Pumunta sa nilalaman

Francisco de Goya

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Goya)
Francisco de Goya
Guhit ng kaniyang sarili ni de Goya.
NasyonalidadKastila
Kilala saPagpipinta, paguukit-larawan
Kilalang gawaLa maja desnuda, ca. 1800
La maja vestida, ca. 1803

The Second of May 1808, 1814
The Third of May 1808, 1814

La familia de Carlos IV, 1798
Isa pang larawan ni Goya, ipininta ni Vicente López y Portaña.

Francisco José de Goya y Lucientes (30 Marso 1746-16 Abril 1828) ay isang Kastilang pintor at ng mga manlilikha ng mga inukit na larawan. Isa siyang Aragones na gumagawa ng mga obra maestra para sa korte ng pamahalaan ng Espanya. Isa rin siyang tagatala ng kasaysayan. Itinuturing siyang kapwa isa sa mga huling Matatandang Dalubhasa at maging isa sa sa mga makabagong pintor ng kaniyang panahon. Ang mga elementong subersibo at subhetibong sa kaniyang sining, maging ang pangangasiwa ng pintura, ang naging huwaran ng mga sumunod na mga salinlahi ng mga artista ng sining, katulad nina Édouard Manet at Pablo Picasso.[1]

Si Goya ang unang natatanging dibuhistang lumitaw mula noong ika-17 dantaon. Bilang kinahihiligang pintor sa korte ng mga Kastila, nakalikha siya ng maraming mga larawan ng mga pamilyang maharlika, na nadadamitan ng mga eleganteng kasuotan at pinong mga alahas, ngunit kapuna-puna ang mga itsura ng mukhang may kasakiman, kapalaluan, kahambugan at karangyaan. Subalit nagpinta rin si de Goya ng mga eksenang dramatiko. Isang halimbawa nito ang The Third of May, 1808 o "Ang Ikatlo ng Mayo, 1808", na naglalarawan ng pagbibigay ng mga sundalong Pranses ng parusang kamatayan sa isang grupo ng mga rebeldeng Kastila. Kinasasangkapan ang nakagigimbal na tanawing ito ng mga nagsasalungatang pahid ng liwanag at kadiliman, at malungkuting mga kulay na tinutusok ng mga isinaboy na pula.[2]

Isinilang si Goya sa bayan ng Fuentetodos, Espanya. Nag-aral siya malapit lamang sa kaniyang naging tahanan doon, naglakbay ng ilang taon, at bumalik sa Espanya noong 1771. Makaraan ang dalawang taon, napangasawa niya si Josefa Bayeu, na kapatid ng isa ring alagad ng sining. Nagkaroon siya ng dalawampung anak.[2]

Lumipat siya sa Madrid noong 1775 kung saan naakit ang hari ng Espanya sa kaniyang mga akdang-larawan, kung kaya't nagpagawa ito sa kaniya ng mga panabing na kayo,[2][3] hanggang sa italaga siya ng hari bilang opisyal na pintor-ng-korte noong 1786.[2]

Nagkaroon siya ng isang sakit na naging dahilan ng kaniyang labis na pagkabingi noong 1792, at naging sanhi rin ng pagbabago sa mga uri ng larawang iginuguhit niya. Pagkaraan, nilusob naman ni Napoleon Bonaparte ang Espanya, na napailalim sa Pransiya sa loob ng anim na taon. Kinamuhian ni de Goya ang digmaan na nakaapekto rin sa kaniyang pagpipinta.[2]

Noong 1824, dahil sa pag-iwas sa katayuang pampolitika (hindi na nagustuhan ng mga tagapamahalaan ang tema ng kaniyang mga larawan), nagretiro siya sa Pransiya, kung saan namatay siya noong 1828 sa edad na 82.[2]

Sa kabuoan ng buhay ni de Goya, lumikha siya ng mga larawan ng mga aristokratang mga kababaihan at mga bata na kabilang sa korteng Kastila. Subalit ng magkaroon siya ng karamdaman at dumanas ng mga kahirapan sa panahon ng digmaan, nagbago ang anyo at tema ng kaniyang mga dibuho: mula sa mga mga maririkit o kaakit-akit na naging mga nakagigimbal na mga mangkukulam; at mula sa mga bata na naging mga masasamang manekin. Inihambing sa mga masasamang pangitain ang kaniyang mga gawang ito na mayroon ding laman na mga kanibal (o kumakain ng kapwa-tao), mga kalansay, at mga buwitre, mga naglalarawan ng karahasan ng lipunan at ng mga kasamaan ng digmaan.[2]

Mga piling gawa

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  • Caprices, o "Mga Kapritso" [mga bisyo][4], isang ukit-larawan na tumutuya sa korte ng Espanya.[2]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. "Si Goya at ang Modernismo, Bienal Internacional de São Paulo". Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-01-17. Nakuha noong 2008-07-05.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 2.4 2.5 2.6 2.7 "Francisco Goya, 1746-1828". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. 1977.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. ""Mga panabing na kayo," tapestry, mula sa Tagalog English Dictionary, bansa.org". Inarkibo mula sa orihinal noong 2012-11-01. Nakuha noong 2008-07-05.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. English, Leo James (1977). "Caprice, kapritso, bisyo". Tagalog-English Dictionary (sa wikang Ingles). Congregation of the Most Holy Redeemer. ISBN 9710810731.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)