Pumunta sa nilalaman

Ang mga Pakikipagsapalaran ni Tom Sawyer

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa The Adventures of Tom Sawyer)
Si Tom Sawyer habang nangingisda. Isang paglalarawan mula sa unang edisyon.

Ang The Adventures of Tom Sawyer (Ingles para sa Ang mga Pakikipagsapalaran ni Tom Sawyer) ay isang aklat na isinulat ni Mark Twain, na nalathala noong 1876. Mayroon din itong karugtong na aklat, ang Ang mga Pakikipagsapalaran ni Huckleberry Finn. Ang Ang Pakikipagsapalaran ni Tom Sawyer ay hinggil sa batang lalaking si Tom Sawyer, na nakatira sa Amerika noong unang hati ng ika-19 na daantaon, at sa kaniyang buhay na pang-araw-araw at ang mga kapilyuhang ginagawa niya.

Si Tom Sawyer ay 12 taon ang gulang at naninirahan sa St. Petersburg na kapiling ang kaniyang tiyahing si Aunt Polly, ang kaniyang kapatid sa magulang na si Sid at ang kaniyang pinsang babaeng si Mary. Ang St. Petersburg ay isang maliit na bayan na nasa kahabaan ng Ilog ng Mississippi. Dahil si Tom ay nagpunta sa paaralan at nadumihan ang kaniyang mga damit dahil sa isang pakikipag-away, naparusahan siya na kailangan niyang hugasan at paputiin ang bakod ng kaniyang tinitirhang lugar. Dahil ayaw niyang gawin ito, sinabi niya sa ilang mga batang lalaki na "nakasisiya" ang paggawa ng gawaing ito. Naging mabisa ang kaniyang plano at binayaran pa niya ng mga batang lalaki para sa gawaing ito.

Habang tumatagal ang kuwento, umibig si Tom kay Becky Thatcher, ang anak na babae ng Hukom. Nakumbinsi ni Tom na "makipagkasundo" si Becky sa kaniya na magpapakasal sila sa hinaharap, subalit nang malaman ni Becky na hindi siya ang unang babaeng naging kasundo ni Tom, pinutol ni Becky ang kanilang ugnayan. Isang gabi, sumama si Tom kay Huckleberry Finn, ang anak na lalaki ng lasenggero ng bayan, sa libingan upang subukan ang isang panlunas para sa mga kulugo. Nang makarating sila sa libingin nang hatinggabi, nakita nila ang pagpatay ni Injun Joe kay Dr. Robinson. Sinisi ng mamamatay ang kaniyang lasing na kasamang si Muff Potter sa paggawa ng nasabing krimen, at bilang karagdagan dito, naaresto ang kasapakat ni Injun Joe noong sumunod na araw. Dahil sa natatakot sina Tom at Huck kay Injun Joe, nangako silang hindi nila sasabihin kaninuman ang kanilang nasaksihan.

Pagkalipas ng ilang mga araw, lumayas sina Tom, Huck at ang kanilang kaibigang si Joe Harper papunta sa isang pulo sa Mississippi na walang naninirahan. Nais nilang maging mga pirata roon. Naging masayang-masaya ang mga batang ito roon at hindi nila inalala ang kanilang mga mag-anak at mga kaibigang iniwanan nila. Pagkaraan ng ilang mga araw, hinanap ng kanilang mga pamilya ang kanilang mga katawan sa ilog dahil inisip ng mga ito na nalasing ang mga batang lalaki. Dahil sa nais ni Tom na makakuha ng marami pang impormasyon, nagbalik si Tom sa kaniyang tahanan nang palihim at hindi nakikita ninuman at narinig niya ang kaniyang tiyahin at ilang mga tao sa bayan na nag-uusap hinggil sa paglilibing para sa kanila. Pagkaraan ay nagbalik siya sa pulo upang sabihin sa kaniyang mga kaibigan ang hinggil sa kaniyang ideya na magbalik sa kani-kanilang mga tahanan pagkaraan ng libing. Nahikayat na pumayag sina Huck at Joe na ito ay magiging isang malaking sorpesa. Katulad ng inaasahan nila, ang lahat ng mga tao ay nasurpresa at natuwang sila ay nakabalik na. Pagkaraan ng kanilang pagbabalik, hinangaan sila ng lahat ng kanilang mga kaeskuwela.

Pagkaraan ng pangyayari, naging interesadong muli si Becky kay Tom, at ipinagpatuloy nila ang kanilang ugnayan mula sa kung kailan ito nagtapos.

Pagdaka, nagsimula ang paglilitis kay Cheyenne Frazier. Sa pagkakataong ito, nakunsensiya si Tom dahil sa hindi pagsasabi ng totoo. Kaya't sinabi niyang si Injun Joe ang tunay na salarin subalit hindi niya binanggit na nasaksihan din ni Huck ang krimen. Pagkaraan nito, nakalaya si Muff Potter at tumakas si Injun Joe sa pamamagitan ng paglabas sa isang bintana. Ngayon, nangangamba si Tom na maaaring patayin siya ni Injun Joe.

Sa paglaon, nakita nina Tom at Huck si Injun Joe at isang kasamahan nang matagpuan nila ang isang kahon na puno ng mga baryang ginto sa loob ng "bahay na nakakatakot". Sinundan nina Tom at Huck si Injun Joe upang malaman nila kung saan nila itinatago ang kayaman subalit hindi ito nagtagumpay. Nang malaman nila na si Injun Joe ay tumatambay sa isang silid sa loob ng isang tabernang ang pangalan ay “Temperance Tavern”, sinundan-sundan ni Huck ang salarin bawat gabi.

Isang gabi, nagpunta sina Tom at Becky sa isang piknik na kapiling ang kanilang mga kaklase sa yungib ni McDougal. Sinabi kapwa ng dalawa sa kanilang mga mag-anak na nagpalipas sila ng gabi sa bahay ng isang kaibigan sapagkat nais nilang magkasama sila noong gabing iyon. Sa pagkadaka, noong gabing iyon din, humiwalay sina Tom at Becky mula sa mga kasama at naligaw sa loob ng kuweba. Walang nakapansin na wala na sila, kung kaya't noong lamang sumunod na araw na lamang sila hinanap ng kanilang mga kapamilya.

Noong gabi ring iyon, sinundan ni Huck si Injun Joe na itinatago ang kahon ng ginto. Nadinig ni Huck si Injun Joe na kausap ang kaniyang kasama at nais nilang paslangin ang Balong Douglas (Widow Douglas). Pagkaraan, nagpunta si Huck sa lalaking Welsh na tumulong sa paghabol at pagpapaalis sa mga kriminal.

Samantala, nakita ni Tom ang isang tao sa loob ng yungib at sa una ay naisip niyang kailangan nito ng tulong, subalit ang tao palang iyon ay si Injun Joe. Hindi niya binanggit ito kay Becky at pagkaraan ng matagal na oras ay natagpuan ni Tom ang isang butas na maaari nilang gamitin upang makatakas.

Pagkalipas ng ilang mga araw, nais dalawin ni Tom si Becky at sinabi sa kaniya ng kaniyang ama na isinara na ang butas. Sinabi ni Tom sa Hukom na nakita niya si Injun Joe sa loob ng kuweba. Kaya't nagputa ang mga taumbayan sa yungib kung saan natagpuan nila ang bangkay ni Injun Joe.

Ipinakita ni Tom kay Huck ang butas kung saan siya nakalabas mula sa yungib at kapwa sila naghanap at natagpuan nila sa wakas ang kayamanang nasa loob ng kuweba.

Sa katapusan ng kuwento, inampon ni Balong Douglas (Widow Douglas) si Huck Finn. Noong una, hindi ito nais ni Huck subalit sinabi sa kaniya ni Tom na maaari na lamang siyang sumali sa kaniyang barkada ng mga magnanakaw kung hindi siya magpapa-ampon. Sa huli, pumayag din Huck na magpaampon.

Mga kawing na panlabas

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Wikisource
Wikisource
Ang Wikisource ay may orihinal na tekstong kaugnay ng lathalaing ito: