Pumunta sa nilalaman

Boyzone

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Boyzone
Ang Boyzone noong 2011
Ang Boyzone noong 2011
Kabatiran
PinagmulanDublin, Irlanda
GenrePop
Taong aktibo1993 (1993)–2000
2007–kasalukuyan
LabelUniversal, Warner
MiyembroKeith Duffy
Michael Graham
Ronan Keating
Shane Lynch
Dating miyembroStephen Gately (pumanaw na)
Websitehttp://boyzonenetwork.com/

Ang Boyzone ay isang boyband na Irlandes.[1] Ang kanilang pinakasikat na hanay ay binubuo nina Keith Duffy, Stephen Gately, Mikey Graham, Ronan Keating, at Shane Lynch. Nagkaroon ang Boyzone ng 21 isahang awit na nasa nangungunang 40 ng mga talaan sa UK at 22 isahang awit na nasa mga talaang Irlandes. Nagkaroon ang grupo ng anim na numero unong isahang awit sa UK at siyam na numero unong isahang awit sa Irlanda kung saan ang 12 sa kanilang 24 na mga isahang awit sa UK ay nasa Nangungunang 2 (Top 2). Ang Boyzone ang isa sa mga pinakamatagumpay na mga banda sa Irlanda at sa Nagkakaisang Kaharian. Sa kabuuan, may 19 silang isahang awit na nasa nangungunang lima sa Talaan ng mga Isahang Awit sa Irlanda (Irish Singles Chart), 18 patok na nasa nangungunang sampu sa Talaan ng mga Isahang Awit sa UK (UK Singles Chart), siyam na Numero Unong patok na awitin sa Irlanda at anim na Numero Unong patok na awitin sa UK at limang Numero Unong album, na may 25 milyong rekord na naibenta hanggang 2013 sa buong mundo.[2][3]

Sila ay pinagsama-sama noong 1993 ni Louis Walsh, na kilala rin sa pamamahala kina Johnny Logan at sa Westlife. Bago pa man magrekord ng kahit anong materyal, una nang lumitaw ang Boyzon sa programang The Late Late Show ng RTÉ. Nabuwag ang grupo noong 1999. Nagbalik ang Boyzone noong 2007, na may orihinal lamang na layuning maglakbay. Namatay si Gately noong 10 Oktubre 2009 sa natural na kaparaanan habang nakabakasyon sa puló ng Espanya na Majorca kasama ang kanyang kinakasamang sibil (civil partner) na si Andrew Cowles.

Noong 2012, isiniwalat ng Official Charts Company ang mga pinakamabiling mga mang-aawit ng isahang awit sa kasaysayan ng talaan ng musika ng Britanya, kung saan ang Boyzone ay kasalukuyang nasa ika-29 na puwesto at ang ikalawang pinakamatagumpay na boyband sa Britanya, kasunod ang Take That.[4] Hanggang sa ngayon, nakapaglabas ang Boyzone ng apat na studio album at pitong compilation album. Batay sa sertipikasyon ng BPI, nakapagbenta sila ng mahigit 13 milyong rekord sa UK pa lamang.[5][6]

Pagsisimula (1993-94)

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Noong 1993, isang patalastas ang ipinalathala sa maraming diyaryong Irlandes na nagtatawag para sa isang odisyon upang bumuo ng isang bagong grupong boyband na Irlandes. Ang nasabing patalastas ay ipinadala ng tagapamahalang panteatro na si Walsh, na naghahanap ng grupong magiging "Irlandes na Take That." Isinagawa ang mga odisyon sa Ormond Center sa Dublin noong Nobyembre 1993. Higit sa 300 katao ang tumugon sa patalastas. Sa nasabing mga odisyon, pinaawit ang mga sumali ng awiting "Careless Whisper" ni George Michael. Inirekord sa tape ang bawat odisyon at muling pinanood upang husgahan ang pag-awit ng mga sumali. Mula sa 300, 50 ang napili upang sumalang sa ikalawang odisyon. Para sa ikalawang odisyon, pinaawit ang mga kasali ng dalawang awitin, kung saan ang isa rito ay awiting napili nila na may katuwang na tape. Inawit ni Mikey Graham ang "Two Out of Three Ain't Bad" ng Meat Loaf; inawit naman ni Keith Duffy ang "I'm Too Sexy" ng Right Said Fred; kinanta ni Ronan Keating ang "Father and Son" ni Cat Stevens; at kinanta naman ni Stephen Gately ang "Hello" ni Lionel Richie. Mula naman sa 50 ito, sampu ang napili para sa ikatlong odisyon. Sa huli, sina Ronan Keating, Stephen Gately, Keith Duffy, Richard Rock, Shane Lynch at Mark Walton ang napili.

Sa simula'y hindi kasama sa mga napili si Graham, subalit kinalauna'y napasama sa banda matapos ang paglisan ni Rock. Umalis si Rock dahil sa mga pagkakaibang pangmusika nila ni Ronan Keating. Sa umpisa'y maraming pagtutol mula sa mga magulang at guro ang hinarap ni Keating. Nagbabalak na siya noong lumipat patungong New York upang mag-aral ng kolehiyo sa ilalim ng isang pampalakasang iskolarsip at magsikap na matamo ang pangarap niyang manalo ng Olimpikong medalya sa atletika. Sa huli ay nagpasiya si Ronan na tumigil sa pag-aaral at sumama sa Boyzone. Samantalang hindi sang-ayon ang mga magulang ni Duffy sa pagtatapon nito ng isang magandang karera upang sumali sa banda. Tinangka ni Louis Walsh na makakuha ng magandang kasunduan sa isang record company subalit marami rin silang nakuhang mga liham-pagtanggi bago nakalagda ang banda. Noong 1994, nasangkot sina Lynch at Duffy sa isang halos nakamamatay na aksidente sa kotse; parehong nakaligtas ang dalawa at walang malubhang natamong sugat. Nabalitang nagalit si Walsh, at dahil dito'y bumuo ng mga kontrata para sa mga kasapi na naglilimita sa kanilang mga gawain. Dumaan ang banda sa pagpapalit-palit ng mga miyembro, hanggang sa huli'y nanatili ang Boyzone sa limang pinakakilalang mga kasapi nitong sina Shane Lynch, Ronan Keating, Stephen Gately, Mikey Graham, at Keith Duffy.

Pagsikat at ikalawang album (1994-97)

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Nagtanghal ang Boyzone noong kabuuan ng 1994 sa kalakhang Hilagang Irlanda, sa mga pub at mga klub, bago sila pinalagda ng Polygram noong 1994 at naglabas ng kanilang sariling bersiyon ng patok na awitin ng Four Seasons na "Working My Way Back to You", na nagtampok kina Graham at Gately bilang mga punong bokalista. Umabot ito sa ikatlong puwesto sa mga Talaan sa Irlanda. Ang paglabas ng kanilang sariling bersiyon ng patok na klasiko ng Osmonds na "Love Me for a Reason" ang nagpasok sa kanila sa mga talaan sa Britanya. Pumasok sa ikalawang puwesto ang awitin sa Nagkakaisang Kaharian at nakasama sa kanilang patok na paunang album noong 1995 na Said and Done. Umabot ang album sa unang puwesto sa Irlanda at sa Nagkakaisang Kaharian. Noong 1995, pumukaw ng atensiyon mula sa mga bagong tagahanga sa Europa ang mga isahang awit (singles) nilang "Key to My Life", "So Good" at "Father and Son".

Ang kanilang ikalawang album, ang A Different Beat – ay inilabas noong 1996, at ito ang album na nagdala sa banda sa pagiging matagumpay sa daigdig, dahil nakapagbenta ito ng 2 milyong kopya sa buong mundo. Inilabas bilang isahang awit ng banda ang "Coming Home Now". Nakuha ng Boyzone ang kanilang unang Numero 1 isahang awit sa Talaan sa UK, ang kanilang bersiyon ng "Words" ng Bee Gees. Noong 1997, naglabas ang Boyzone ng tatlong isahang awit, ang "Isn't It a Wonder", "Picture of You", at "Baby Can I Hold You/Shooting Star". Nagtanghal ang Boyzone sa Paligsahang Pang-awitin ng Eurovision at itinanghal ang "Let the Message Run Free" at sinubukan nilang pasukin ang merkado ng Estados Unidos sa kanilang bersiyon ng "Mystical Experience" na kanila ring inirekord sa wikang Kastila. Si Ronan Keating – na ngayon ay nangibabaw bilang punong mang-aawit ng banda – ay nagwagi ng Gantimpalang Ivor Novello (Ivor Novello Award) noong 1997 para sa pagsulat ng awiting "Picture of You."

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Sheridan, Emily (27 Mayo 2008). "Boyzone in the buff: Irish boy band reveal their toned bodies at reunion gig". Daily Mail. London.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. Hope, Hannah (29 Nob 2013). "Boyzone celebrate 20 years at the top - and pledge to make it 50 like the Rolling Stones". Daily Mirror. Nakuha noong 1 Ene 2015. {{cite web}}: Italic or bold markup not allowed in: |publisher= (tulong)CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. http://www.virginmedia.com/music/pictures/profiles/boyzone-v-take-that.php?ssid=3
  4. "Official Singles Charts' biggest selling artists of all time revealed". Officialcharts.com. Nakuha noong 17 Pebrero 2013.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. "Archive copy". Inarkibo mula sa orihinal noong 2013-02-06. Nakuha noong 2015-01-25.{{cite web}}: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. http://www.officialcharts.com/chart-news/the-official-top-20-biggest-selling-groups-of-all-time-revealed-1682/