Lahing Malay
- Tumuturo dito ang Malayo at Melayu. Para sa wika, tingnan ang Wikang Malay. Para sa iba pang gamit, tingnan ang Malay (paglilinaw).
Ang mga Malay (Malay: Melayu; Kastila: malayo) ay isang lahing (Malay: bangsa at hindi kaum, "rasa") Awstronesyo mula sa Timog-silangang Asya na pangunahing matatagpuan sa Bruney, Indonesya, Malasya, Pilipinas, at Silangang Timor.[1][2] Bagaman isang minoriya ngayon sa Singgapur, sila rin ang kinikilalang mga katutubo ng lungsod-estado.[3] May higit-kumulang 300 milyon ang bilang ng mga Malay.
Malay ang lingua franca ng mga Malay, bagaman sa iba't ibang yugto ng kanilang kasaysayan ay natuto rin sila ng Portuges, Kastila, Olandes, at Inggles. Maliban sa mga wikang nabanggit, nagsasalita rin ng sari-sarili nilang mga lokal na wika ang mga Malay, na nabibilang sa pamilyang Awstronesyo; isa na sa mga wikang ito ang Tagalog. Sanskrito, Latin, at Arabe naman ang mga wikang liturhiko ng mga Malay.
Mga nilalaman |
[baguhin] Kasaysayan
- Silipin din: Śrīvijaya
Ayon sa kasaysayan ng Jambi, ang salitang Melayu ay mula sa isang ilog na may pangalang Sungai Melayu malapit sa Sungai Batang Hari ng kasalukuyang bayan ng Muara Jambi, lalawigang Jambi ng Sumatra, Indonesia. Ang nagpundar ng Malacca Parameswara ay isang prinsipe ng Palembang na pag-aari ng isang bansang tinatawag na Melayu noong siglo 7. Malinaw na itinala ito ni Yi Jing (635-713) sa kanyang talaarawang aklat na mayroong bansang may pangalang Ma-La-Yu. Ayon sa mga arkeolohikong pananaliksik ng Jambi, maraming mga kasangkapan pang-arkitektura noong sinaunang Melayu ang natagpuan kasama ang mga ebidensya nito. Sa matandang wikang Tamil ng India, 'Kanlurang Bundok' ang ibig sabihin ng Malaya.
Ang salitang Malay ay direktong hiniram mula sa Inggles; ang katawagang Malay sa Inggles ay siya namang nagmula sa salitang Olandes na Maleiër na nagmula naman sa na Melayu ng salitang Malay. Sa Kastila naman, malayo ang ginagamit na katawagan. Ayon sa isang hinuang popular, ang salitang Melayu ay nangangahulugan ng "dumayo" o "lumayo," na maaring pakahulugan sa mapaglakbay na lipi sa rehiyong ito.
Noong panahong pananakop ng mga Kastila sa Pilipinas, ang mga Malay ay tinawag na mga Indiyo (Kastila: indio).
[baguhin] Pagkakasapi
Sa bronse ni Malvina Hoffman, dalawang lalaki ang naghahanda ng kanilang panabong habang nanunuod ang isang batang lalaki kumakain ng prutas. Naninimbang ang isang babaeng may dalang prutas sa kanyang uluhan. Field Museum of Natural History, Chicago
Ang katagang Malay ay tumutukoy sa etnikong grupo na naninirahan sa tangway Malay (na kasama ang pinakatimog na bahagi ng Thailand na tinatawag na Pattani at Satun) at silangang Sumatra gayundin ang ang daigdiging kultural na lumalagom sa malaking bahagi ng kapuluan. Sa Malaysia at Brunei, mayoridad ang etnikong Malay, at isang malaking menoridad sa Singapore at Indonesia. Nagsasalita sila ng iba’t-ibang dialekto ng wikang Malay. Ang dialekto ng tangway ang saligang wika ng mga Malay ng Malaysia at Singapore. Ang dialektong Riau naman ng silangang Sumatra ang pambansang wikang Indones (Bahasa Indonesia) sa buong Indonesia. Sa Malaysia, 51% ng populasyon ay Malay kasama ng ibang menoriya tulad ng timoging Tsino (e.g. Hokkien at mga Cantones), timoging Indio (ang karamihan ay mga Tamil at Malayali) gayundin ang mga Eurasyano.
Nasala ang impluwensya ng kulturang Malay sa buong kapuluan tulad ng monarkong estado, relihiyon (Hinduismo/Budismo noong unang milenyo AD, Islam noong ikalawang milenyo) at ang wikang Malay. Ang makapangyarihang kaharian ng Śrīvijaya ang nag-isa sa iba't-ibang grupong etniko sa timog silangang Asya bilang isang pinag-isang daigdiging kultural sa halos isang milenyo. Noong panahong iyon nangyari ang malawak na paghiram ng mga salita at konsepto sa Sanskrit na nagpadali sa paglinang ng Malay bilang isang wika. Malay ang pinaka rehiyonal na lingua franca at ang mga wikang creolo mula sa Malay ang ginagamit sa mga punduhang kalakalan sa Indonesia.
[baguhin] Distribusyong heograpiko
Dulot ng kolonyalismong Kanluranin, kasalukuyang nahahati ang mga Malay sa mga estado ng Bruney, Indonesya, Malasya, Pilipinas, at Silangang Timor. Matatagpuan din ang mga Malay sa Kamboya, Singgapur, Sri Lanka, Taylandiya, at Timog Aprika, kung saan sila ay mga minoriya.
Ang mga Malay ang mga magkakaugnay na grupo na naninirahan sa kapuluang Malay (hindi kasama ang mga Negrito). Kasama rito ang mga Aceh, Minangkabau, Batak at Mandailing na naninirahan sa Sumatra, Java; at Sunda sa Java; mga Banjar, Iban, Kadazan at Melanau sa Borneo; mga Bugi at Toraja ng Sulawesi; ang mga pangunahing etnikong grupo sa Pilipinas tulad ng mga Tagalog, Ilocano at Ifugao ng Luzon, mga Bisaya sa gitna at timog-silangan ng Pilipinas at sa Borneo, ang mga Maguindanao, Tausug at Bajau ng Mindanaw at ng kapuluang Sulu; at mga mamayan ng Silangang Timor (hindi kasama ang matandang katutubong Papuano.)
Sa tiyak na kaisipan, ang katagang Malay ay tumutukoy rin sa isang grupo na taal sa silangang bahagi ng Sumatra na dumayo sa Tangway Malay at sa Kapuluang Riau nitong mga nakaraang libong taon. Minsan, ngunit madalang, ang grupong ito ay tinatawag na “Malay Riau” upang ipakita bilang isang hiwalay na grupo.
Ang iba pang grupo na isinasama bilang mga Malay, ngunit naninirahan sa labas ng kapuluan ng Malay, ay ang mga Cham ng Cambodia at Vietnam at mga Utsul na naninirahan sa pulo ng Hainan. Ang mga inapo ng mga Malay ay matatagpuan ngayon sa Sri Lanka, Timog Aprika (ang Cape Malays) at Madagascar. Sa Madagascar, Merina ang tawag sa kanila at isa sa pangunahing etnikong grupo sa bansang ito.
Sa Suriname, na isang maliit na bansa sa Caribe sa hilagang-silangang pasigan ng Timog Amerika, ay may malaking bilang ng mga Malay na mga inapo ng manggawang Javanes na nandayuhan nitong mga kamakailan.
Sa Singapore, menoriya ang mga Malay dahilang karamihan ng kanyang pamayanan ay binubuo ng mga mandarayuhang Tsino at Timog Asyano na dumating kamakailan at mga inapo nito. Gayundin, kahit hindi teknikal na bahagi ng kapuluan ng Malaya, ang katimugang bahagi ng Thailand – ang rehiyong Pattani – ay pinamamayanan din ng mga Malay. Ito ang mga inapo ng mandarayuhan mula sa karatig ng kapuluan ng Malaya na nang lumaon ay nagpundar sa kaharian ng Pattani, isa sa maraming sultanang musulmano na itinatag noong panahon ng pagpapalawak ng Islam sa Timog Silangang Asya.
[baguhin] Kultura
[baguhin] Wika
Kasapi ang mga wikang Malay ng pamilya ng wikang Malayo-Polines na isa sa maraming sanga sa loob ng pamilya ng wikang Austrones. Kasama ng malaking pamilya ng mga wikang ito ang lahat ng katutubong wika ng mga Malay sa buong kapuluang Malay kasama rito ang Indones, Bahasa Malaysia, Tagalog at lahat ng katutubong wika ng Pilipinas, Tetum (Silangang Timorese), at ang wikang Malagasy ng Madagascar. Ang mga ebidensya ay nagpapahiwatig rin na ang mga Polines at Mikrones ay maaring nagmula--sa isang dako--sa mga ninunong mandaragat na nagmula sa palibot na lahing Malay kasama ang mga Melanes.
Ang malalayong kasapi ng malaking pamilya ng mga wika na nasa sangang Polines ay ang mga wikang ginagamit ng mga Polines tulad ng Samoan, Hawaiian, Rapanui at Maori ng New Zealand.
[baguhin] Pananampalataya
Sa pananampalataya, karamihan ng mga Malay ay naging Musulmana mula sa Hinduismo, Budismo at animismo noong unang bahagi ng siglo 15; sila ay naimpluwensiyahan na mga mandaragat na Arabe, Tsino at Muslim mula sa India noong Ginintuang Panahong Islamika. Ang Musulmana ang dominanteng grupo ng relihiyon ngayon ng mga Malay ng Indonesia, Malaysia, Brunei at Singapore. Ang kanilang pagiging Muslim mula Hinduismo at Budhismong Theravada ay nagsimula noong mga taong 1400 na malaking naimpluwensyahan ng desisyon ng maharlikang korte ng Malaka. Karamihan ng Malay ng Thailand, Timog Aprika, Sri Lanka at Suriname ay mga Muslim din bilang inapo ng mga nabinyagang mga Muslim ng Malaysia, Indonesia, atbp.
Ang mga imaheng ginto ni Garuda, ang sarimanok sa tuktok ng Vishnu, ay nasumpungan sa Palawan sa Pilipinas. Isang gintong may pigurang diyosa ng Hindu-Malay na 4 libra at 1 piyeng taas ang ngayon ay nanahan sa Field Museum ay natuklasan pulo ng Mindanao sa Pilipinas noong 1917. Dahilang ipinagbabawal sa Islam ang mga imahen at rebulto, nagpapakita na ang mga rebultong ito umiinog na sa Mindanao bago pa man dumating ang Islam. Maraming mga Malay ng Mindanao ay Muslim din ngunit sinasabing ika-23 at huling grupo ng alon ng madarahuyuhan na dumating sa Pilipinas mula sa katimugan.
Sa Pilipinas bunga ng pagsakop ng mga Kastila nang mahigit tatlong siglo, ang Islam ay hindi nangingibabaw. Karamihan ng kasalukuang Pilipino (alin man ang sub-grupong Malay) ay Kristiyano na karamihan ay Katoliko Romano. Gayunman, may malaking bilang ng Pilipino sa timoging pulo ng Mindanao at kapuluang Sulu ay Muslim ang nakibaka sa pananakop ng Espanya at magpasahanggang ngayon ay nakikibaka sa pamahalaang Pilipino.
Katulad ng mga Malay ng Pilipinas, ang Malay ng Silangang Timor ay mga Kristiyano rin bunga mga pananakop ng kolonisador na Portugues. Ang dalawang bansang ito ay minamayoriya ng mga Kristiyano sa Timog-silangang Asya.
Hinduismo ang nangingibabaw na relihiyon sa pulo ng Bali. Ang mga maliliit na pulo sa kapuluan ng Malaya na nakaiwas sa pagkalat ng Islam at sa pagsikat ng Kristiyanismo sa pamamagitan ng pananakop ng mga Europeo ay naniniwala sa animismo. Mayroon ding nanampalataya kay Buddha.
[baguhin] Politika
- Silipin din: Mapilindo
Dulot ng kolonyalismong Kanluranin sa Timog-silangang Asya, kasalukuyang nahahati ang mga Malay sa mga estado ng Bruney, Indonesya, Malasya, Pilipinas, at Silangang Timor. Dati pa man, ang pagkakaisa ng mga Malay ay isa sa mga nangungunang konseptong nagbigay-inspirasyon sa mga rebolusyonaryong sulat ni Apolinario Mabini.[4] Noong panahon ng pananakop ng mga Amerikano, itinulak ni Wenceslao Vinzons ang idea ng Malaya Irredenta, na sigaw ng itinatag niyang organisasyong nagngangalang Perhimpunan Orang Melayu (Malay para sa "Unyong Malay").[2]
Ang tinatawag na Greater Malayan Confederation,[2] o Mapilindo (Malay: Mafilindo), ay isang iminungkahing kompederasyon ng Malasya, Pilipinas, at Indonesya. Ito ang ipinangarap ni dating-Pangulong Diosdado Macapagal na pagsasatotoo ng pinagsamang idea nina José Rizal, Mabini, Vinzons, at Manuel L. Quezón ng iisang poskolonyal na estado para sa mga Malay.
[baguhin] Posmodernong pagtutol
- Silipin din: Malasyong Malay
Bagaman isang balidong konsepto sa mga bansang Malay ng Bruney, Indonesya, Malasya, Pilipinas, at Silangang Timor,[1] pati na rin sa Singgapur kung saan sila ang legal na itinuturing na katutubong lahi,[5] ito ay binabale-wala ng mga akademikong Kanluranin,[1] na binabatay ang kanilang kasalukuyang pananaw sa lehisladong depinisyong nakasaad sa Saligang Batas ng Malasya—isang bansang 51% lamang ang pagka-Malay. Mahalaga ring alamin na pinapairal sa bansang ito ang patakarang Ketuanan Melayu.
Noong taong 1775 sa kanyang disertasyon sa pagkapantas na may pamagat na De generi humani varietate nativa (Sa likas na uri ng sangkatauhan), nag-ulat ng apat na pangunahing lahi sa pagamit ng kulay ng balat ang antropologong si Johann Friedrich Blumenbach. Kasama rito ang Caucasiano (puti), Etiope (itim), Amerikano (pula), at ang Monggol (dilaw).
Nang dumating ang 1795, nagdagdag si Blumenbach ng isa pang lahi na tinatawag na Malay na sinasabing sub-kategorya ng lahing Monggol. Kasama sa lahing Malay ang mga taong may "kulay kayumanggi na may balat na mapusyaw na katulad ng kamagong hanggang sa kulay ng madilim na clavo de comer o kulay kapeng kastanyas." Pinalawak ni Blumenbach ang katagang "Malay" kasama ang mga naninirahan sa Marianas, Pilipinas, Maluku, Sunda gayundin ang mga naninirahan sa mga pulo ng Pasipiko tulad ng mga taga-Tahiti. Kanyang ipinalagay sa natanggap niyang bungo ng isang taga-Tahiti ang nawawalang karugtong na nagpapakita ng transisyon sa pagitan ng "pangunahing" lahi, ang Caucasiano, at ng "pinanggalingang" lahi, ang lahing itim.
Mula kay Blumenbach, maraming nagpabulang mga antropologo sa hinua ng limang lahi dahil sa malaking komplikasyon sa pag-uuri ng lahi.
Gayumpaman, ang salitang lahi sa wikang Tagalog ay hindi nangangahulugang 'rasa' kundi 'nasyonalidad,' 'bansa,' o 'kinanununuan'; ito rin ang kaso sa salin nito sa Malay na bangsa.[6] Malinaw na ang mga pagtutol ng mga posmoderno sa pagkakaisa ng mga Malay ay nakabatay sa isang Kanluranin, i.e. panlabas, na pag-unawa ng mga wikang Awstronesyo.
Sa Pilipinas, maraming mga Pilipino ang matinding nananalig sa paniniwalang ang mga Malay ang dominanteng kultura sa bansang ito gayundin ang ang namamayan sa karatig bansa ng Malaysia at Indonesia. Ayon naman sa mga posmoderno, ang maling kaisipang ito ay mula, sa isang dako, kay H. Otley Beyer, isang antropologong Amerikano sa Pilipinas na nagmungkahi na ang mga Pilipino ay mga Malay na dumayo mula sa Malaysia at Indonesia. Ang kaisipang ito ay pinalawig ng mga Pilipinong manunulat sa kasaysayan at na kasalukuyan pa ring itinuturo sa mga paaralan sa Pilipinas at Singgapur.[5] Alalaumbaga, ang kasalukuyang pabago-bagong konsensus ng mga kontemporaneong antropologo, arkeologo, at lingguwista ay nagmumungkahi ng kabaliktaran nito; kasama rito ay mga iskolar sa larangan ng pag-aaral ng Austrones tulad nina Peter Bellwood, Robert Blust, Malcolm Ross, Andrew Pawley, at Lawrence Reid.
Gayumpaman, bago pa man sinimulan ni Beyer ang kaniyang karera sa Pilipinas, malalim nang nakaukit sa kamalayan ng mga edukadong Pilipino tulad nina Rizal at Mabini ang pagka-Malay ng mga katutubo ng Kapuluang Malay. Ang pagka-Malay, tulad ng pagka-Israel, pagka-Ehipsiyo, at iba pa, ay nakabatay sa pagkakaroon ng buhay na pamayanan na nagkakaisa sa ilalim ng isang ngalan, saan man ang pinagmulan ng mga kasapi ng pamayanang ito, at hindi basta-basta lamang naiimbalida ng kung-anumang mga antropolohikong tuklas, arkeolohikong hukay, o nauuso at papalit-palit na posmodernong pananaw.
[baguhin] Mga sanggunian
- ↑ 1.0 1.1 1.2 Milner, Anthony. 2008. The Malays. Wiley: Chichester.
- ↑ 2.0 2.1 2.2 Sakai, M. 2009. "Reviving Malay Connections in Southeast Asia," sa Huhua Cao at Elizabeth Morrell (ed.), Regional Minorities and Development in Asia. Routledge: Londres.
- ↑ http://www.yoursingapore.com/content/traveller/en/browse/see-and-do/culture-and-heritage/collage-of-cultures/malay-culture.html
- ↑ Ayon sa paglalarawan ni Arthur MacArthur, Jr., “Mabini is a highly educated young man who, unfortunately, is paralyzed. He has a classical education, a very flexible, imaginative mind, and Mabini's views were more comprehensive than any of the Filipinos that I have met. His idea was a dream of a Malay confederacy. Not the Luzon or the Philippine Archipelago, but I mean of that blood. He is a dreamy man, but a very firm character and of very high accomplishments. As said, unfortunately, he is paralyzed. He is a young man, and would undoubtedly be of great use in the future of those islands if it were not for his affliction.”
- ↑ 5.0 5.1 Kagawaran ng Araling Malayo ng Pambansang Pamantasan ng Singgapur
- ↑ Collins English–Malay Dictionary. 2005. HarperCollins: Glasgow.