Pumunta sa nilalaman

Editoryal

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Ang editoryal o pangulong-tudling ang pangunahing tudling ng kuru-kuro ng isang pahayagan. Kumakatawan ito sa sama-samang paninindigan ng patnugutan ng pahayagan kaya sinasabing kaluluwa ito ng publikasyon. Layunin nito sa pagbibigay ng kuru-kuro ang magpabatid, magpakahulugan, magbigay-puna, magbigay-puri, manlibang at magpahalaga sa natatanging araw.

Itinutuwid ng editoryal ang mga maling palagay o paniniwala at pagkalito ng tao sa isang isyu. Nagbibigay-pakahulugan din ang isang editoryal sa balita o kaganapan upang bigyang-linaw sa kahuluguhan ng pangyayari. Nagbibigay-puna ang editoryal sa layuning magkaroon ng pagbabago para sa pakinabangan ng nakararaming tao. Ang pagtuligsa ay hindi kailangan makasakit ng damdamin ng kapwa. Pumupuri ang editoryal kung may dapat pahalagahan. May mga editoryal naman na ang pagkakasulat ay nanlilibang subalit taglay nito ang mahalagang opinyon.

Tatlong bahagi ng editoryal

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Naglalaman ng tatlong bahagi ang balangkas ng editoryal:

  • Panimula, kung saan binabanggit ang isyu o balitang tatalakayin. Kailangang ito'y maikli ngunit makatawag pansin. Naglalaman ang panimula ng paksa o isyu, suliranin o kalagayan na tatalakayin. Karaniwang ito'y batay sa balita o isang pangyayari. Maaaring gumamit ng alinman sa panimula: isang tanong, isang salawikain, pasalaysay na panimula, tuwirang sabi
  • Katawan, kung saan sumusuri, nagpapaliwanag o naglalahad ng paksa o isyu sa malinaw at payak na paraan. Nagbibigay ito ng tala, pangyayari, o halimbawa ng tumutulong sa layunin ng editoryal. Dito rin isinusulat ang pananaw ng awtor tungkol sa isyu na pinaguusapan.
  • Pangwakas, na maaaring maglagom o magbigay-diin sa diwang tinatalakay sa editoryal. Nagbibigay din ito ng konklusyon ng may-akda.

Mga uri ng editoryal

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  • Pagsasalaysay. Ipinaliliwanag ang kahalagahan o kahulugan ng isang balita, kalagayan, o ideya.
  • Paglalahad. Ipinaaalam ang isang pangyayari na binibigyang-diin o linaw ang kahalagahan o ilang kalituhang bunga ng pangyayari.
  • Pangangatwiran Nagbibigay ng puna sa isang kalagayan, sa isang tao, o sa isang paraan ng pag-iisip. Naglalayong makuha ang paniniwala ng iba at makapagbunsod ng pagbabago.
  • Paglalarawan. Binibigyang halaga ang isang taong may kahanga-hangang nagawa, katangi-tanging gawain, o nagpaparangal sa isang taong namayapa na, na may nagawang pambihirang kabutihan.
  • Pagtutol. Dito ang may-akda ay nagbibigay ng kanyang panig at ipaglalaban niya ito upang makumbinsi ang mga nagbabasa.
  • Nagpapaaliw Nakakabigay ito ng ngiti at halakhak habang naglalahad ng katotohanan.
  • Espesyal na okasyon Ipinaliliwanag nito ang kahalagahan ng isang okasyon.
  • Nanghihikayat nagpapaliwanag ng kamalian o suliranin, sumusuri ng kalagayan, nag-mumungkahi ng isang solusyon at nanghihikayat ng pagbabago.