Pumunta sa nilalaman

Ehersisyong pampalamig

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Cooling down)
Isang pangkat ng mga manlalaro ng sipaang bola na nagsasagawa ng hindi masisiglang mga pag-uunat, na isang uri ng ehersisyong pampalamig. Isinasagawa nila ito pagkatapos ng isang pampagsasanay na laro habang nasa isang palaruan sa Melbourne, Australia.

Ang mga ehersisyong pampalamig o ehersisyong pampababa ng kainitan (Ingles: cooling down o warming down,[1]) ay isang katawagan na naglalarawan ng maginhawa o madaling gawing mga ehersisyo na nagpapahintulot sa katawan na dahan-dahang magbago magmula sa kalagayua ng pagsisikap na pang-ehersisyo hanggang sa isang katayuan namamahinga o halos nagpapahinga na. Depende sa katindihan ng ehersisyo, ang mga ehersisyong pampalamig ay maaaring magsangkot ng isang mabagal na pagdidiyaging (jogging sa Ingles) o paglalakad, o mga pag-iinat na may mababang kasidhian. Nakakatulong ang mga ehersisyong pamapalamig sa pagtatanggal ng mga asidong laktiko na nakapagsasanhi ng mga pamumulikat at pamamanhid (kalambre) ng mga kalamnan ng katawan, pati na ng paninigas ng mga kasukasuan;[2][3] at nagpapahintulot ng panunumbalik ng antas o bilis ng pintig ng puso papunta sa antas ng pamamahinga. Taliwas sa karaniwang paniniwala, ang mga ehersisyong pampalamig ay tila hindi nakapagbabawas ng naantalang pagsisimula ng pamamaga ng mga kalamnan, na tinatawag ding lagnat ng masel (sa halip, ang mga ehersisyong pampainit ang nakapagbabawas nito).[4]

Bukod sa paglalakad at pagdidiyaging (mabagal o mahinahong pagtakbo), kabilang pa sa mga ehersisyong pampalamig ang mga ehersisyong hindi masisigla o ang mga istatikong mga pag-uunat ng kalamnan, na karaniwang isinasagawa sa loob ng 5 hanggang 10 mga minuto, bagaman ang mga pag-uunat ay karaniwang pinagtatagal ng sampung mga minuto bawat isa.[5]

Kabilang sa mga pakinabang ng pagsasagawa ng mga ehersisyong pampalamig, pagkatapos ang pagsasakatuparan ng mga ehersisyong pangkatawan, ang pagbaba ng temperatura ng katawan, pagtatanggal ng mga duming produkto (katulad ng asidong laktiko) ng katawan na dulot ng kumilos o nagtrabahong mga masel, pagtulong ng mga ehersisyong ito sa pagpapalubay, pagpapaluwag, o pagpapalambot ng mga masel, pagtulong sa muling paglilinya o paghahanay ng mga hibla ng mga masel at muling paglulunsad ng normal na nasasakupang mga galaw ng mga masel na ito, pagbawas sa maaring maganap na pagkahilo dahil sa pagkaipon ng mga dugo pangbena o benoso sa mga sanga (mga kamay, bisig, paa, binti, o hita) ng katawan, pagbawas ng pagkakataong makaranas ng lagnat ng kalamnan, pagbawas ng antas ng adrenaline sa dugo ng katawan, at pagpapahintulot na makapanumbalik ang antas ng pintig ng puso sa antas ng pamamahinga.[5]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. "Rusty Smith: Warming Up & Cooling Down Makes for a Better Workout". Inarkibo mula sa orihinal noong 2012-03-25. Nakuha noong 2012-02-21.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. Bale P, James H (1991) Massage, warmdown and rest as recuperative measures after short term intense exercise. Physiotherapy in Sport 13: 4–7.
  3. Weltman A, Stamford BA, Fulco C (1979) Recovery from maximal effort exercise: lactate disappearance and subsequent performance. Journal of Applied Physiology 47: 677–682.
  4. Law RYW and Herbert RD(2007) Warm-up reduces delayed-onset muscle soreness but cool-down does not: a randomised controlled trial. The Australian Journal of Physiotherapy 53: 91–95.
  5. 5.0 5.1 "Cool Down", Warm Up and Cool Down, brianmac.co.uk