Pumunta sa nilalaman

Severino Reyes

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Severino Reyes
Si Severino Reyes sa isang libro noong 1924
KapanganakanSeverino Reyes y Rivera
11 Pebrero 1861
Santa Cruz, Maynila
Kamatayan15 Setyembre 1942
Sagisag-panulatLola Basyang
TrabahoManunulat
WikaTagalog, Kastila, Inggles
NasyonalidadPilipino
Alma materColegio de San Juan de Letran, University of Santo Tomas
KaurianPlays
(Mga) kilalang gawaWalang Sugat

Si Severino Reyes ay isinilang sa Santa Cruz, Maynila noong 11 Pebrero 1861. Ikalima siya sa mga anak ng mag-asawang Rufino Reyes at Andrea Rivero.

Nagtapos siya ng Bachelor of Philosophy and Letters sa Unibersidad ng Santo Tomas. Kilala siya bilang Ama ng Sarsuelang Tagalog. Sa kanyang pagsusulat ng mga kuwentong pambata, ginamit niya ang sagisag na Lola Basyang.

Ang kanyang dula na pinamagatang Walang Sugat na nasulat sa unang bahagi ng panahon ng mga Amerikano ang itinuturing na kanyang obra maestro. Ito ay pumapaksa sa kapangyarihan ng pag-ibig sa mga taong tunay na nagmamahalan.

Taong 1902 nang simulan niyang magsulat ng dula nang makita niyang ang Moro-moro at komedyang itinatanghal ay walang buti at kapakinabangang idinudulot sa mga manunuod. Sinikap ni Don Binoy (palayaw kay Severino Reyes) na mapaunlad ang dulang Tagalog. Naging inspirasyon niya ang kanyang pagsisikap na patayin ang Moro-moro ang nakitang pagtanggap ng mga manunuod ng sarsuela sa unang pagtatarighal ng sarsuelang Salamin ng Pag-ibig ni Roman Reyes; Mga Karaniwang Ugali ni Ambrosio de Guzman; Damit ni San Dimas ni Roman Dimayuga; Despues de Dios, El Dinero ni Hermogenes Ilagan. Dahil sa nakita ni Don Binoy na reaksiyon ng mga manunuod sa pagtatanghal ng mga dulang nabanggit ay itinatag niya ang Gran Compana de Zarsuela Tagala na siyang inaasahang magtataguyod sa pagtatanghalang mga sarsuela. Pagkatapos nga ng pagtatanghal ng Walang Sugat ay sunud-sunod nang itinanghal ang Bagong Fausto, Ang Kalupi, Ang Tatlong Bituin na sinundan pa ng iba. Naging dramaturgo ng dulang Tagalog si Severino Reyes dahil sa pagbabagong bihis na ginawa niya sa dulang Tagalog. Nakuha niyang palitan ng sarsuela ang Moro-moro na dating kinalokohan ng mga manunuod.

Ang ilan sa mga sarsuelang sinulat ni Severino Reyes ay Walang Sugat, Huling Pati, Minda Mora, Mga Bihag ni Cupido, Mga Pusong Dakila, RIP, Ang Kalupi at iba pa. Ang RIP ay isang sarsuelang sinulat ni Don Binoy upang tuyain ang Moro-moro sa pagkamatay nito.

Si Severino Reyes ay nagsimula ng modernong pagsulat ng dula. Pinaksa ng kanyang mga dula ang suliranin ng mga Pilipino sa pagdating at pananakop ng mga Amerikano. Si Don Binoy ay naging patnugot ng lingguhang magasing Liwayway.