Pumunta sa nilalaman

Lamec (Inapo ni Cain)

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Lamec)
Pinatay ni Lamec si Cain at Tubal-Cain

Ang Lamec[1] (Ingles: Lamech bigkas: /ˈleɪmɛk/; Hebreo: לֶמֶך-Lemech‎) ay ang pangalan ng dalawang lalaki sa mga henealohiya ni Adan na nasa aklat ng Henesis. Isa ang ika-anim na pansalinlahing kaapu-apuhan ni Cain (Henesis 4:18); ama niya si Metusael[1] (o Methusael) at ang may gawa ng "Ang Awit ng Espada". Kinikilala rin siya bilang ang unang poligamistang nabanggit sa Bibliya, na kumuha ng dalawang asawa: sina Ada (o Adah) at Sela (Zillah o Tselah rin).[1] Ang isa pang Lamec ay ang ika-walong pansalinlahing kaapu-apuhan ni Set[1] (o Seth) (Henesis 5:25). Siya ang anak ni Metusela (o Methuselah) at ang ama ni Noe (Henesis 5:29).

Dahil sa mga pagkakatulad ng dalawang linya o salinlahi, itinuturing na iisa lamang ang dalawa ng ilang mga dalubhasa. May ibang mga konserbatibong mga iskolar ang nagsasabing walang dahilang dapat na magkaroon ng kalituhan sa pagitan ng dalawang Lamec. Isang tradisyon mula sa Genesis Rabba, mula sa puna ni Rashi hinggil sa Henesis 4:22, ang tumutuon na si Noema[1] (o Na'amah), ang anak na babae ni Sela[1] (o Tselah) at Lamec, anak na lalaki ni Metusael, ay ang asawa ni Noe, ang anak na lalaki ng isa pang Lamec (anak na lalaki ni Metusela).

Nakapagitna sa dalawang linyang henealohikal, ang mga pangungusap na naglalarawan kay Lamec, na anak na lalaki ni Metusael, kaapu-apuhan ni Cain at ng kanyang mga anak ay naglalaman ng ganito:

Si Lamec ay nagkaasawa ng dalawang babae, ang isa ay si Ada, ang ikalawa ay si Sela. Ipinanganak ni Ada si Jabel na naging pinaka-ama ng nagsisitira sa mga kubol at may mga kawan. Ang pangalan ng kanyang kapatid ay Jubal, ang pinaka-ama ng mga tumutugtog ng kudyapi at ng plauta. Si Sela naman ang naging ina ni Tubalcain (o Tubal-Cain), ang pinaka-ama ng mga panday ng mga sisidlang tanso at bakal. Ang kapatid na babae ni Tubalcain ay si Noema.

Sinabi ni Lamec sa kanyang mga asawa:
"Ada at Sela,
dinggin ninyo ang aking tinig, mga asawa ni Lamec,
pakapakinggan ninyo ang aking pangungusap:
Pinatay ko ang isang tao dahil sa pagsugat sa akin,
ang isang binata dahil sa paggalos sa akin.
Kung si Cain ay ipinaghihiganti nang makapito,
Si Lamec ay makapitumpung pito."Henesis 4:19-24[1]

Nakatala sa Henesis 5:25-31 na ang isa pang Lamec, anak na lalaki ni Metusela, ay 182 taong gulang na noong ipanganak si Noe, at namuhay siya sa loob ng karagdagan pang 595 mga taon pagkaraan nito, kaya't ang edad niya ay 777 mga taon nang sumakabilang-buhay (o ilang mga taon lamang bago ang Pagbaha). Dahil sa ganitong mga bilang sa ganitong paglalahad na makahenealohiya, ang mga pagbibilang na katulad ng kay Arsobispo Ussher ang nagmumungkahing buhay pa si Adan sa loob ng 50 mga taon ng buhay ni Lamec.

  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 1.5 1.6 Abriol, Jose C. (2000). "Lamec". Ang Banal na Biblia, Natatanging Edisyon, Jubileo A.D. Paulines Publishing House/Daughters of St. Paul (Lungsod ng Pasay) ISBN 9715901077.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 16.