Pumunta sa nilalaman

Pang-ibabaw na anatomiya

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Superficial na Anatomiya)
Isang larawan ng katawan ng tao na nagpapaaninag ng pangunahing mga organong nasa loob ng punong-katawan, na ginagamit ang haliging panggulugod at kulungang tadyang bilang pangunahing mga tuldok na pantukoy ng anatomiyang pang-ibabaw.

Ang pang-ibabaw na anatomiya, tinatawag ding anatomiyang pang-ibabaw o anatomiyang superpisyal, ay isang mapaglarawan o deskriptibong agham na nakatuon sa mga tampok na bagay at katangiang pang-anatomiya (anatomikal, hinggil sa katawan katulad ng sa katawan ng tao) na maaaring pag-aralan sa pamamagitan ng pagtingin, na hindi sumasailalim sa paghihiwa o diseksiyon ang isang organismo. Partikular na ang sa kaso ng pang-ibabaw na anatomiya ng tao, na mga hugis o hubog at mga proporsyon ng katawan ng tao at ang mga pang-ibabaw na palatandaan na tumutugma o tumutugon sa mas malalalim na mga kayarian o estrukturang nakatago sa pananaw, kapwa sa tikas o puwestong hindi gumagalaw at habang kumikilos. Tinatawag din itong anatomiyang biswal, anatomiyang napagmamasdan, anatomiyang nakikita, anatomiyang natitingnan, anatomiyang natatanaw, o anatomiyang panlabas. Bilang dagdag, ang siyensiya o agham ng anatomiyang pang-ibabaw ay kinabibilangan ng mga teoriya at mga sistema ng mga proporsyon ng katawan at kaugnay na masisining na mga kanon o pamantayan. Ang pag-aaral ng anatomiyang superpisyal ay ang batayan para sa paglalarawan o depiksyon ng katawan ng tao sa klasikong sining. Ilan sa mga sudosiyensiya katulad ng pisyognomiya, prenolohiya, at palmistriya ang nakasandig sa anatomiyang pang-ibabaw.

Bilang pagpapaliwanag, sa larangan ng anatomiya, ang salitang superpisyal, pang-ibabaw, o panlabas ay isang salita na nagpapakita ng kapupuntahan o pambigay ng direksiyon na nagpapahiwatig na ang isang kayarian o estruktura ay nakalagay na mas nasa labas kaysa sa isa pa, o kaya ay mas malapit sa kapatagan o kalatagang panlabas ng katawan. Kabaligtaran ng superpisyal o pang-ibabaw ang pang-ilalim o panloob. Sa ganitong diwa, bilang halimbawa, nasa ibabaw o nasa labas ang balat habang nasa ilalim o nasa loob naman ang gulugod. Ang salitang superpisyal, pang-ibabaw, o panlabas ay hindi nakahangga o limitado lamang sa mga kayariang nasa pinakalabas ng katawan, katuld ng balat o mga mata. Bagkus, maaaring tumutukoy din ito sa mga kayariang nasa loob ng mga buto, mga masel, at marami pang iba,[1] katulad halimbawa ng pagtukoy sa pang-ibabaw na anatomiya ng buto, ng masel, at iba pa. Bilang karagdagan, maaaring tumuon ang pag-aaral sa mga partikular na bahagi ng katawan ng tao. Halimbawa ay sa pang-ibabaw na anatomiya ng ulo, ng punong katawan, o kaya ng mukha, at iba pa.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Asher, Anne. Anatomical Term - Superficial[patay na link], About.com Guide, 22 Nobyembre 2005.