Madeleine Béjart
Si Madeleine Béjart (8 Enero 1618 - 17 Pebrero 1672), ay isang Pranses na aktres at direktor ng teatro, na naging isa sa pinakatanyag na mga aktor na pang-entablado sa Pransiya noong ika-17 daantaon. Kabilang siya sa mag-anak ng mga Béjart, isang bantog na pamilyang may kaugnayan sa teatro noong ika-17 daantaon sa Pransiya. Si Madeleine ay ang ikalawang anak nina Joseph at Marie-Herve Béjart. Ang kaniyang debut sa pagtatanghal ay naganap na kasabay ang kaniyang mas nakatatandang kapatid na lalaking si Joseph at ginanap sa Theatre du Marais at sa mga lalawigan noong kahulihan ng dekada ng 1630.
Noong 1643, inilunsad niya ang Illustre Théâtre, na kasama si Molière sa pagtatatag nito, kung saan siya ay naging kasamang direktor. Inilarawan siya bilang isang may kasanayang tagapangasiwa na may kakayahang maiwasan ang hidwaan sa pagitan ng mga tauhan. Malaya siyang makapagtatanghal ng anumang mga papel o gampanin sa mga dula ni Molière. Naging sikat siya dahil sa kaniyang mga pagganap sa mga dula ni Molière. Unti-unti, pumili siya ng mas maliliit na mga bahagi o gampanin at hinayaan ang pagganap ng pangunahing mga bahagi kay Mademoiselle Du Parc at sa kaniyang anak na babaeng si Armande Béjart. Nagkaroon siya ng ugnayan kay Molière. Noong 1662, pinakasalan ni Molière ang anak na babae ni Madeleine na si Armande. Sa kabila ng pagkakakasal na ito ni Molière at Armande, tila hindi nagwakas ang relasyon sa pagitan nina Madeleine at Molière.
Inilarawan si Madeleine ng isang kasabayan (kontemporaryo) sa kanilang kapanahunan na si Georges de Scudery bilang:
"Maganda siya, galante (may magandang asal) siya, napakarunong niya, umaawit siya, mahusay siyang sumayaw, natutugtog niya ang lahat ng uri ng mga instrumento, napakainam ng kaniyang pagsusulat ng tugmaan at tuluyan at ang kaniyang pakikipag-usap ay napaka nakaaaliw. Sa pangkalahatan, isa siya sa pinakamahuhusay na mga aktres na nasa kaniyang edad at ang kaniyang pag-arte ay mayroong matinding karisma, na talagang nakapukaw sa lahat ng mga siglang pakunwari na nasa mga dulang pinangatawanan niya, na nasaksihan ng isang tao sa Tanghalang kinaroroonan niya."
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Ang pahinang ito ay isang salinwika ng katumbas nito na nasa Ingles na Wikipedia . (Ang bersiyong Ingles ay isinalinwika magmula sa orihinal na nasa wikang Pranses.)