Pumunta sa nilalaman

Bampira

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Vampire)
Isang aktor na naglalaro ng bampira sa Londres, Inglaterra (1927).

Ang mga bampira (vampire sa Ingles) ay mitolohikong mga katauhan na namumuhay sa pamamagitan ng dugo mula sa mga nilalang sa mundo, maging ito ay buhay o patay. Ang terminong “bampira” ay naging tanyag lamang noong ika-18 siglo, matapos ang pagdagsa ng usaping ito sa Kanlurang Europa. Sa ibang lugar din ay kumalat ang bali-balita sa mga bampira, tulad sa Gresya, ang tawag sa mga bampira ay vrykolakas at sa Romania naman ay strigoi. Dahil sa pagkalat ng usapin tungkol sa ganitong mga uri ng nilalang, nagkaroon ng kaguluhan sa Europa at sa ibang bahagi ay nagkaroon ng pagbibintang ng pagiging bampira sa ilang mga tao at nagdulot ng pagpatay sa kanila.

Ang nobela ni John Polidori na The Vampyre na inilathala noong 1819 ang nagdala ng orihinal at marunong na paglalarawan sa mga bampira. Ito ang pinaka-maimpluwensiyang gawa tungkol sa mga bampira at naging inspirasyon sa ilang mga akda tulad ng Varney the Vampire at Dracula. Ang nobela ni Bram Stoker na Dracula noong 1897 ang itinuturing na batayan ng isang bampira ngayong araw. Naging batayan ng Dracula ang mga sinaunang mitolohiya ng mga taong lobo o werewolves sa Ingles at ilang mga katulad nitong demonyo ang nagbigay ng sagot sa mga agam-agam ng mga panahong iyon at sa takot ng Victorian patriarchy. Ang tagumpay ng nobelang ito ang nagbigay buhay sa dyanra ng mga bampira at hanggang sa kasalukuyan ay tanyag, lalo na sa mga libro, pelikula, laro at sa mga teleserye. Ang mga bampira ang nangingibabaw sa mga henero ng horror o "pangkatatakutan" sa kasalukuyan.

Ang Oxford English Dictionary ang unang nagtala ng salitang “vampire” sa Ingles noong 1734 at sa isang travelogue na may titulong Travels of Three English Gentlemen na nailambag sa Harleian Miscellany noong 1745. Ang mga bampira ay tinalakay na ng mga literatura ng mga Aleman. Matapos masakop ng Austria ang hilagang Serbia at Oltenia sa pamamagitan ng Treaty of Passarowitz noong 1718, ipinasok ng mga opisyal ang isang praktis ng pagpatay ng mga bampira. Ang mga ulat dito mula 1725 hanggang 1732 ay kumalat sa maraming lugar.

Ang Ingles na termino ay mula sa salitang Pranses na vampyre at sa salitang Aleman na vampir at siyang nakilala sa Serbia noong ika-18 siglo nang si Arnold Paole ay binansagang bampira sa mga oras na iyon nang sakop pa sila ng Imperyong Austriyano. Ang tumpak na pinagmulan ng salitang bampira ay hindi parin natutukoy dahil maging sa mga Slavic na wika ay pareho ang pangalan. Isang teorya ang pinagtatalunan na galing ang salitang Ingles na “vampire” o bampira sa Turkikong termino para sa mangkukulam na “ubyr”.

Sa salitang Ruso naman ay naunang naitala ang mga usapin tungkol sa mga bampira noong 1047 AD at ilan pang mga tala na naglalarawan sa pagiging pagan ng mga tao sa mga panahong ito.

Katutubong paniniwala

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang mga kuru-kuro sa mga bampira ay umabot ng libong taon; ang mga kulturang Mesopotamian, Hebrew, Ancient Greek at Roman ay mayroong mga kuwento tungkol sa mga masasamang espirito at mga demonyo na siyang nanguna sa paglaganap ng modernong bampira. Sa kabila ng paglaganap ng mga kuwentong bampira sa mga panahong ito, ang mga alamat tungkol sa mga bampira ay karaniwang mula sa pagkakalarawan ng Kanlurang Europa noong 18th siglo. Sa ibang kaso naman, ang mga bampira ay ibang anyo ng masasamang nilalang, mga biktima ng suicide, o mga mangkukulam, maaaring gawa din sila ng mga taong mapaghangad ng masama sa kapwa o ang mga nakagat ng mga bampira. Ang paglaganap ng mga kuwento tungkol sa mga bampira ay nagdala din ng malwakang gulo sa maraming lugar at pampublikong pagpatay sa mga taong hinihinalang bampira.

Paglalarawan at karaniwang katangian

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Hindi mailalarawan ang bampira ng isang depenitibong paglalarawan lamang, gayon pa man, maraming pagkakatulad ang mga paglalarawan mula sa mga alamat mula sa Europa tungkol sa mga bampira. Ayon sa mga kuwento, ang mga bampira ay karaniwang namamaga ang hitsura, at namumula o maitim; sinasabing dahil ito sa pag-inom ng dugo. Sa katunayan ay makikita ang dugo mula sa kanilang bunganga at ilong, at nakikita sila sa mga ataul o kabaong at ang kanilang kaliwang mata ay bukas. Ayon sa alamat, hindi sila nagkaroon ng matutulis na ngipin, ngunit ang kanilang buhok at kuko ay mahahaba.

Pagbuo sa mga bampira

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang dahilan ng henerasyon ng paniniwala sa bampira ay iba-iba sa mga lugar. Sa mga Intsik at Slavic na tradisyon, ang isang bangkay na tinalunan ng isang hayop, aso o pusa, ay kinatatakutang maging isang bangkay na buhay. Ang isang katawan na nasugatan at hindi hinugasan ng mainit na tubig ay itinutuying ding maging katulad ng mga bangkay na buhay. Sa Russia naman, sinasabing ang mga bampira ay mga dating mangkukulam at ang mga taong nagrebelde laban sa Russian Orthodox Church habang sila ay nabubuhay pa. Ang ilang mga praktis sa ibang cultura ay lumaganap na siyang humahadlang sa pagiging isang bampira ng isang namatay na kaanak. Ang paglibing sa bangkay nang pabaliktad ay lumaganap at ang pag-iwan ng karit sa bangkay upang masiyahan ang demonyo at lumayo sa bangkay at para sa hindi nito pagbangon mula sa pagkamatay.Ang paraang ito ay katulad ng praktis sa sinaunang Griyego ng paglagay ng pera sa bunganga ng bangkay upang magsilbing pamasahe sa pagtawid sa ilog ng Styx sa kabilang buhay; pinagtatalunan ng iba na ang barya na inilalagay sa bunganga ng bangkay ay upang itaboy ang masamang espirito sa pagpasok nito sa katawan ng patay. Ang ibang paraan ng pagtigil sa pagiging bampira ng isang patay sa Europa ay ang pagbali ng mga buto ng bangkay at paglagay ng butil ng mais o buhangin sa lupa kung saan ililibing ang bangkay at siyang bibilangin nito upang maging buzy sa buong magdamag.

Maraming mga rituwal ang ginagamit upang mailarawan o maituro ang isang bampira. Isang paraan ng paghahanap sa libingan ng isang bampira ay ang paggamit ng isang birheng lalaki upang ituro ang kinalalagyan nito habang nakasakay sa isang kabayo, magtatatalon ang kabayo kapag malapit na ang libingan ng bampira. Sa Albania ay gumagamit ng isang itim na kabayo sa paghahanap ng libingan ng bampira. Sinasabing ang mga butas malapit sa mga sementeryo ay nagsisilbing palatandaan ng mga bampira.

Ang mga bangkay na nagiging bampira ay mayroong malusog na pangangatawan kumpara sa iba at hindi nagpapakita ng symtomas ng pagkabulok. Sabi ng ilan, puno ng dugo ang mukha ng bampira kapag nakita sa kanilang hinihimlayan. Ang pagkakaroon ng bampira sa isang lugar ay nasasabi tuwing mayroong nawawala o namatay na baka, tupa, mga kaanak at mga kapitbahay. Sinasabing ang mga bampira din ay kayang magpagalaw ng mga bagay, mag-hypnotized ng tao at patulugin ito.

Ang mga apotropaic o apotropaik ay mga bagay na pumupuksa sa mga bampira. Bawang ang pinakamalimit na ginagamit upang talunin sila. Ang ilan pang paraan ay ang pagdala ng ligaw na rosas, at sa Europa, ang pag-iwan ng mga buto ng mustard sa bubong ng mga bahay ay nagpapalayo sa mga bampira. Ang iba pang apotrapaik ay mga sagradong bagay tulad ng krus ni Jesus, banal na tubig at rosary. Sinasabing hindi kayang tumapak ng mga bampira sa mga simbahan at sagradong lugar. Sa ibang kultura, ang mga salamin ay ginagamit ding panakot sa mga bampira; ang mga bampira ay sinasabing walang repleksiyon sa salamin, marahil ito ay dahil sa wala silang kaluluwa. Kahit na sa gabi lamang sumasalakay ang mga bampira, sila ay hindi takot sa araw.

Sa ibang media

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Pelikula at telebisyon

[baguhin | baguhin ang wikitext]