Astrologo
Ang mga tao na nag-aaral ng astrolohiya. Noong unang panahon sila ang mga kinikilalang pantas at mga dalubhasa, dahil nababasa nila kung ano ang sinasabi ng kalangitan. Tinitingnan nila ang mga pagbaybay ng mga araw sa sodyak o sa pangkat ng mga bituin sa kalangitan. Pinag-aaralan din nila ang buwan, at ibang mga buntala sa kalawakan, ang mga eklipse, at iba pang mga pangitain sa langit gaya ng mga bulalakaw at mga bituin.
Iniuugnay ng mga astrologo ang mga pangitaing ito sa daloy ng panahon at pagtatakda kung kelan magtatanim at kung kelan mainam gawin ang isang bagay. Iba-iba ang naging ginampanan ng mga astrologo sa kasaysayan. Kinilala silang mga kaparian, mga dalubhasa, mga paham, mga manggagamot hanggang sa mga manloloko, mapanlinlang at mandarambong na kinukutya ng marami.
Dati-rati ang mga astrologo ay mga maituturing na astronomo, kung hindi sa mga libong taon ng mga pag-aaral ng mga astrologo sa kalangitan ay hindi mabubuo ang pundasyon na kung saan nakatungtong ang astronomiya ngayon. Dati ding kinilala ang astrolohiya bilang isang agham, sa modernong panahon hindi na siya tinuturing na agham kundi isang mala-agham o animo'y agham at kung hihiramin ang katawagang Ingles, ito nga ngayon ay isang seudo-siyensiya.
Pinutol ang bigkis ng astrolohiya at astronomo sa panahon ni Johannes Kepler isang magaling na pantas sa matematika, at astronomiya. Bagaman noong nabubuhay pa siya gumawa siya ng mga tabladura o mga (astrological charts) na kung saan nabasa niya at tumpak na nahulaan ang Matinding Taglamig at pag-atake ng mga Turko sa kanilang lugar.
Sinundan ni Kepler ang yapak ng kanyang gurong si Tycho Brahe, isang magaling na astrologo at isa sa mga kinikilalang pundasyon ng agham ng astronomiya. Tinalo ni Tycho Brahe ang mga sayantipiko ng kanyang panahon sa pagtatala ng mas kumprehensibo at mas dekalidad na mga obserbasyon ng mga buntala at mga bituin sa kalangitan.