Pumunta sa nilalaman

Jose Bejar Cruz Jr.

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Si Jose Bejar Cruz Jr. (1932 – ) ay isang Pilipinong nagbigay ng kontribusyon sa pag-aanalisa ng elektrisidad at pagkontrol nito. Nakapagsulat siya ng mahigit 100 artikulo ukol sa Electrical Applications. Siya ay naglingkod bilang Pangalawang Pangulo (Vice President for Technical Activities) noong 1982 at 1983, (Vice President for Publication Activities) noong 1984 at 1985 ng Institute of Electrical and Electronic Engineers (IEEE) ng Estados Unidos.

Siya ay ginawaran ng mga karangalan tulad ng Asee Curtis W. McGraw Research Award noong 1972, Richard M. Emberson Award noong 1989 at Centennial Medal noong 1993.

Kilala sa pangalang "Joe", isinilang siya noong 17 Setyembre 1932 sa Bacolod, Negros Occidental. Nanirahan siya sa Pasay, Rizal noong kapanahunan ng Pangalawang Pandaigdigang Digmaan. Nakapagtapos siya ng elementarya Malolos, Bulacan.

Nakapagtapos siya ng Bachelor of Science in Electrical Engineering sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1953. Siya ang kauna-unahang nakapagkamit ng Summa Cum Laude sa kanyang larangan sa kanilang kolehiyo at siya rin ang nanguna sa board exam sa puntos na 97%.

Taong 1954, nakamit niya ang kanyang Master's Degree mula sa Massachusetts Institute of Technology (MIT) sa Boston. Samantala, nakapagtapos naman siya ng kanyang Doctor of Philosophy mula sa Unibersidad ng Illinois sa Urbana, taong 1959. Nakapagturo siya sa iba't ibang unibersidad sa Amerika, katulad ng Unibersidad ng Harvard, Unibersidad ng California, Berkley at Irvine. Nakapagsulat din siya ng tatlong textbook at mahigit isang daang pag-aaral ukol sa elektrisidad.

Ang kanyang mga pag-aaral ay kadalasang tumutukoy sa circuits, networks, automatic control, dynamic games at incentives strategies. Para kay Joe, "electricity is power" at kung mauunawaan ang buong kapasidad nito ay magagamit ito sa mas lalong kapakinabangan natin. Ito ang pinakamahalagang naging kontribusyon ni Joe sa siyensiya.