa man nang Repormasyon noong siglo 16, sinisikap ng mga Protestante (yaong mga nagprotesta) na maibalik ang isang katutubong pagpapaliwanag ng Iglesya na kung saan ang kanyang mithiin at paniniwala, sa kanilang paniwala, ay naaayon sa sinaunang Iglesya, na naaayon lamang sa teksto ng Kasulatan. Ngunit may mahigit sa isang libong taon ang pumapagitan sa "sinaunang Iglesya" at sa Repormasyon na kung saan ang Kasulatan at turong Kristiyano ay napanatili.

Tulad ng Iglesya Katolika Romana, ang mga Iglesyang Ortodoxong Silanganin at mga Iglesyang Ortodoxong Oriental ay tumatawag din sa kanila bilang "Iglesyang banal, katoliko at apostoliko" ng Pananampalatayang Niceano. Ang ilang di tumatanggap ang kataasan ng opisyo (primacy) ng Obispo ng Roma ay gumagamit din ng katagang Katoliko (hindi sa eksklusibong kaisipan) upang ipaliwanag ang kanilang katungkulan upang maipakita na kakaiba ito sa porma ng Protestanismo ng mga Calvinista o Puritano. Kasama rito ang "Mataas na Iglesya Anglikano na kilala bilang Katolikong Anglo. Ang mga Repormadong Iglesya ay tumataway din sa sarili bilang bahagi ng Banal na Iglesya Katolika.

Mga Epistolaryong (Sulat) Katoliko

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang mga "Epistolaryong Katoliko" ay isang kataga sa mga sulat na panglahat sa Bagong Tipan ng Bibliyang Kristiyano na hindi isinulat para sa isang partikular na lungsod kundi para sa lahat ng tao. Kaya ito'y di katagang pang-iglesya na kung saan sa malawak na kaisipan ng salitang "katoliko" sa Griyego ay hinalaw. Ang epistolang napapaloob dito ay ang Santiago; Una at Ikalawang Pedro; Una, Ikalawa at Ikatlong Juan at Judas.

Pag-iwas ng Gamit

[baguhin | baguhin ang wikitext]

May ilang simbahang Protestante ang tuwirang umiiwas sa paggamit nito. Ang mga simbahang Ortodokso ay kasamang nababahala sa paggamit nito ng Katolikong Romano ngunit hindi ito sang-ayon sa mga Protestante tungkol sa likas ng simbahan bilang isang katawan. May ilan ang nagsasabi na ang paggamit ng salitang "Katoliko" ay nagbibigay lamang ng kredibilidad sa pag-angkin nito ng papa.

  1. Ang interpretasyong "Sanlibutan" ay karaniwang ginagamit upang maunawaan ang parilalang "Isang Banal na Iglesyang Katolika at Apostolika" sa Pananampalatayang Niceano, ang parilalang "ang pananampalatayang Katoliko" sa Pananampalatayang Atanacia, ang parilalang "Banal na iglesya Katolika" sa sinasabing Pananampataya ng mga Apostol.