Liwasang Gubat ng Arroceros
Ang Liwasang Gubat ng Arroceros (Inggles: Arroceros Forest Park) ay isang parke sa Maynila sa Pilipinas.
Kasaysayan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Mula 1595 hanggang 1639 at mula 1645 hanggang 1792, ang lugar ng Liwasang Gubat ng Arroceros ay ang lokasyon ng Parian de Arroceros. Ito ay naging Fabrica de Cigarillos noong ikalawang bahagi ng ika-19 na siglo hanggang sa unang bahagi ng ika-20 na siglo. Pagkatapos ng digmaan, ang lugar na ito ay naging lokasyon ng Kagawaran ng Edukasyon, Kultura at Palakasan (Inggles: Department of Education, Culture and Sports).[1][2]
Arroceros
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang salitang arroceros, na nagmula noong panahon ng Kastila, ay literal na nangangahulugang magsasaka ng palay. Ito ay nagmula sa salitang arroz na ang kahulugan ay kanin. Minumungkahi nito na ang arroceros ay isang lugar kung saan ang bigas ay inihahatid sa pamamagitan ng mga ruta sa mga ilog at ipinagbibili sa mga mamimili.[1] Pinaniniwalaang ang Liwasang Gubat ng Arroceros ay nagsilbing lugar kung saan dinadala ang mga kargamento para ibiyahe gamit ang ilog dahil malapit ang liwasan sa Ilog ng Pasig.[1]
Parian de Arroceros
[baguhin | baguhin ang wikitext]Pinaalis sa Maynila at pinilit na manirahan sa labas ng Maynila ang mga Tsino noong 1581. Sila ay nanirahan sa lugar na tinatawag na Parian. Matatagpuan ang unang Parian, ang Parian de Arroceros, sa lugar kung saan naroon ang Liwasang Gubat ng Arroceros.[3]
Pinatay ng mga Kastila ang mga 20,000 na Tsino sa Parian de Arroceros nang nag-alsa ang mga Tsino laban sa mga Kastila noong 1603 dahil sa takot na sila ay muling mapatalsik katulad nang nangyari noong 1574.[3]
Fabrica de Arroceros
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nagpagawa ang mga Kastila ng isang pagawaan ng tabako sa lugar ng Liwasang Gubat ng Arroceros noong ika-19 na siglo matapos masira ang Parian de Arroceros. Ang pagawaang ito ay pag-aari ng Compania General de Tabacos de Filipinas at pinangalanang Fabrica de Arroceros.[3]
Lugar na arkeolohiko
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nakuha sa lugar ng Liwasang Gubat ng Arroceros ang maraming bagay na arkeolohiko katulad ng mga seramika na kinabibilangan ng mga tipak na porselana sa galing sa Tsina at Europa, tisa na gawa sa adobe at luwad, mga beads na yari sa salamin, mga tipak ng bote, mga piraso ng metal, iba't ibang butones, bakal na bako, krusipiko na gawa sa metal, mga baryang Espanyol at Tsino, at mga buto at ngipin ng hayon.[1]
Liwasang gubat
[baguhin | baguhin ang wikitext]Binili noong 1992 ni Alfredo Lim na noon ay alkalde ng Lungsod ng Maynila ang lupang kinatatayuan ng Liwasang Gubat ng Arroceros sa ngalan ng Lungsod ng Maynila para gawin itong liwasang gubat.[2]
Naging isang parke ang Liwasang Gubat ng Arroceros noong 1993 sa pagsisikap na ingatan ang mga puno na may edad na 150 taong gulang na nakaligtas sa matinding pangbobomba noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang parke ay nasa 2.2 ektaryang gubat na ang mga puno ay hindi hihigit sa 40 taong gulang. Tinatayang 3,000 na katutubong uri ng mga puno ang matatagpuan sa Liwasang Gubat ng Arroceros.[3][4]
Matatagpuan ang Liwasang Gubat ng Arroceros sa kalye ng Antonio Villages na dating kalye ng Arroceros sa ikalimang distrito ng Maynila. Napapaligiran ito ng Ilog Pasig, Metropolitan Theater, Tulay ng Quezon, Central na estasyon ng LRT, mga ahensiya ng gobyerno at ilang unibersidad.[4]
Itinalaga noong Pebrero 27, 2020 ni Isko Moreno, alkalde noon ng Lungsod ng Maynila, na ang Liwasang Gubat ng Arroceros ay isang permanenteng liwasang gubat (Inggles: forest park) at hindi na ordinaryong pag-aari ng Lungsod ng Maynila.[3]
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ 1.0 1.1 1.2 1.3 Bautista, Giovanni G. (2022-10-25). "ARROCEROS FOREST PARK ARCHAEOLOGICAL SITE". National Museum of the Philippines (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2024-06-29.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) CS1 maint: url-status (link) - ↑ 2.0 2.1 Roces, Alejandro R. (Nobyembre 8, 2007). "The Arroceros Forest Park: Manila's last lung". Philstar.com. Nakuha noong 2024-07-04.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) CS1 maint: url-status (link) - ↑ 3.0 3.1 3.2 3.3 3.4 Limos, Mario Alvaro (Marso 10, 2020). "The Brutal History Surrounding Arroceros Forest Park". Esquire Magazine Philippines. Nakuha noong Hulyo 4, 2024.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) CS1 maint: url-status (link) - ↑ 4.0 4.1 Ancheta, Arlen Angelada; Membrebe Jr., Zosimo Ocampo; Santos, Alain Jomarie Guillen; Valeroso, John Christian Cabasal; Batac, Charday Vizmanos. "Sustainability of Forest Park as Space Break: A case study of Arroceros Forest Park in Congested City of Manila" (PDF). OIDA International Journal of Sustainable Development.