Pumunta sa nilalaman

Ati-Atihan

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Ati-Atihan
Isang kalahok sa Ati-Atihan
Ipinagdiriwang ngKalibo, Aklan, Pilipinas
UriRelihiyoso / Pangkultura
PetsaIkatlong Linggo ng Enero

Ang Pistang Ati-Atihan ay isang pistang Pilipino na ginaganap taun-taon sa Enero sa karangalan ng Santo Niño sa mga iilang bayan sa lalawigan ng Aklan, Panay. Nagaganap ang pinakamalaking pagdiriwang sa ikatlong Linggo ng Enero sa bayan ng Kalibo, ang kabisera ng lalawigan. Ang katagang Ati-Atihan ay nangangahulugang "tularan ang Ati", ang katutubong pangalan para sa mga Aeta, ang mga unang nakipamayan sa Panay at mga iba pang bahagi ng kapuluan. Noong una, ang pista ay isang paganong pagdiriwang upang alalahanin ang Palitan ng Panay, kung saan nagtanggap ang mga Aeta ng mga regalo mula sa mga Borneanong Datu, na tumakas kasama ng kani-kanilang mga pamilya mula sa isang malupit na pinuno, kapalit ng pahintulot na makatira sa mga lupain ng mga Aeta. Nagdiwang sila sa pamamagitan ng sayaw at musika, at pininturahan ng mga Borneo ang kani-kanilang katawan gamit ang uling upang ipakita ang kanilang pasasalamat at pakikipagkaibigan sa mga Aeta na may maiitim na balat. Nang maglaon, binigyan ang pista ng ibang kahulugan ng simbahan—ang pagdiwang ng pagtanggap ng Kristiyanismo, na isinasagisag ng pagkarga ng imahe ng Santo Niño sa panahon ng prusisyon.

Binubuo ang pista ng mga rehiliyosong prusisyon at parada sa kalsada, na nagpapakita ng mga karosang may tema, mga grupo ng mananayaw na nakasuot ng mga makukulay na damit, mga bandang nagmamartsa, at mga taong may pintura sa mukha at katawan. Kilala ang parada sa kalsada bilang "Sadsad", na ginagamit din ng mga tagaroon bilang kataga para sa kanilang paraan ng pagsasayaw kung saan ang paa ay sandaling kinakaladkad sa sahig sa tunog ng bandang nagmamartsa. Kahit binigyan ang pista ng maka-Kristiyanong kahulugan, patuloy pa rin ang kaugalian ng mga taong magpinta ng kani-kanilang mukha at katawan bilang parangal sa mga Aeta. Nakibabahagi ang mga Kristiyano at di-Kristiyano sa pagdiriwang na nakaaakit ng mga turista mula sa iba't ibang bahagi ng bansa pati na rin ang mga banyaga. Naging inspirasyon ito sa mga ibang Pistang Pilipino, kabilang dito ang Sinulog ng Cebu at Dinagyang ng Lungsod ng Iloilo, at pinamagatang "Ang Ina ng Lahat ng mga Pistang Pilipino".[1]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. "The Ati-Atihan: Of devotion and free-flowing drinks in Kalibo". Inarkibo mula sa orihinal noong 13 Enero 2019. Nakuha noong 24 Mayo 2020.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)