Hydrogen bond
Ang hydrogen bond (salitang Ingles, literal sa Tagalog: pagkakabit ng hidroheno) ay isang elektrostatikang atraksyon sa pagitan ng mga polar na molekula na nagaganap kapag ang atomong hidrohenong nakakabit sa isang atomong lubhang elektronegatibo, tulad ng nitroheno (N), oksiheno (O), o pluorina (F) ay nakakaranas ng atraksyon sa iba pang kalapit na atomong elektronegatibo.
Itong mga atraksyon ng bigkis ng hidroheno ay maaaring maganap sa pagitan ng mga molekula (intermolecular), o sa loob ng iba't ibang parte ng nag-iisang molekula (intramolecular). Ang isang bigkis ng hidroheno (5 hanggang 30 kJ/mole) ay mas matibay kaysa sa puwersang van der Waals, ngunit mas mahina kaysa sa mga bigkis na kobalente o ioniko. Ang uri ng bigkis na ito ay maaaring maganap sa mga inorganiko na molekula tulad ng tubig, at sa mga inorganikong molekula tulad ng DNA at protina.
Ang intermolecular na pagkabigkis ng hidroheno ang sanhi nang mataas na boiling point ng tubig (100degC) kumpara sa ibang mga hydride na nasa ika-16 na pangkat na walang bigkis ng hidroheno. Ang intramolecular na pagkabigkis ng hidroheno ay isa sa mga bahagyang responsable sa mga sekundaryo at tersiyaryong estruktura ng protina at mga nucleic acid. Mayroon rin itong importanteng papel na ginagampanan sa estruktura ng mga polimer, sintetiko man o likas.