Pumunta sa nilalaman

Ignacia del Espiritu Santo

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Kagalang-galang na

Ignacia del Espiritu Santo

RVM
Ipinanganak1 Pebrero 1663(1663-02-01)
Binondo, Maynila, Kapitaniya Heneral ng Pilipinas
Namatay10 Setyembre 1748(1748-09-10) (edad 85)
Intramuros, Maynila, Kapitaniya Heneral ng Pilipinas

Si Madre Ignacia del Espíritu Santo ang pinakaunang Pilipinang nagtatag ng isang kongregasyong Pilipino para sa mga kababaihan sa Pilipinas.[1]

Ipinanganak si Del Espiritu Santo sa Maynila, Pilipinas noong 1663. Anak na babae siya nina Jusepe Iuco, isang imigranteng Intsik mula sa Amoy, Tsina, at María Jerónima, isang katutubong Pilipina. Panganay siya sa apat na magkakapatid.[1]

Bininyagan si Del Espiritu Santo noong 4 Marso 1663 sa Mga Banal na Hari ng Parian, at lumaki sa pamayanang Intsik ng Binondo, Maynila. Tinanggihan niya ang kahilingan ng kaniyang mga magulang na mag-asawa. Sa halip, hinanap ni Del Espiritu ang direksiyong espiritwal ni Padre Paul Klein, isang Hesuita mula sa Bohemya na dumating sa Maynila noong 1682.

Daan patungo sa banal na paninilbihan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ibinagay sa kaniya ng pari ang Pagsasanay na Pang-kaluluwa ni San Ignacio. Matapos ang panahong ito ng pag-iisa at pananalangin, ipinasya ni Del Espiritu Santong "manatili sa serbisyo ng Banal na Kamahalmahalan" at "mamuhay nang may pawis sa kaniyang kilay". Nilisan niya ang kaniyang tahanan at kinipkip ang kaniyang kaisa-isang karayom at gunting. Nagsimula siyang mamuhay mag-isa sa isang bahay na nasa likuran ng Kolehiyong Hesuita ng Maynila. Ang kaniyang buhay ng pananalangin at paggawa ang nakahikayat ng mga katutubong kababaihan na nakadama rin ng pagtawag sa buhay na makarelihiyon subalit hindi matanggap sa mga itinatag na kongregasyong noong kapanahunang iyon. Tinanggap ni Del Espiritu Santo ang mga kababaihang ito sa kaniyang samahan at dito nagsimula ang pinakauna niyang pamayanang relihiyoso. Nakilala sila bilang Beatas del Compania de Jesus o Mga Madre ng Samahan ni Hesus dahil sa malipit nilang pagtanggap ng mga sakramento mula sa Simbahan ni San Ignacio.

Mga gawain ng kongregasyon

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Marami silang ginawang mga gawain pang-deboto doon, na katuwang mga paring Hesuita bilang mga direktor pang-espiritu at taga-kumpisal. Itinuon ni Del Espiritu Santo ang kaniyang buhay sa mga pasakit ni Kristo at sinubok na gayahin si Hesus sa pamamagitan ng buhay sa pagsisilbi at pagpapakumbaba. Ipinadama niya ang kaniyang espirtwalidad na may paninilbihang may kababaan ng loob sa pamamagitan ng kakayahang magpatawad, pagpasan ng mga kamalian na may pasensiya at pagtatama na may kahinahunan at tahimik na pagtitiis. Binigyang-diin din niya ang pagaalay sa kapwa sa loob ng pamayanan na inaalay sa Abang Inang Maria. Pinilit niyang maging isang wangis ni Maria sa harap ng kaniyang mga kasama at hinikayat gawing modelo si Maria sa pagsunod sa mga yapak ni Hesus. Sumali rin sa mga gawaing pang-deboto si Del Espiritu Santo at ang mga beata, at tumulong din sila sa mga paring Hesuita sa pamamagitan ng paghahanda sa mga sumasaling deboto sa mga pagsasanay na pang-espiritu. Isinulat ni Del Espiritu Santo ang mga konstitusyon ng kaniyang pamayanan at ipinasa para payagan noong 1 Hulyo 1726. Matapos maaprubahan noong 1732 ng Piscal Provisor ng Maynila, ipinasya ni Del Espiritu Santong bitawan ang kaniyang responsibilad bilang punong-madre ng kaniyang kumbento. Namuhay siya bilang karaniwang kasama hanggang sa kaniyang kamatayan. Nakita ito ni Padre Murillo Velarde ng Lipunan ni Hesus bilang isang magiting na hudyat ng pagpapakumbaba. Walang kagustuhan si Del Espiritu Santong mag-utos at maging dominante. Sa pagtutuos ni Padre Velarde, si Del Espiritu Santo ay isang tunay na babaeng may lakas ng kalooban na napagwagian ang mga malalaking kahirapan na hinarap niya sa pagtatatag ng kongregasyon mula simula hanggang katapusan.

Namatay si Del Espiritu Santo habang nakaluhod na tumatanggap ng komunyon noong 10 Setyembre 1748, sa gulang na 85. Inilibing siya sa Simbahan ni San Ignacio.[1]

Ang kaniyang kongregasyon sa kasalukuyan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Buhay pa magpahanggang-ngayon ang inilunsad na samahang relihiyoso ni Del Espiritu Santo noong 1684, ang Beaterio de la Compania de Jesus, makaraan ang 300 taon mula sa araw ng kaniyang kamatayan. Isang buhay na testimonya sa kaniyang buhay, bilang tagapagsilbi ng Diyos na nagbukas ng pintuan ng relihiyosong pamumuhay para sa mga kababaihan ng Pilipinas, ang kongregasyong ito. Kilala sa ngayon ang Beaterio sa pangalang Relihiyoso ng Birheng Maria (Religious of the Virgin Mary o RVM). Pinatunayan ni Del Espiritu Santo na ang Diyos ay Diyos ng lahat ng tao, maging anuman ang kulay ng balat o lipi. Ipinakikita ng paglaki mula sa isang Beaterio hanggang sa isang kongregasyon at ng tugon nito sa mga pagsubok bilang alagad ng Diyos ang kasiglahan ng kaluluwa ni Del Espiritu Santo. Ipinagdiriwang ng buhay ng mapagkumbabang yndia na ito at ng mga bunga ng kaniyang maka-Diyos ang malawak at walang-hangganang kabaitan at pagbibigay ng Diyos. Nagtiwala si Del Espiritu Santo sa mapagmahal na paggabay ng Diyos at hindi siya nabigo.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Mga pahina sa labas

[baguhin | baguhin ang wikitext]