Pumunta sa nilalaman

Barnabas

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Si San Barnabas.

Si San Barnabas ng unang daang taon, ipinanganak bilang Jose (Joseph sa Ingles), ay isang sinaunang nagbagongloob upang maging Kristiyano, at isa sa mga pinakamaagang disipulo ng Kristiyanismo sa Herusalem.[1][2] Katulad ng halos lahat ng mga Kristiyano (tingnan din ang mga Hudyong Kristiyano) noong panahon niya, isang Hudyo si Barnabas, partikular na ang pagiging isang Lebita. Tinawag na isang alagad o apostol, nagsagawa siya at si San Pablo ng mga paglalakbay na pangmisyonero habang magkasama at nagtanggol ng mga nagbagongkaloobang mga Hentil laban sa mga hinihingi ng mas mahihigpit na mga pinuno ng simbahan[1], tingnan din ang mga Hudaisero o Hudaero. Nakakuha sila ng mga nagsipagbagongloob habang nasa Antioch (sirka 43-44), magkasamang naglakbay na nakakuha naman ng mas marami pang mga nagbagong-pananamapalataya (sirka 45-47), at nakilahok sa Konseho ng Herusalem (sirka 50).[3] Matagumpay na nakapagpahayag si Barnabas at Pablo ng ebanghelyo sa piling ng mga hentil na may-takot sa Diyos na lumahok sa mga sinagoga sa loob ng sari-saring mga Helenisadong mga lungsod ng Anatolya.[4].

Kuwento ukol kay Barnabas

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Lumitaw ang kuwento tungkol kay Barnabas sa Mga Gawa ng mga Alagad, at binanggit siya ni Pablo sa ilan sa kanyang mga epistola (kalatas o liham).[1] Pinangalanan siya ni Tertuliano bilang may-akda ng Epistola sa mga Hebreo,[1] subalit ito at ang iba pang mga atribusyon ay mga palapalagay lamang.[5] Iniugnay ni Clemente ng Alejandria kay Barnabas ang isang maagang Kristiyanong epistolang tinatawag na (Epistola ni Barnabas), ngunit malamang na hindi ito nangyari o alanganing naganap.[6]

Mga tradisyon

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Naging martir siya sa Salamis, Tsipre noong 61 AD[1], at nakaugalian siyang kinikilala bilang tagapagtatag ng Sipriyotang Ortodoksong Simbahan. Ipinagdiriwang ang kanyang araw ng kapistahan tuwing Hunyo 11.[1]

May ilang mga tradisyong pinanghahawakan ang paniniwalang kapatid na lalaki ni Barnabas si Aristobulus ng Britannia, ang isa sa Pitumpung mga Disipulo.

Ukol sa pangalan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ayon kay San Lucas, Jose ang tunay na pangalan ni Barnabas. Subalit binansagan o pinalayawan siya ng mga alagad bilang Barnabas, na nangangahulugang "anak ng pagbibigay ng lakas ng loob". Maaaring nakuha niya ang palayaw na ito dahil sa kanyang talento o kakayahang magsabi ng tamang salita o bagay sa tama o takdang panahon. O kaya, dahil sa kanyang maka-Diyos na katangian.[7]

Ayon sa sinasaad sa pang-Hunyo 2009 na labas ng magasing The Word Among Us ("Ang Salita sa Piling Natin"), nilarawan siya sa Mga Gawa ng mga Alagad bilang isang mabuting lalaking puno ng Espiritu Santo at pananalig (Mga Gawa 11:24). Sinasabi pa rin ng babasahing ito na isa si San Barnabas sa mga detalyeng nakakaligtaan o hindi napapansin, ngunit palaging naroroon o umiiral. Sa karamihan ng mga pagkakataong nababasa ng mambabasa ang mga pakikipagsapalaran ni San Pablo sa Aklat ng mga Gawa, palaging kasama ni San Pablo si San Barnabas. Subalit dahil napakatanyag ni San Pablo, palagian na lamang nasa likuran lamang o tila palamuti si San Barnabas. Ngunit kapag pinagtuunan ng pansin, isa ring mahalagang katauhan si San Barnabas na namuhay ayon at para sa Mabuting Balita. Kung wala sa Barnabas, maaaring nanatili lamang na isang napakamasidhing taong nagbagongloob patungong Kristiyanismo na nasa Tarsus. Si Barnabas ang unang nakapagpapayag sa mga nalalabing orihinal na alagad ni Hesus na tanggapin si Pablo pagkaraan ng pagbabagongloob nito. Si San Barnabas din ang nagdala kay San Pablo sa Antioch, nagtala ng kanyang tulong, at nagtalaga sa kanyang unang gampanin bilang isang pinuno. Magkasama silang naglakbay upang magpahayag na ebanghelyo, magtatag ng mga parokya o mga simbahan, sa kabila ng mga pag-uusig. Gumanap silang mga disipulong nasa harap ng paganong mundo sa labas ng Herusalem.[7] </ref>

Batay pa rin sa sinasabi ng The Word Among Us, isang mapagbigay na tao si San Barnabas, na nagbigay ng karamihan sa kanyang mga kayaman upang matulungan ang mga mahihirap sa simbahan ng Herusalem. Siya ang nagbigay ng ikalawang pagkakataon kay San Marcos noong nakahanda na si San Pablong tanggihan ito (nasa Mga Gawa 4:36-37; 15:36-41). Mayroon siyang katangiang magsabi ng tamang bagay sa tamang oras o panahon.[7]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 1.5 "Barnabas." Cross, F. L., patnugot. The Oxford dictionary of the Christian church. Bagong York: Palimbagan ng Pamantasan ng Oxford. 2005
  2. Ipinangalanan siya ni Harris bilang isang nangungunang pinuno ng sinaunang simbahan sa Herusalem. Harris, Stephen L., Understanding the Bible. Palo Alto: Mayfield. 1985.
  3. Durant, Will. Caesar and Christ. Bagong York: Simon at Schuster. 1972
  4. Harris, Stephen L., Understanding the Bible. Palo Alto: Mayfield. 1985.
  5. "Hebrews, Epistle to the" Cross, F. L., patnugot. The Oxford dictionary of the Christian church. Bagong York: Palimbagan ng Pamantasan ng Oxford. 2005
  6. "Epistle of Barnabas." Cross, F. L., patnungot. The Oxford dictionary of the Christian church. Bagong York: Palimbagan ng Pamantasan ng Oxford. 2005
  7. 7.0 7.1 7.2 Paglalarawang nasa St. Barnabas (Acts 11:21-26; 13:1-3), Thursday, June 11, Meditations, June 2009, The Word Among Us, Daily Meditations for Catholics, pahina 31.