Malawakang Depresyon
- Huwag itong ikalito sa pangsikolohiyang klinikal na panlulumo.
Ang Malawakang Depresyon na kilala sa Ingles bilang Great Depression o Depression of the 1930's (Ang Depresyon noong Dekada ng 1930)[1] ay ang malawakang krisis na pang-ekonomiyang nagsimula dahil sa Pagbagsak ng Wall Street noong 1929 (pagbagsak ng pamilihan ng mga kabahaging puhunan) sa Estados Unidos.[2], at nakaapekto sa ibang mga bansa. Ang mga presyo sa pamilihan ng mga kabahaging puhunan sa Wall Street ay malakihan ang naging pagbulusok mula Oktubre 24 hanggang 29 Oktubre 1929. Maraming mga tao ang nawalan ng trabaho. Sa pagsapit ng 1932, 25–30% ng mga tao ang nawalan ng mga hanapbuhay.[3] Naging mahirap sila at nawalan ng mga tirahan. Ito ang nagwakas sa kayamanan ng Dumadagundong na Dekada 1920 (Roaring Twenties). Maraming mga tao ang nag-iisip na ang Malawakang Depresyon ay nagsimula noong Maitim na Martes, subalit ang Maitim na Martes ay isa lamang nakapailalim na suliranin na tutulong sa pagdurulot ng Depresyon.
Magmula 1929–1932, mas lalong lumala ang depresyon. Marami ang naghihinala na ang pagtaas ng halaga ng buwis sa mga mamamayang Amerikano at ang pagtataas ng mga taripa (mga buwis sa mga bansang nakikipagkalakalan sa Estados Unidos) ang nagpalala rito. Sinabi ng ekonomistang si Milton Friedman na ang Malawakang Depresyon ay lumala dahil naglimbag ng mas kakaunting salapi ang Reserbang Pederal kaysa pangkaraniwan.
Nang magsimula ang Malawakang Depresyon, si Herbert Hoover ang pangulo ng Estados Unidos, at bilang resulta, siya ang sinisi rito. Naghalal ang mga tao ng bagong pangulo noong 1932. Si Franklin D. Roosevelt ang naging bagong pangulo ng Estados Unidos. Nagawa ni Roosevelt na magpasa ang pamahalaan ng maraming bagong mga batas at mga programa o palatuntunan upang matulungan ang mga taong nasaktan ng Malawakang Depresyon. Ang mga programang ito ay tinawag na Bagong Kasunduan (New Deal). Isa sa mga palatuntunang ito ang Civilian Conservation Corps (CCC) o "Pangkat para sa Konserbasyon ng mga Mamamayan". Naglagay ang CCC ng maraming kabataang mga lalaki na magtatrabaho sa labas ng mga gusali. Binayaran ang mga lalaking ito ng 1 dolyar bawat linggo upang maghanapbuhay, at nakatanggap sila ng libreng pagkain at matutuluyan. Isa pa sa mga programang ito ay ang Segurong Sosyal, na nagbigay sa matatandang mga tao ng maliit na kita upang mayroon silang pera para sa mga bagay na kailangan nila. Napakasama talaga ng Malawakang Depresyon, subalit dahil sa tulong ng bawat isang tao, magiging mainam ang katayuan. Sa pagitan ng 1939 at ng 1944, mas maraming mga tao ang muling nagkaroon ng pagkakakitaan dahil sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at sumapit ang wakas ng Malawakang Depresyon.
Paglalarawan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Bago sumapit ang Malawakang Depresyon noong dekada ng 1930 sa Estados Unidos, karamihan sa mga tao ang naniniwala na ang mga depresyon o kagipitang pang-ekonomiya ay mawawala ng kusa at mabibigyan ng solusyon ng kusa. Bago maganap ang Malawakang Depresyon, nakaranas na ang Estados Unidos ng walong naunang grabeng mga depresyon, at lahat ay nalunasang kusa. Subalit noong 1933, kahit na nagkaroon ng bagong pangulo sa katauhan ni Franklin D. Roosevelt, hindi nagkaroon ng pagbuti o pag-inam ang katayuan ng mga negosyo, at ang lahat ay lumalala pang lalo.[4]
Isang mahalagang dahilan para sa Malawakang Depresyon ay ang Kasunduan sa Versailles.[5] Dahil sa Kasunduan sa Versailles naging napakayamang bansa ng Estados Unidos. Kapwa nagbigay ang Gran Britanya at Pransiya ng malalaking halaga ng salapi sa Estados Unidos, at ang Alemanya ay dapat na magbayad ng malaking halaga ng pera para sa pinsalang nagawa nila noong Unang Digmaang Pandaigdig. Subalit ang kayamanang ito ang nagpasimula upang bumulusok ang pamilihan ng kabahaging puhunan.
Kahit na noong pagkatapos ng Pagbagsak ng Wall Street noong 1929, nagkaroon pa rin ng pag-asa ang mga tao. Sinabi ni John D. Rockefeller na "Ito ang mga araw kung kailan marami ang nahihinaan ng loob. Sa loob ng 93 mga taon ng aking buhay, dumating at lumisan ang mga kagipitan. Ang kasaganaan (kayamanan) ay palaging nagbabalik (bumabalik) at muling magbabalik."[6] Ngunit dagliang lalala at lalala pa ang epekto ng depresyon. Nawalan ng mga trabaho, pera, at tahanan ang mga tao. May mga ulat na sa Alemanya at Estados Unidos, nagkaroon ng malubhang kagutuman, pagkakasakit, at pagkamatay dahil sa kagutuman.
Nang sumapit ang 1932, tinatayang nasa mahigit sa 11,000,000 hanggang bandang 15,000,000 ang mga walang hanapbuhay na mga Amerikano. Hindi ito dahil sa katamaran, subalit dahil sa mga dahilang hindi matabanan ng mga tao. Nagresulta ito sa pagpapasa ng Kongreso ng Estados Unidos ng Batas hinggil sa Segurong Sosyal. Naging matagumpay ang mga programang pinagtulung-tulungan ng mga pamahalaan ng mga estado at ng pamahalaang pederal. Dahil sa katagumpayan ng mga programang ito, bago sumapit ang dalawang taon ay naglunsad na ang bawat isang estado ng Estados Unidos ng katulad na mga programa.[7]
Paglaban sa Malawakang Depresyon
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nilabanan ni Franklin D. Roosevelt ang Malawakang Depresyon sa pamamagitan ng kanyang Bagong Kasunduan o New Deal. Nakatuon ang Bagong Kasunduan sa pagbibigay ng tulong mula sa pamahalaan sa mga tao, isang bagay na pinaniniwalaang mahalaga ng maraming mga tao upang maiwasan ang pag-urong o resesyon at paghihikahos o depresyon ng ekonomiya. Nakasaad ang ideyang ito sa Batas na Pangtrabaho ng 1946 ng Estados Unidos. Kabilang sa mga programa ng Bagong Kasunduan ang pagkakaroon ng mga seguro kapag nawalan ng trabaho ang isang tao, ang segurong sosyal para mabigyan ng pera ang matatanda na at retirado.[4]
Bukod sa pagpapasimula at pagpapasigla ng negosyo, naglunsad din ang Bagong Kasunduan ni Roosevelt ng mga katangiang pangkaligtasan ng ekonomiya o kabuhayan ng Estados Unidos. Nilikha ang Federal Deposit Insurance Corporation (FDIC) o Pederal na Korporasyon para sa Seguro ng Deposito at mga programa nito na pangsegurong pandeposito upang mapruteksiyunan ang mga tagapagdeposito ng salapi sa mga bangko. Nilikha rin ang Securities and Exchange Commision (SEC) o Komisyon sa mga Panagot at Palitan, isang ahensiyang magbabantay laban sa mga hindi patas na mga gawain sa pamilihan ng mga kabahaging puhunan at hindi matabanang pagbabakasakali sa pamumuhunan sa negosyo. Bilang mga aral na natutunan mula sa pagkaranas ng pagbulusok ng kabahaging puhunan at Malawakang Depresyon, naging bahagi na ngayon ang FDIC at SEC ng unang depensa sa mga panahon ng matinding pagbagal o pagbaba ng mga negosyo sa Estados Unidos.[4]
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ "Depression of the 1930's". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. 1977.
{{cite ensiklopedya}}
: CS1 maint: date auto-translated (link), Dictionary Index, titik D, pahina 384. - ↑ "Great Depression — FactMonster.com". factmonster.com. Nakuha noong 13 Mayo 2010.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ "Great Depression (economy) -- Britannica Online Encyclopedia". britannica.com. Nakuha noong 13 Mayo 2010.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ 4.0 4.1 4.2 "Checks on a Depression". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. 1977.
{{cite ensiklopedya}}
: CS1 maint: date auto-translated (link), Depressions and Recession, titik D, pahina 122. - ↑ "German Economy in the 1920s". history.ucsb.edu. Nakuha noong 13 Mayo 2010.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Schultz, Stanley K. (1999). "Crashing Hopes: The Great Depression". American History 102: Civil War to the Present. University of Wisconsin–Madison. Inarkibo mula sa ang orihinal noong 2008-03-23. Nakuha noong 2008-03-13.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link). - ↑ "Unemployment Insurance". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. 1977.
{{cite ensiklopedya}}
: CS1 maint: date auto-translated (link), Unemployment and Unemployment Insurance, titik U-V, pahina 26.