Pumunta sa nilalaman

Bagay na buhay

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa May buhay)

Ang bagay na buhay ay isang bagay na may katangian ng pagiging buhay o may buhay. Ang bagay na ito ay mayroong mga pag-aaring katangian na naging dahilan kung bakit masasabing ito ay buhay. Kabilang sa mga katangiang ito ang pagkakaroon ng masalimuot na organisasyon (pagkakabuo at pagkakayos), ng metabolismo, ng kakayahang tumugon, ng kakayahang lumaki o yumabong, kakayahang magparami, at kakayahang dumaan sa proseso ng ebolusyon o dahan-dahang pag-unlad. Ang nabubuhay na mga bagay ay naiimpluwensiyahan ng kani-kanilang mga kapaligiran. Kabaligtaran ito ng mga bagay na walang buhay.[1]

Mga bagay na buhay

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang mga halimbawa ng bagay na buhay ay ang mga halaman at mga hayop. Bawat isa sa mga ito ay tinatawag na isang indibiduwal. Ang bawat indibiduwal ay nakapangkat sa mga mag-anak o pamilya na tinatawag na klasipikasyon ng mga halaman at mga hayop, na naaayon sa kanilang mga kayariang pangkatawan at mga ugali. Bawat mag-anak ay nakikipag-ugnayan sa bawat isa at sa kanilang kapaligiran (mga ekosistema, mga biyoma, at mga habitat o "tahanang kapaligiran"). Ang lahat ng mga organismo ay mayroong tinatawag na "ikot ng buhay", na kasama ang pagsilang, paglaki, pagpaparami o pag-aanak, at kamatayan.[2]

Mga katangian

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang mga buhay na bagay ay mayroong pitong mga katangian upang matawag na buhay. Kabilang dito ang kakayahang kumain, ang kakayahang kumilos, kakayahang huminga, kakayahang lumaki, kakayahang dumumi (tumae, umihi, at magpawis), kakayahan ng pagkamapagdamdam, at ang kakayahang magparami.[3]

Kabuuang masalimuot

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang mga bagay na may buhay ay binubuo ng maraming mga bahagi at mga detalye. Ang ganitong katangian ay hindi makikita sa mga bagay na walang buhay. Sa pinaka pamantungan o pundamental na antas, ang mga bagay na buhay ay binubuo ng isa o maraming mga sihay o selula. Samantala, ang sihay ay nagiging isang kabuuan na tinatawag na mga tisyu, mga kahanayan o kalipunan ng mga sihay na nagsasakatuparan ng isang pinagsasaluhang tungkulin. Ang mga tisyu naman ang nagiging kabuuan na tinatawag na mga organo. Ang mga organo naman ang bumubuo ng isang sistema ng organo. Ang mga sistema ng organo naman ang bumubuo sa isang organismo.[1]

Ang mga buhay na bagay ay may metabolismo, ang kakayahan ng matuling paglilipat at pagsasalin ng mga kimikal na materyal, na kinasasangkutan ng pakikipagpalitan ng mga materyang kimikal ng katawang buhay at ng panlabas na kapaligiran. Kinasasangkutan din ito ng malawak na pagbabagong-anyo o transpormasyon ng organikong materya sa loob ng mga sihay ng buhay na bagay o buhay na organismo. Kinasasangkutan pa din ito ng pagpapakawala at paggamit ng enerhiyang kimikal,[1] ang tinatawag na pagsusunog ng pagkain ng katawan.[4]

Pagdama at pagtugon

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang mga buhay na bagay ay may kakayahang tumugon o sumagot sa estimulo o mga "pampasigla" mula sa panlabas na kapaligiran. Ang mga buhay na bagay ay nakadarama o nakakapansin ng mga estimulo sa pamamagitan ng mga bahaging pandama ng katawan (iyong mga mata, balat, mga tainga, at mga supang na panlasa).[4] Ang ganitong katangian ng pagdama ay tinatawag ding senstibidad, pagkamapagdamdam, o pagkamapagdama.[3] Nakakapansin ng liwanag ang mga mata. Nakadarama naman ng init at lamig ang balat.[3] Nakakapuna ng tunog ang mga tainga. At nakakadetekta naman ng mga lasa ang dila. Ang isang organismo ay tumutugon sa estimulo sa pamamagitan ng mga epektor o mga pang-upat o mga panghikayat. Halimbawa ng mga pang-upat ay ang mga masel at mga glandula. Upang magkaroon ng katalaban ang pagtugon ng bagay ng may buhay, partikular na sa mga pagbabagong pangkapaligiran, ang organismo ay gumagamit ng pagtutugon-tugon o pagtutuwang-tuwang ng mga katugunang ito, na tinatawag ding koordinasyon. Ang ganitong koordinadong pagtugon ang bumubuo sa ugali, kaasalan, o gawi na may kasiglahan ng isang organismo.[4]

Katulad ng sa pagtugon, ang paglaki ng organismo ay ginagamitan ng enerhiyang nakukuha sa pamamagitan ng metabolismo. At nangangailangan din ang organismo na magpasok sa kanyang sarili ng mga materyal mula sa kapaligiran. Sa pagkonsumo ng mga materyal na ito, sa proseso ng pagkain ng mga bagay na hindi katulad ng sarili niya, ang katawan ng organismo ang nag-aayos o naghahanay ng mga materyal papaloob o papasanib sa kanyang mga kayariang pangkatawan.[4]

Sa pamamagitan ng kakayahang magparami, at habang nabubuhay pa (hindi pa namamatay) nakalilikha ang organismo ng mga matatawag na "kopya" o "sipi" ng kanyang sarili. Sa mga halaman at mga payak na hayop, katulad ng mga bakterya, ay pagpaparami o reproduksiyon ay isang pagpapatuloy ng proseso ng paglaki. Sa pamamagitan ng prosesong reproduksiyong aseksuwal, ang mga organismong katulad ng bakterya ay naghihiwalay o nagkakadalawa upang makabuo ng dalawang mga organismo kamukhang-kamukha ng magulang o pinagmulang sihay. Ang iba namang mga organismong matatawag na mga organismong masalimuot ay mga seksuwal na nilalang na nakapagpaparami sa pamamagitan ng pagpaparaming may pagtatalik o reproduksiyong seksuwal, na kinasasangkutan ng dalawang mga magulang. Sa mga magulang na ito nagmumula ang isang kahaluan ng mga katangian na napupunta sa supling o anak na nalilikha dahil sa pagtatalik.[4] Bukod dito, mayroon ding mga organismong nangingitlog (katulad ng mga ibon) at mayroon ding mga nagsasagawa ng herminasyon (katulad ng mga buto ng mga halaman).[3]

Sa pamamagitan ng proseso ng ebolusyon o dahan-dahang pag-unlad sa loob ng mga panahon, ang mga populasyon ng mga buhay na bagay ay nagkakaroon ng kakayahan bumagay sa kanilang kapaligiran. Sa prosesong ito, ang mga organismo sa mga populasyong ito ay nagkakaroon ng mas mainam na metabolismo, mas mainam na pagtugon sa estimulo, mas mainam na kakayahang magparami ng lahi, at mas mainam na mga kakayahang umagpang o umangkop at makayanan ang mga kapaligiran na hindi naranasan ng kanilang mga ninuno. Samakatuwid, nagreresulta ang ebolusyon sa pagkakaroon at paglaganap ng mga populasyon ng mga bagay na may buhay na mas mainam at may kasamu't sarian kaysa sa naunang mga kapanahunan.[4]

Ang lahat ng mga buhay na bagay ay kailangan ng pagkain sapagkat dito nagmumula ang kanilang enerhiya. Kailangan nilang kumain o manginain ng mga pagkain na nagmumula sa kanilang kapaligiran upang lumalik at maging malusog.[3]

Ang lahat ng mga bagay na may buhay ay mayroong pagkilos o paggalaw na makikita sa loob ng kanilang mga katawan at mapagmamasdan din sa labas ng kanilang mga katawan. Ang panloob na galaw ay ang kakayahan ng mga organismong makapaglipat ng mga sustansiya mula sa isang bahagi ng kanilang katawan papunta sa ibang bahagi. Ang panlabas na kilos ay ang kakayahan nilang ilipat ang sarili mula sa isang pook patungo sa iba, na isasagawa sa pamamagitan ng paglalakad, pagtakbo, paglipad, o kaya paglangoy.[3]

Ang lahat ng buhay na bagay ay kailangang huminga o magsagawa ng respirasyon upang makapagpalita ng mga gas o "hangin" na nasa kanilang kapaligiran. Halimbawa, ang mga hayop ay nagpapasok ng oksiheno sa katawan at naglalabas naman ng carbon dioxide.[3]

Ang mga buhay na nilalang ay nagsasagawa ng ekskresyon o pagtatanggal ng mga dumi ng katawan. Kailangang isagawa ng katawan ang paglilinis na ito upang hindi magsanhi ng pagkalason sa katawan. Bukod sa pag-ihi, pagtae, o pagpapawis, ang ibang dumi sa katawan ay maaaring ihingang palabas.[3]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 1.2 Characteristics of Living Things, cliffsnotes.com
  2. Living Things Naka-arkibo 2012-01-12 sa Wayback Machine., www.fi.edu
  3. 3.0 3.1 3.2 3.3 3.4 3.5 3.6 3.7 Living and Non-living Things Naka-arkibo 2012-01-29 sa Wayback Machine., The Open Door Website.
  4. 4.0 4.1 4.2 4.3 4.4 4.5 metabolism, metabolismo, lingvozone.com

Kategorya:Buhay Kategorya:Organismo Kategorya:Biyolohiya Kategorya:Bagay