Edukasyon sa Pilipinas noong panahon ng mga Amerikano
Maaaring naglalaman ang artikulo o seksiyong ito ng orihinal na pagsasaliksik o kaya hindi pa natitiyak na mga pag-aangkin. Pagbutihin ang artikulo sa paglalagay ng mga sanggunian. Silipin ang usapang pahina para sa mga detalye. |
Noong panahon ng pananakop ng Estados Unidos sa Pilipinas (1898-1946), ang pamahalaan ng Estados Unidos ang namamahala sa pagbibigay ng edukasyon sa Pilipinas.
Makikita at mararamdaman ang epekto ng pananakop ng mga Amerikano sa Sistema ng pampublikong edukasyon na itinayo nito sa bansa. Matapos mapasakamay ng mga Amerikano ang Maynila noong Mayo 1898, sinimulan na ang pagtatatag ng mga pampublikong paaralan sa Pilipinas. Sa simula, mga sundalong Amerikano muna ang nagsilbing unang guro na kalaunan ay napalitan ng mga gurong galing sa America. Ang pinakamalaking pangkat ng mga guro ay dumating sa Pilipinas noong 1901 lulan ng barkong Thomas. Itinalaga sa Maynila at mga lalawigan ang mga gurong ito na binansagang Thomasites.
Sa ilalim ng Batas bilang 74, itinatag ang Kagawaran ng Pampublikong Instruksiyon (Department of Public Instruction). Sa pamamagitan din ng batas na ito ay nabigyang-daan ang pagkakaroon sa bansa ng mga normal school at trade school tulad ng Philippine Normal School/University at ang Philippine School of Arts and Trades na kilala ngayon bilang Technological University of the Philippines.
Noong 1906 nagpadala ng mga Pilipinong iskolar ang pamahalaang kolonyal sa America. Tinawag silang mga pensionado dahil tinutustusan ng pamahalaan ang kanilang pag-aaral. Marami sa kanila ang nag-aaral ng edukasyon, abogasya, medisina at inhinyeriya. Pagbalik ng mga ito sa Pilipinas, sila ang mga naging guro at propesor o kaya ay tagapaglingkod sa iba’t-ibang sangay ng pamahalaan.
Noong 1907, pinalabas ng Asamblea ng Pilipinas ang Batas Gabaldon na isinulat ng mambabatas na si Isauro Gabaldon ng Nueva Ecija. Sa pamamagitan ng batas na ito, nabigyang-bisa ang pagtatayo ng dalawang pampublikong paaralan sa bawat lalawigan. Maraming estudyante ang nakapasok sa mga pampublikong paaralan dahil ito ay sapilitan. Ingles ang ginamit bilang wikang panturo.
Bagama’t hindi na bago sa Pilipinas ang libre at sapilitang pagpapaaral dahil naisagawa na ito noong panahon ng mga Espanyol, mas malakas naman ang naging epekto ng programa ng mga Amerikano dahil naging mas malawak ang saklaw nito. Bukod sa matrikula, libre rin ang mga aklat, lapis at papel. Kaugnay pa nito, nagpalabas din ang mga Amerikano ng kautusan na maaring ikulong ang mga magulang na hindi pinapapasok ang kanilang mga anak sa paaralan. Dahil sa patakarang ito, lumaki ang bahagdan ng mga mamamayan na natutong bumasa at sumulat at ang wikang Ingles ay agad na naging pangunahing wika ng edukasyon at pamamahayag. Naging daan din ang edukasyon sa pagsalin ng mga kaalamang Kanluranin ukol sa pag-aalaga ng kalusugan at pagpapanatili ng kalinisan upang makaiwas sa mga sakit.
Sa panahon din ng mga Amerikano, naitatag sa bansa ang mga pamantasan tulad ng Unibersidad ng Pilipinas noong 1908. Ito ang naging sentro ng edukasyong sekular na hindi katulad ng mga pamantasang pinatatakbo ng mga Kongregasyong Katoliko.
Bukod sa simbahang Katoliko, binigyang-laya rin ng mga Amerikano ang ibang sekta ng relihiyon na makapagtatag ng mga institusyong pang-akademya. Ang halimbawa nito ay ang mga Protestante na nagtatag ng Silliman University sa Dumaguete sa isla ng Negros noong 1901. Nakapagtatag din ang mga sekular na pribadong mga pamantasan tulad ng Far Eastern University at University of Manila.
Nabigyan din ng pagkakataon ang pagtatatag ng mga unibersidad para sa kababaihan tulad ng Escuela de las Señoritas na ngayon ay kilala bilang Centro Escolar University at Philippine Women's University. Nagbibigay-daan ito sa pag-usbong ng mga babaeng propesyonal sa larangan ng medisina, abogasya at edukasyon.