Mariia Vetrova
Mariia Vetrova | |
---|---|
Марія Вєтрова | |
Kapanganakan | 3 Enero 1870 |
Kamatayan | 24 Pebrero 1897 Kuta ng Peter at Paul, San Petersburgo, Imperyong Ruso | (edad 27)
Dahilan | Pagsusunog sa sarili |
Si Mariia Fedosiivna Vetrova (Ukranyo: Марія Федосіївна Вєтрова; 3 Enero 1870 – 24 Pebrero 1897) ay isang guro at rebolusyonaryo sa Ukranya. Pagkatapos magtrabaho bilang isang guro sa iba't ibang bahagi ng Ukranya at sumali nang saglitan sa isang tropa sa teatro, sumali siya sa isang sosyalistang kapisanan sa Azov at naging isang deboto ng mga gawa ni Leo Tolstoy. Ipinagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral sa San Petersburgo, ngunit hinikayat na maging rebolusyonaryo pagkatapos makilala si Tolstoy mismo. Inaresto siya dahil sa paglalathala kontra sa Tsarismo at namatay sa pagsusunog sa sarili sa Kuta ng Peter at Paul. Ang kanyang kamatayan ay naging pamukaw at sigaw para sa pagbangon ng kilusan ng mga estudyante laban sa Tsarismo, na nagbigay-inspirasyon sa mga dedikasyon nina Tolstoy at Maxim Gorky, at dahil dito, sumulat ang huli sa dalawang ito ng "Ang Kanta ng Ibong Painyo".
Talambuhay
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ipinanganak si Mariia Fedosiivna Vetrova noong 3 Enero 1870, sa Solonivka,[1] sa Gobernasyong Chernihiv ng Imperyong Ruso (Oblast ng Chernihiv, Ukranya sa modernong panahon).[1] Ang anak sa ligaw ng isang babaeng Kosaka,[1] si Oleksandra Vetrova, at isang lokal na notaryo, pinalaki siya bilang ulila ng isang babaeng mambubukid na tinawag niyang "lola". Noong 1888, nagtapos siya sa kolehiyo bilang guro,[1] at nagturo sa isang paaralang rural sa Liubech.[2]
Hindi naging sapat ang kanyang maliit na suweldong guro upang suportahan ang kanyang sarili, at nalumbay siya sa maliit na kanayunan.[2] Noong Abril 1889, sumali siya sa Ukranyong tropa sa pag-aarte ng Mykola Sadovskyy.[1] Naglakbay sila sa buong Ukranya, at nagtanghal sa mga maliliit na teatro na may mga simpleng kasuotan at set. Ngunit nang nagtanghal siya sa unang pagkakataon, kinabahan siya sa entablado at umalis sa grupo.[2]
Lumipat siya sa Azov upang ipagpatuloy ang pagguguro. Doon siya sumali sa mga lokal na sosyalista at naging matalik na kaibigan ni Antip Kulakov, isang Narodnik o populista mula sa Taganrog. Naging sabik na mambabasa siya at lalong kinasihan ng artikulo ni Leo Tolstoy na "Ano ang Kaligayahan?" Sa paglipas ng mga taon, lalong naenganyo siya na ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral.[2] Noong 1894, umalis siya sa Azov at nag-enrol sa mga Kursong Bestuzhev sa Imperyong Unibersidad ng San Petersburgo.[1] Ngunit mabilis siyang nadismaya sa kanyang mga propesor, dahil sa tingin niya ay hindi nakakapagsigla sa utak ang mga lektura. Sa susunod na taon, nakilala niya mismo si Tolstoy, na kumasi sa kanya na maging rebolusyonaryo. Pagkatapos, nagsimula siyang magturo ng wikang Ruso at aritmetika sa isang linggong eskwela ng mga manggagawa, sa Planta ng Estadong Obukhov.[2]
Noong 24 Hunyo 1897, nagsagawa ang mga Tsaristang awtoridad ng lansakang pag-aresto sa mga tao sa San Petersburgo na pinaghihinalaang sangkot sa isang operasyon ng pag-iimprenta ng mga Narodnik. Kilala ni Vetrova ang ilan sa mga taong inaresto.[2] Noong 2 Enero 1897 [Lumang Estilo 22 Disyembre 1896] [[]],[3] inaresto siya dahil sa pagkakaroon ng propagandang kontra gobyerno at pinaghihinalaang sangkot din sa rebolusyonaryong operasyon ng paglilimbag. Ikinulong siya sa Kuta ng Peter at Paul, kung saan siya nagsunog ng sarili noong 20 Pebrero [Lumang Estilo 8 Pebrero] 1897 at namatay mula sa kanyang mga paso noong 24 Pebrero [Lumang Estilo 12 Pebrero] 1897. Tinangka ng mga awtoridad sa bilangguan na pagtakpan ang kanyang pagpapakamatay,[2] at lihim na inilibing siya sa Libingan ng Pagbabagong-anyo.[3]
Legasiya
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nakalabas ang balita ng kanyang pagkamatay noong susunod na buwan,[2] na pumukaw ng mga protesta ng mga estudyante sa San Petersburgo, Mosku at Kyiv.[3] Noong Marso 4, 1897, limang libong tao ang nagtipon sa Katedral ng Kazan sa San Petersburgo upang magbigay-galang kay Vetrova, ngunit ipinagbawal ang serbisyong pang-alaala, at 850 demonstrador ang inaresto.[2] Kabilang sa mga dumalo ay sina Nikolay Beketov, Nikolai Kareev, Vladimir Lamansky, Sergey Platonov at Nestor Kotlyarevsky.[3] Naalala ni Stanislav Strumilin ang araw bilang kanyang "pagbibinyag sa apoy" at simula ng panahon ng patuloy-tuloy na aktibismo sa publiko laban sa autokrasyang Tsarista. Naging tampulan ng pansin ang Katedral ng Kazan para sa mga karagdagang demonstrasyon ng mga mag-aaral, kung saan ang mga pagmumuni-muni ni Maxim Gorky sa isang demonstrasyon noong 1901 ay naging rebolusyonaryong awit na "Ang Kanta ng Ibong Painyo".[2]
Idineklara si Vetrova na rebolusyonaryong martir nina Mykola Voronyi at Borys Hrinchenko, at naglabas naman ang mga palihim na rebolusyonaryong organisasyon ng mga proklamasyon sa kanyang ngalan.[3] Nagbigay-pugay rin sa kanyang memorya si Leo Tolstoy mismo.[2]
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]Bibliograpiya
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Evans Clements, Barbara (1997). Bolshevik Women [Mga Babaeng Bolshevik] (sa wikang Ingles). University of Cambridge. p. 25. ISBN 0521599202.
{{cite book}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - Shulyatikov, Vladimir (16 Marso 2010). "Мария Ветрова в памяти поколений" [Mariia Vetrova sa alaala ng mga henerasyon]. Gorodnya (sa wikang Ruso). Inarkibo mula sa ang orihinal noong 8 Enero 2021. Nakuha noong 10 Enero 2024.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - Usenko, Pavlo Heorhiyovych (2003). "ВІТРОВА Марія Федосіївна" [VITROVA Mariia Fedosiivna]. Sa Smoliy, V. A. (pat.). Encyclopedia of History of Ukraine (sa wikang Ukranyo). Bol. 1. Kyiv: Institute of History of Ukraine. Nakuha noong 10 Enero 2024.
{{cite ensiklopedya}}
: CS1 maint: date auto-translated (link)