Pumunta sa nilalaman

Pisikang klasiko

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Klasikong pisika)

Ang pisikang klasiko ay tumutukoy sa mga teoryang pang-agham sa larangan ng pisika na hindi kuwantum, o parehong hindi kuwantum at hindi relatibistiko, depende sa konteksto. Sa mga talakayang pangkasaysayan, ang pisikang klasiko ay tumutukoy sa pisika bago ang 1900, samantalang ang pisikang moderno ay tumutukoy sa pisika matapos ang 1900 na kinapapalooban ng mga elemento ng mekanikang kuwantum at ng teorya ng relatibidad.[1]

Pangkalahatang-ideya

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang klasikal na teorya ay may hindi bababa sa dalawang natatanging kahulugan sa pisika. Maaari itong sumaklaw sa lahat ng mga larangan ng pisika na hindi gumagamit ng mekanikang kwantum, na kinabibilangan ng mekanikang klasiko (gamit ang alinman sa pormulasyong Newtoniyano, Lagrangiyano, o Hamiltoniyano), gayundin ng elektrodinamika at relatibidad na klasiko.[2][3] Bilang alternatibo, maaari ring tumukoy ang katawagan sa mga teorya na hindi kuwantum o relatibistiko.[4]

Depende sa pananaw, kabilang sa mga sangay ng teorya na minsang isinama sa pisikang klasiko ang mga sumusunod:[5]:2

  • Mekanikang klasiko
    • Mga batas ng paggalaw ni Newton
    • Lagrangiyano at Hamiltoniyanong klasikong pormalismo
  • Elektrodinamikang klasiko (mga ekwasyon ni Maxwell)
  • Termodinamikang klasiko

Paghahambing sa makabagong pisika

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa kaibahan sa pisikang klasiko, ang "pisikang moderno" ay karaniwang ginagamit upang tumukoy sa mga rebolusyonaryong pagbabagong nilikha ng pisikang kuwantum at ng teorya ng relatibidad.[5]:2

Maaaring ilarawan ng pisikang klasiko ang isang pisikal na sistema kung natutugunan nito ang mga kundisyong nagbibigay-bisa sa mga batas ng pisikang klasiko.

Sa praktika, ang mga pisikal na bagay mula sa mga mas malaki kaysa atomo at molekula hanggang sa makroskopiko at astronomikal na mga bagay ay maaaring maunawaan nang mabuti sa pamamagitan ng mekanikong klasiko. Subalit, simula sa antas ng atomo at mas mababa, bumabagsak ang bisa ng mga batas ng pisikang klasiko at karaniwang hindi nagbibigay ng tamang paglalarawan ng kalikasan. Ang mga elektromagnetikong larangan at puwersa ay maaaring mailarawan nang mabuti ng elektrodinamikang klasiko sa mga sukat at lakas ng larangan na sapat na malaki upang ang mga epekto ng mekanikang kuwantum ay maging walang halaga. Hindi tulad ng pisikang kuwantum, ang pisikang klasiko ay karaniwang nailalarawan sa pamamagitan ng prinsipyong ganap na determinismo, bagama’t may umiiral ding mga deterministikong interpretasyon ng mekanikang kwantum.

Mula sa pananaw na ang pisikang klasiko ay hindi relatibistiko, ang mga hula ng pangkalahatan at espesyal na relatibidad ay malaki ang pagkakaiba sa mga klasikal na teorya, partikular hinggil sa paglipas ng panahon, sa heometriya ng espasyo, sa galaw ng mga katawan sa malayang pagbagsak, at sa paglalakbay ng liwanag. Sa kasaysayan, sinubukang ipagkasundo ang liwanag sa mekanikang klasiko sa pamamagitan ng pag-aakalang may nakapirming midyum na pinagdadaanan nito, ang eter luminipero, na nang lumaon ay napatunayang hindi umiiral.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Weidner, Richard T.; Sells, Robert L. (1968). "Preface". Elementary Modern Physics (sa wikang Ingles). p. iii.
  2. Morin, David (2008). Introduction to Classical Mechanics (sa wikang Ingles). New York: Cambridge University Press. ISBN 9780521876223.
  3. Barut, Asim O. (1980) [1964]. "Introduction to Classical Mechanics". Electrodynamics and Classical Theory of Fields & Particles (sa wikang Ingles). New York: Dover Publications. ISBN 9780486640389.
  4. Einstein, Albert (2004) [1920]. Relativity (sa wikang Ingles). Robert W. Lawson. New York: Barnes & Noble. ISBN 9780760759219.
  5. 1 2 Krane, Kenneth S. (2020). Modern physics (sa wikang Ingles) (ika-4 (na) labas). Hoboken, New Jersey: John Wiley & Sons, Inc. ISBN 978-1-119-49548-2.