Pumunta sa nilalaman

Akomodasyon

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Ang akomodasyon (Ingles: accommodation) ay ang proseso kung kailan ang aparatong pampokus o pangtuon ng mata ay nababago upang makalikha sa ibabaw ng retina ng isang malinaw o maliwanag na larawan o imahe ng mga bagay habang nasa iba't iba o nagbabagong mga layo o distansiya. Para sa malinaw na pagtanaw sa mga bagay na nasa 16 1/2 na piye o talampakan ang layo o mas malayo pa, hindi kailangan ang anumang pagbabago sa loob ng mata, subalit para sa mga bagay na mas malapit ang lente ay dapat na maging mas matambok o maumbok (convex). Ang lente ay nasa loob ng isang kapsulang sinusuportahan sa paligid ng sirkumperensiya (palibot o kabilugan) nito ng isang ligamentong suspensoryo (nakabitin). Ang ligamento ay banat at humihila sa kapsula upang ang anteryor o nauunang ibabaw ng lente ay humigit-kumulang na nakalapat o sapad. Ang masel na silyaryo (ciliary muscle) ay nakakabit na nakapaligid sa harapan ng ligamentong suspensoryo, at kapag ang mga hibla ng umiikli o umuurong, nahihila nitong paharap ang ligamento, kung kaya't nakakabawas ng tensiyon o pagkabanat, at ang anteryor na ibabaw ng lente ay umuumbok na papunta sa harapan. Ang pagiging mas maumbok ay mas malakas ang pag-urong ng masel. Kapag namahinga ang masel, ang elastisidad o pagiging nababanat ng ligamentong suspensoryo ay nagpapabalik nito sa orihinal nitong posisyon at ang lente ay bumabalik sa dati nitong hugis.[1]

Sa paggawa ng malapitang paggawa na ginagamitan ng mga mata, katulad ng pagbabasa, ang isang tao ay gumagamit ng pagpipilit sa masel. At kapag labis ang ganitong gawain, at kung ang pangkalahatang kalusugan ay mas mababa kaysa sa pamantayan, ang mga mata ay madaling mapagod. Ang lakas ng akomodasyon ay umuunti habang tumatanda ang isang tao, pangkalahatan na ang pagkalipas ng edad na 40, dahil sa paninigas ng lente, na dahilan ng pangangailangan ng pagsusuot ng salaming pambasa o salaming pangmalapitan.[1]

Ang akomodasyon ay maaaring mawala dahil sa paralisis ng masel na silyaryo, na madalas na maganap sa pagkakaroon ng diphtheria, at ang hindi makayang pagbasa ng napakaliliit na mga titik sa mga tao na nakaranas ng sakit na pamamaga ng lalamunan (na maaaring nagkaroon ng dipterya). Ang gamot na belladonna at mga katulad nito ay maaaring makapagpalumpo sa masel na silyaro at makapagpawala ng akomodasyon. Ang pagbabasa ng maliliit na mga titik ay nakapapagod sa mga bata at dapat na iwasan bago sumapit ang gulang na walo. Dapat ding iwasan ng mga tao ang mga trabahong katulad ng pagsusuot ng sinulid sa karayom at pinong pananahi. Ang pananakit ng ulo ay madalas na dahil sa ganitong pagkapagod ng mga mata.[1]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 1.2 Robinson, Victor, Ph.C., M.D. (patnugot). (1939). "Accommodation". The Modern Home Physician, A New Encyclopedia of Medical Knowledge. WM. H. Wise & Company (New York)., pahina 8-9.