Pumunta sa nilalaman

Pamamaraang parlamentaryo

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Parlamentaryong pamamaraan)
Mga Estado na kasalukuyang gumagamit ng mga sistemang parlamentaryo ay ipinakikita ng kulay na pula at kahel - ang nakapula ay mga monarkiyang konstitusyonal kung saan ang kapangyarihan ay nakapataw sa isang parlamento, samantalang ang nakakahel ay mga republikang parlamentaryo na ang mga parlamento ay lubhang makapangyarihan sa ibabaw ng nakahiwalay na pinuno ng estado. Ang mga estado na kulay lunti ay may mga gumaganap na pinuno ng estado at pinuno ng pamahalaan sa iisang tanggapan, katulad ng sa mga sistemang (presidential), subalit ang tanggapang ito ay pinupunan ng pinili ng parlamento at ihinahalal ng hiwalay.

Ang pamamaraang parlamentaryo ay kilala rin bilang parlamentarismo, ay makikilala sa pamamagitan ng ehekutibong sangay ng pamahalaan na nakadepende sa tuwiran o hindi tuwirang suporta ng parlamento, na karaniwang ipinararating sa pamamagitan ng boto ng tiwala. Samakatuwid, walang tuwirang paghihiwalay ng kapangyarihan sa pagitan ng mga tagapagpaganap at tagapagbatas na sangay (lehislatibo), na naghahatid sa magkaibang pagtatakda sa paraan ng mga paninimbang at pagsusuri sa pagpapatakbo ng pamahalaan, kung ihahambing sa mga nakikita sa isang republikang may pangulo. Ang mga sistemang parlamentaryo ay karaniwang may malinaw na batayan ng pagkakaiba sa pagitan ng pinuno ng pamahalaan at ng pinuno ng estado, kung saan ang pinuno o pangulo ng pamahalaan ay ang punong ministro o primero, samantalang ang pinuno ng estado ay kadalasang ang hinalal (ng mga mamamayan o sa pamamagitan ng parlamento) na pangulo o namamanang maharlika. Hinihirang ang pangulo ng estado bilang isang pangulo sa titulo lamang na may maliit o seremonyal na kapangyarihan.

Ang kawalan ng malinaw na pagkakahiwalay ng kapangyarihan sa pagitan ng tagapagpagnap at tagapagbatas na mga sangay ay nagdurulot ng kritisismo ng ilan hinggil sa kakulangan ng pagsiyasat at pagtimbang na matatagpuan sa pampanguluhan (presidential) na republika. Sa kabilang banda, may pumupuri rin sa parlimentaryo, kaugnay ng presidensiyalismo, dahil sa madaling pagtugon nito sa publiko at pagbabago. Pinupulaan din ito minsan dahil sa pangunguna ng mga hindi matatag na pamahalaan, katulad ng Alemang Republikang Weimar at ang Ikaapat na Republika ng Pransiya.

Hindi ibig sabihin ng salitang sistemang parlamentaryo na ang isang bansa ay pinamumunuan ng iba't ibang mga partidong magkakasanib (koalisyon o alyansa). Ang maramihang partidong kasunduan (multipartido) ay karaniwang produkto ng isang pamamaraang panghalalan (sistemang elektoral) na kilala bilang matimbang na pagkakaroon ng mga kinatawan (representasyong proporsyonal). Ang mga bansang parlamentaryo na gumagamit ng "first past the post" (unang daan sa haligi) na halalan ay kadalasang may mga pamahalaang binubuo lamang ng isang partido. Subalit, ang sistemang parlamentaryo sa kontinente ng Europa ay sadya ngang gumagamit ng representasyong proporsiyonal, at may pagkiling sa pagsasagawa ng mga resulta ng eleksiyon na kung saan walang iisang partido lamang ang nakaupo sa karamihan ng mga puwesto.

Ang mga parlamentarismo ay maaari ring gamitin para sa pamamahala ng mga lokal na pamahalaan. Ang halimbawa nito ay ang lungsod ng Oslo, na mayroon isang konsehong ehekutibo o tagapagpatupad na bahagi ng sistemang parlamentaryo. Ang mga sistemang may tagapangasiwa ng konseho (council-manager system) ng mga pamahalaang munisipal na ginagamit sa ilang lungsod ng Estados Unidos ay mayroon pagkakatulad sa isang pamamaraang parlamentaryo.