Pumunta sa nilalaman

Akihabara

Mga koordinado: 35°41′54″N 139°46′23″E / 35.69833°N 139.77306°E / 35.69833; 139.77306
Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Akihabara

秋葉原
Urbanong lugar
Akihabara noong 2023
Akihabara noong 2023
Palayaw: 
Akihabara Electric Town, Ang Kabisera ng Otaku sa Mundo, Lungsod ng Anime
Mga koordinado: 35°41′54″N 139°46′23″E / 35.69833°N 139.77306°E / 35.69833; 139.77306
Bansa Hapon
Lungsod Tokyo
BaryoChiyoda

Ang Akihabara (Hapones: 秋葉原) ay isang kapitbahayan sa Chiyoda ng Tokyo, Hapon, na karaniwang itinuturing na lugar na nakapalibot sa Estasyon ng Akihabara (tinaguriang Akihabara Electric Town). Bahagi ang pook na ito ng mga distritong Sotokanda (外神田) at Kanda-Sakumachō ng Chiyoda. May administratibong distrito na tinatawag na Akihabara (bahagi ng Taitō), na matatagpuan sa hilaga ng Akihabara Electric Town na nakapalibot sa Liwasang Neribei ng Akihabara.

Isang pagpapaikli ang pangalang Akihabara ng Akibagahara (秋葉ヶ原), na nagmula sa Akiba (秋葉) , na ipinangalan sa isang diyos na may kapangyarihan sa apoy ng isang dambanang nakalaan sa paglalaban sa sunog na itinayo pagkatapos na matupok ng apoy ang lugar noong 1869.[1] Natamo ng Akihabara ang bansag na Akihabara Electric Town (秋葉原電気街, Akihabara Denki Gai, lit. na 'Akihabara Bayang Elektriko') di-matagal pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig dahil sa pagiging isang pangunahing pinagsasyapingan ng mga elektronikong panindang pambahay at pamilihang itim pagkatapos ng giyera.[2][3]

Itinuturing ng marami ang Akihabara bilang sentro ng kulturang otaku ng mga Hapones, at isa itong pangunahing distrito sa pamimili ng mga larong bidyo, anime, manga, elektronika at mga produktong may kinalaman sa kompyuter. Kitang-kita ang mga ikono mula sa sikat na anime at manga sa mga tindahan sa lugar, at kalat-kalat ang mga maid café at arkada sa buong distrito.

Matatagpuan ang pinakalugar ng Akihabara sa isang kalsada sa kanluran ng Estasyon ng Akihabara.[2] May administratibong distrito na tinatawag na Akihabara sa hilaga ng Akihabara Electric Town na nakapalibot sa Liwasang Neribei ng Akihabara. Bahagi itong distrito ng baryong Taitō.

Akihabara noong 1976

Dati, malapit ang Akihabara sa isang pintuang-daan ng lungsod ng Edo at nagsilbing daanan sa pagitan ng lungsod at hilagang-kanluran ng Hapon. Dahil dito, naging tahanan ang rehiyon ng maraming artesano at mangangalakal, pati ilang mababang-antas na mga samurai. Noong 1869, natupok ang lugar dahil sa isa sa madadalas na sunog sa Tokyo, at nagpasya ang mga tao na palitan ang mga gusali sa lugar ng isang dambana na tinatawag na Chinkasha (kilala ngayon bilang Dambanang Akiba 秋葉神社 Akiba Jinja, lit. na  'dambana ng pamatay-apoy'), sa pagtatangkang pigilan ang pagkalat ng mga apoy sa hinaharap. Binansagan ng mga tagaroon ang dambana ng pangalang Akiba na hinango sa diyos na may kapangyarihan sa apoy, at nakilala bilang Akibagahara ang lugar sa paligid nito, na naging Akihabara sa paglipas ng panahon.[1][2] Pagkatapos maitayo ang Estasyon ng Akihabara noong 1888, inilipat ang dambana sa baryong Taitō, kung saan ito nakapuwesto ngayon.[4][5][6]

Mula nang magbukas ito noong 1890, ang Estasyon ng Akihabara ay naging isang pangunahing punto sa transportasyon ng kargamento, na nagbigay-daan sa pag-usbong ng pamilihan ng mga gulay at prutas. Noong d. 1920, dumami ang pasahero ng estasyon noong nagbukas ito para sa publiko. Pagkatapos ng Ika-2 Digmaang Pandaigdig, umunlad ang pamilihang itim sa kawalan ng malakas na pamahalaan. Nagbigay-daan ang pagkakadiskonekta ng Akihabara mula sa awtoridad ng gobyerno na lumago ang distrito bilang isang lungsod ng merkado.[3] Noong d. 1930, dahil sa klimang ito, ang Akihabara ay naging rehiyon ng pamilihan na nagdadalubhasa sa mga elektronikang pambahay, gaya ng mga makinang panlaba, repriherador, telebisyon, at isteryo, kung kaya't tinaguriang "Electric Town" (Bayang Elektroniko) ang Akihabara..[2][7]

Nang magsimulang mawalan ng makabagong pang-akit ang mga elektronikang pambahay noong d. 1980, nagtuon ang mga tindahan sa mga kompyuter na pambahay, sa panahong ginagamit lamang ang mga ito ng mga espesyalista at tagahanga. Nag-akit ito ng bagong uri ng konsyumer, mga computer nerd o otaku.[2] Sumandig ang merkado sa Akihabara sa kanilang bagong mga suki na mas nakatuon sa anime, manga, at mga larong bidyo. Tumindi nang tumindi ang koneksyon ng Akihabara at otaku hanggang sa punto na naging sentro ng kulturang otaku ang rehiyon.[8][9]

Kultura ng otaku

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Mga tindahang Animate at Comic Toranoana
Club Sega
Mga maid o katulong na nag-aalok na mag-maid café malapit sa Estasyon ng Akihabara
Patsinkuhan
Arkadang may kabinet ng kendi

Punong-puno ang mga kalye ng Akihabara ng mga ikono ng anime at manga, at nakahilera ang mga kosplayer sa mga bangketa at namimigay ng mga patalastas, lalo na para sa mga maid café. Karaniwan ang mga paglulunsad, pantanging okasyon, at kombensyon sa Akihabara. Dinisenyo ng mga arkitekto ang mga tindahan ng Akihabara na maging opako at nakasara, upang ibagay sa kagustuhan ng maraming otaku na makatira sa kanilang mundo ng anime sa halip na ipakita ang kanilang mga interes.[2][10]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 Roman A. Cybriwsky (1 Pebrero 2011). Historical Dictionary of Tokyo [Diksiyonaryong Makasaysayan ng Tokyo] (sa wikang Ingles). Scarecrow Press. ISBN 978-0-8108-7238-7.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 2.4 2.5 Nobuoka, Jakob (2010). User innovation and creative consumption in Japanese culture industries: The case of Akihabara, Tokyo [Inobasyon ng tagagamit at malikhaing pagkonsumo sa mga industriya ng kulturang Hapones: Ang kaso ng Akihabara, Tokyo]. Geografiska Annaler: Series B, Human Geography (sa wikang Ingles). pp. 205–218. doi:10.1111/j.1468-0467.2010.00348.x.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. 3.0 3.1 Yamada, Kazuhito (2012). Entrepreneurship in Akihabara [Pagnenegosyo sa Akihabara] (Ulat). The Institute of Image Information and Television Engineers. doi:10.11485/itetr.36.26.0_13.{{cite report}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. "Tokyo Akihabara "Must See" Top Five" [Tokyo Akihabara Unang Limang "Dapat Makita"]. HuffPost (sa wikang Ingles). 6 Setyembre 2013.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. "秋葉神社(台東区松が谷)". 22 Mayo 2014.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. "秋葉神社の概要".
  7. "Akihabara: Electric Town For Tech, Games, Anime!".
  8. IMAI, Nobuharu. "The Momentary and Placeless Community: Constructing a New Community with regards to Otaku Culture." Inter Faculty 1 (2010).
  9. The ultimate geek's guide to Tokyo [Ang ultimong gabay ng Tokyo para sa geek] (sa wikang Ingles), CNN travel (18 Disyembre 2018)
  10. Morikawa, Kaichiro. "Learning from Akihabara: The birth of a personapolis. [Pag-aaral mula sa Akihabara: Ang pagsilang ng isang personapolis]" Gentosha (sa wikang Ingles), Tokyo (2003).