Lapi

Mula sa Wikipediang Tagalog, ang malayang ensiklopedya
Tumalon sa: nabigasyon, hanapin
Para sa ibang gamit, tingnan ang Lapi (paglilinaw).
Ang iba't ibang antas sa pamamaraan ng pagpapangkat pang-biyolohiya. Espesye Henus Pamilya Orden Klase Phylum Kaharian Dominyo Buhay

Magnify-clip.png
Ang pagkakasunud-sunod (hirarkiya) ng walong pangunahing hanay pang-taksonomiya sa katipunang biyolohikal. Hindi ipinakikita ang mga ranggong panggitna.

Sa taksonomiya ng larangan ng biyolohiya, ang lapi o kalapian[1] (Ingles: phylum [isahan] o phyla [maramihan]; Griyego: Φῦλα) ay isang kahanayang ng pagkakapangkat-pangkat na nasa antas sa ilalim ng kaharian at nasa ibabaw ng biyolohiya. Kinuha ang salitang "phylum" mula sa phylai (φυλαί) ng wikang Griyego, mga grupo ng mga angkan na naninirahan sa mga lungsod ng isinaunang Gresya; may kakayahan at karapatan sa paghalal ng pinunong-kaangkan ang mga phylai. Ang salitang lapi naman ay akmang-akma sa salin ng phylum o phylai sapagkat nangangahulugan itong "isang kapanalig sa loob ng isang partidong pampolitika".[1] Sa larangan ng taksonomiya, kinakatawan ng mga lapi ang pinakamalaki at pinakakaraniwang kinikilalang pagbubuklod-buklod ng mga hayop at iba pang mga nilalang na may-buhay, at may tiyak na mga katangiang pang-ebolusyonaryo, bagaman kung minsan maaaring ihanay ang mga mismong lapi sa mga superlapi (superphyla) (katulad ng Ecdysozoa na may walong lapi, kabilang ang mga arthropod at bulating-bilog; at ang Deuterostomia na kabilang ang mga echinoderm, chordate, hemichordate at bulating-pana) (arrow worm).

Sa impormal na paraan, maaaring isipin na ang mga lapi ay isang paglilipon ng mga hayop batay sa isang panlahatang kayarian ng katawan;[2] Tinatawag itong pagpapangkat-pangkat na pang morpolohiya (ayon sa pagkakahawig ng mga anatomiya). Samakatuwid, sa kabila ng tila pagkakaiba ng mga panlabas na mga kaanyuhan ng mga nilalang, inihanay sila sa mga lapi ayon sa kanilang mga panloob na kayarian.[3] Halimbawa, bagaman tila magkahiwalay at magkaiba, kapwa kabilang ang mga gagamba at mga alimango sa mga Arthropoda, samantalang ang mga bulating-lupa at bulating-payat, bagaman magkahugis, ay mula sa dalawang kahanayan. Kabilang ang mga bulating-lupa sa mga Annelida, samantalang ang mga bulating-payat ay mula sa mga Platyhelminthes. Datapwa pinapayagan ng Kodigong Pansandaigdigan ng Pagpapangalang Pang-botaniko ang paggamit ng salitang "lapi" (phylum) bilang panukoy sa mga halaman, higit na mas ginagamit ng mga botanista ang salitang "kahatian".

Ang pinakakilalang mga lapi ng hayop ay ang Mollusca, Porifera, Cnidaria, Platyhelminthes, Nematoda, Annelida, Arthropoda, Echinodermata, at Chordata. Sa huli nabibilang mga ang mga tao. Bagaman may 35 - humigit-kumulang - na mga lapi, kabilang sa siyam na nabanggit ang karamihan sa mga sari. Marami sa mga lapi ang nabubuhay sa tubig, at nag-iisa lamang ang wala sa mga karagatan ng mundo: ito ang Onychophora o bulating-pelus (bulating-tersiyupelo).

Ang pinakabagong natuklasang sari ay ang Cycliophora[4], na natuklasan noong 1993; tatlong bagong sari lamang ang natuklasan sa loob ng huling dantaon.

Ang pagsabog na Kambriyano ay isang malakihang pamumulaklak ng mga nilalang na may-buhay na naganap sa pagitan, humigit-kumulang, ng 530 at 520 milyong taon na ang nakalipas;[5] noong mga panahong ito mayroon nang mga nilalang na kahawig ng makabagong sari, bagaman hindi naman kabilang sa mga ito;[6] habang ang ilan naman ay parang mga kinatawan na nasa loob ng Ediacaran biota, nananatili itong isang usapin na kung ang lahat ba ng mga sari ay namumuhay na bago man dumating ang pagsabog. Sa loob ng maraming panahon, nagpabagu-bago ang mga gawain ng iba't ibang mga sari. Halimbawa, noong panahong Kambriyano, ang nakalalamang na mga megafauna (megahayop), o malalaking mga hayop, ay ang mga artropoda, ngunit sa ngayon ang mga megahayop ay nalalamangan ng mga vertebrata (kordata)[7] Magpahanggang sa ngayon, ang pinaka-nakalalamang na sari ay ang mga artropoda.

Tingnan din[baguhin]

Mga sanggunian[baguhin]

  1. 1.0 1.1 "Lapi at lapian". English, Leo James. Tagalog-English Dictionary (Talahulugang Tagalog-Ingles). (1990)..
  2. Valentine, James W. (2004). On the Origin of Phyla (Hinggil sa Pinagmulan ng mga Lapi). Chicago: Palimbagang Pampamantasan ng Chicago. pp. 7. 0226845486. ". Ginagamit na ang klasipikasyon ng mga organismo sa mga pamamaraan ng pag-aantas nang dumating ang ika-labimpito at ika-labingwalong mga dantaon. Karaniwang tinitipon ang mga nilalang ayon sa kanilang mga pagkakatulad na pang-morpolohiya, ayon sa kaalaman ng mga isinaunang mga dalubhasa, at ang mga kalipunang ito ay muling inihanay ayon sa kanilang mga pagkakatulad, at iba pa, upang makabuo ng pag-aantas (hirarkiya)."
  3. Parker, Andrew (2003). In the blink of an eye: How vision kick-started the big bang of evolution (Sa isang kisap-mata: Paano pinanimulan ng paningin ang pagsabog at paglaganap ng ebolusyon). Sydney: Free Press. pp. 1–4. 0743257332. " Ang trabaho ng biyolohistang ebololusyonaryo ay ang mabigyan ng kahulugan ang masalimuot na pagsasalunggatan ng hubog - hindi laging may kaugnayan sa pagitan ng panloob at panlabas na mga bahagi ng katawan. Noong unang kapanahunan ng paksang ito, naging lantad na ang mga kayariang panloob - sa pangkalahataan - ay higit na mahalaga sa mataas na kahanayan ng mga hayop, kaysa sa mga panlabas na hugis. Naglalagay ng malawakang limitasyon ang panlabas na kayarian sa kung paano humihinga, kumakain at gumagawa ng supling ang isang hayop."
  4. "… kapag may isang bagong tuklas na sari ng hayop, hindi man pangkaraniwan, maaaring ihanay ito sa isang kilala nang lupon ng mga nilalang na may katulad na kayarian ng katawan o sari. Bagaman mayroon nang higit sa 1.5 milyong kilalang mga sari sa mundo, maaari silang ihanay sa loob ng 35 o higit pa na mga sari. Kabilang sa mga ito ang mga kordata (chordate, mga vertebrata katulad ng tao), mga molusk (mga suso) at artropoda (may mga binting magkakaugpong; mga kulisap). Subalit, ang S. pandora ay lubhang hindi pangkaraniwan kung kaya't hindi ito maihanay sa kahit na anong umiiral na kasarian, at dahil dito isang bagong sari ang iminungkahi: ang Cycliophora" [1] (pinuntahan ang URL noong 5 Hulyo 2006)
  5. Valentine, J.W.; Jablonski, D.; Erwin, D.H. (01 Marso 1999). "Fossils, molecules and embryos: new perspectives on the Cambrian explosion (Mga bakas, molekula at embriyo: mga bagong pananaw hinggil sa Kambriyanong pagsabog)". Development (Kaunlaran) 126: 851–859. http://dev.biologists.org/cgi/content/abstract/126/5/851. Hinango noong 17 Mayo 2007. 
  6. Budd, G.E.; Jensen, S. (2000). "A critical reappraisal of the fossil record of the bilaterian phyla (Isang mapagpunang pagsusuri ng talaan ng mga bakas ng saring bilateryano)". Biological Reviews 75 (02): 253–295. doi:10.1017/S000632310000548X. http://www.journals.cambridge.org/abstract_S000632310000548X. Hinango noong 26 Mayo 2007. 
  7. "Ang Kambriyanong Pagsabog… Ang hangganan ng mga organismo ay umaabot mula sa mga prokaryotiko cyanobacteria hanggang sa mga eukaryotikong luntian at pulang alga, esponghang-dagat, brakyopoda, priyapulida, anelida, at maraming iba't ibang lipon ng mga artropoda groups, maging mga ekinoderma at maaaring isa sa mga unang kordata."[2] (pinuntahan ang URL noong 5 Hulyo 2006)
Wikipedia-logo-en.png
Ang artikulong ito o mga bahagi nito ay hinango o isinalin mula sa Wikipediang Ingles. Ang katumbas na artikulo nito sa Ingles ay may pamagat na:

Mga ugnayang panlabas[baguhin]

Etimolohiya: