Pumunta sa nilalaman

Photocopier

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Makinang pangopya)
Tungkol ito sa isang makinang gumagawa ng kopya. Para sa may kaugnayan sa pagsasalin ng wika, pumunta sa tagapagsalinwika.
Isang makinang pangopya.

Ang photocopier (bigkas /fó·to·ká·pi·yer/; pinapaiking copier [lit. "pangopya"]; tinatawag ding copy machine [lit, "aparatong pangopya"])[1], ay isang makina o aparatong gumagawa ng mga kopyang papel ng mga dokumento, pahina ng mga papeles, at iba pang mga larawang nakikita, sa mabilis na paraan at murang halaga. Karamihan sa pangkasalukuyang mga photocopier ang gumagamit ng teknolohiyang tinatawag na xerograpiya o elektropotograpiya, isang tuyong paraan o prosesong ginagamitan ng init. Mayroon ding mga pangopyang gumagamit ng ibang uri ng teknolohiya, katulad ng panlimbag na inkjet, ngunit isang pamantayan para sa mga pangkopyang pang-opisina ang xerograpya. Palasak na natatawag ang kopyador na ito, ang paraan ng pagkopya, at ang mismong kopyang nagawa sa pamamagitan ng isang natatanging proseso ng reproduksiyon bilang "xerox"[2], bagaman isa itong pangalan ng kompanyang gumagawa ng mga makinang pangkopya.[1]

Noong dekada ng 1960, ipinakilala ng kompanyang Xerox ang pagkopyang xerograpiko para sa mga kawanihan o tanggapan. Sa loob ng dalawampung mga taon, unti-unti nitong napalitan ang mga kopyang gawa ng Verifax, Photostat, papel na karbon, makinang pangmimeograpo, at iba pang mga makinang pangduplika. Ang paglaganap at pangibabaw na paggamit nito isa sa mga dahilan na naging balakid sa pag-unlad ng isang "opisinang walang papel" na maaagang inihayag noong rebolusyong dihital.

Malawakang ginagamit ang pagpopotokopya sa negosyo, edukasyon, at pamahalaan. Nagkaroon ng maraming mga hula na malaong hindi magiging uso ang mga pangopyang ito dahil patuloy na pagtaas ng bilang ng paggamit at pagpapakalat ng mga dokumentong dihital na nililikha at pinauunlad ng mga manggagawang pang-impormasyon o pangkabatiran, at mas kaunti na ang kanilang pagdepende o pagsandig sa pagpapamudmod ng mga kopyang talagang nakalimbag sa mga piraso ng papel.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 Gaboy, Luciano L. Photocopier - Gabby's Dictionary: Praktikal na Talahuluganang Ingles-Filipino ni Gabby/Gabby's Practical English-Filipino Dictionary, GabbyDictionary.com.
  2. "Xerox". Hammond Quick & Easy Notebook Reference Atlas & Webster Dictionary. Hammond, ISBN 0843709227., pahina 108.