Pumunta sa nilalaman

Tanah Lot

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Ang Tanah-Lot at Templo ng Tanah Lot sa Bali, Indonesia

Ang Tanah Lot, na nangangahulugan ng "Lupain sa Dagat", ay isang pormasyon ng bato na matatagpuan malayo sa pampang sa lalawigan ng Bali sa bansang Indonesia. Ito ay may talampas at sa itaas nito ay matatagpuan ang templo ng Tanah Lot o Pura Tanah Lot.[1][2] Napabilang sa 2000 World Monuments Watch ang Tanah Lot.[3]

Matatagpuan ang Tanah Lot sa 13 kilometro sa kanluran ng Tabanan sa nayon ng Beraban Kediri Tabanan District. Ito ay tinatayang 30 kilometro mula sa paliparan ng Ngurah Rai sa Denpasar. Ang Tanah Lot ay dating bahagi ng pangunahing lupain ng Bali subalit dahil sa erosyon o pagguho ng lupa, ito ay napahiwalay. Ito ay kilala na isang lugar kung saan magandang panoorin ang paglubog ng araw kaya ito ay malimit puntahan ng mga turista tuwing hapon.[1][2][3]

Templo ng Tanah Lot

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa itaas ng talampas ng Tanah Lot at 300 metro malayo sa pampang ay matatagpuan ang Pura Tanah Lot o Templo ng Tanah Lot. Ito ay isang templo na Hindu na nakatuon sa mga diyos ng dagat. Ito ay isang kumplikadong istruktura na gawa sa kahoy may hugis na parang tulay. Ito ay nakaharap sa dagat. Pinaniniwalaang nagawa ang templo noong ika-labinglima at ika-labinganim na siglo sa pamamagitan ng isang nirerespetong taong relihiyoso sa Bali na nagngangalang Dang Hyang Nirartha.[1][2][3]

Alamat ng Tanah Lot at Templo ng Tanah Lot

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Pinaniniwalaan na si Dang Hyang Nirartha ang gumawa ng tatlong templo sa mga nayon ng Bali kung saan nakalaan para kay Brahma ang templo na nasa hilaga, kay Vishnu ang templo na nasa gitna at para kay Shiva ang templo na nasa timog. Siya ay kilala bilang isang lalaki na nagtataglay ng makapangyarihang supernatural na lakas sa larangan ng mitolohiya ng Bali. Habang naglalakbay sa katimugang baybayin ng Bali sa nayon ng Beraban, nakita ni Dang Hyang Nirartha ang Gili Beo, isang maliit na isla na gawa sa bato na may hugis na ibon. Naramdaman ni Dang Hyang Nirartha na ito ay isang banal na lugar para pagtayuan ng isang dambana. Nagalit ang pinuno ng Beraban at inutusan ang mga tao na paalisin si Dang Hyang Nirartha sa Gili Beo. Dahil sa kapangyarihan ni Dang Hyang Nirartha ay nagawa niyang pagalawin patungong dagat ang buong isla na gawa sa bato at magtayo dito ng templo. Tinawag na Tanah Lot ang islang ito.[2]

Ayon sa mitolohiya ng Bali, ang Templo ng Tanah Lot ay itinayo para sambahin ang diyos ng dagat na si Bhatara Segara. Gumawa ng isang makamandag na ahas si Bhatara Segara mula sa kanyang sintas para protektahan ang templo. Pinaniniwalaan na nakatira ang ahas na ito sa pinakamababang parte ng isla para pangalagaan ang templo mula sa mga masamang tao.[2]

  1. 1.0 1.1 1.2 "Tanah Lot". Bali Tourism Board. Bali Tourism Board. Inarkibo mula sa orihinal noong 27 Nobiyembre 2022. Nakuha noong 7 November 2022. {{cite web}}: Check date values in: |archive-date= (tulong)
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 2.4 "Tanah Lot". Wonderful Indonesia. Ministry of Tourism, Republic of Indonesia. Nakuha noong 7 Nobyembre 2022.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. 3.0 3.1 3.2 "Tanah Lot Temple". World Monuments Fund. World Monuments Fund. Nakuha noong 7 Nobyembre 2022.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)