Mehmed II ng Usmaniya
Muhammad II | |
---|---|
Larawan ni Sultan Mehmed II, likha ni Gentile Bellini na taga-Venesia noong taóng 1480 | |
Unang paghahari | Agosto 1444 – Setyembre 1446 |
Sinundan | Murad II |
Sumunod | Murad II |
Ika-2 paghahari | 3 Febrero 1451 – 3 Mayo 1481 |
Sinundan | Murad II |
Sumunod | Bayezid II |
Asawa |
|
Anak |
|
Buong pangalan | |
Muhammad bin Murad ("Muhammad anak ni Murad") | |
Lalad | Usman |
Ama | Murad II |
Ina | Hüma |
Kapanganakan | 30 Marso 1432 Edirne, Kataastaasang Pamahalaang Usmaniya |
Kamatayan | 3 Mayo 1481 (49 na taong gulang) Hünkârçayırı o Tekfurçayırı ("kaparangan ng hari"), Gebze, Kataastaasang Pamahalaang Usmaniya |
Libingan | Fatih Camii ("mansigid ng mananakop"), Istanbul, Turkiya |
Lagda | |
Pananampalataya | Islam na Sunni[1][2] |
Si Mehmed II (Turko: II. Mehmet, bigkas: [icinˈdʒi ˈmehmet] o /i-kín-dyi MéH-met/) (30 Marso 1432 - 3 Mayo 1481), o Muhammad II, ay ang sultan sa Kataastaasang Pamahalaang Usmanin na noong taóng 1453 ay bumuwag sa Kaharian ng mga Romahin sa pamamagitan ng pagdigma at pagsakop sa natitira nitong bayang Konstantinúpolis ("kuta ni Konstantin") o Konstantinopla.
Si Muhammad II ay sultan sa Kataastaasang Pamahalaang Usmanin (دولت عليه عثمانیه /dev-le-ti a-'li-ye-yi os-'ma-'ni-ye/), na naghari sa dalawang kapanahunan mula Agosto ng taóng 1444 hanggang Setyembre 1446 at mula Pebrero 1451 hanggang Mayo 1481. Siya ay binansagang Sultan Mehmed na mananakop (Fatih Sultan Mehmet) dahil sa pagsakop niya noong 29 Mayo 1453, noong siya ay 21 taong gulang, sa bayan ng Konstantinopla, pamunuan ng Kaharian ng mga Romahin (Βασιλεία Ῥωμαίων /va-si-lí-a ro-mé-on/) magmula 476.
Sa kanyang unang pamumúnò, tinalo niya ang cruzada ng mga Hungaro na pinamunuan ni Juan Hunyadi, o yaong tangka nilang pagbawi sa mga lupain na banal sa Cristianismo, matapos malabag ng paglusob nila sa kanyang lupain ang kasunduan sa Szeged. Nang siya ay nakapamúnò ulit noong taóng 1451, binalak niyang agawin ang dakilang bayan ng Konstantinopla mula sa Imperyong Romano at sa layuning ito pinalakas niya ang hukbong pandagat na Otomano at nagsagawa ng mga paghahanda.
Nasakop niya ang Constantinopla noong taóng 1453 noong siya ay 21 taóng gulang at winakasan ang natitira sa imperyong Romano na pinamumunuan sa Constantinopla (Bizancio). Matapos ang pagsakop, inangkin niya ang pamagat bilang Caesar ng Imperyo Romano (Qayser-i Rûm) sapagkat naging pamunuan ng natitirang Imperyong Romano ang Constantinopla magmula nang ito ay hirangin ni Emperador Constantino I noong taóng 330 bilang pamunuan ng silangang imperyong Romano. Ang Patriarcado ng Constantinopla lamang ang kumilala sa pamagat na ito. Gayon pa man, ang pananaw ni Mehmed II ay pagpapatuloy lamang ng Imperio Romano ang pamumuno ng Usmaniya at hindi niya ito pinalitan. Nanatili siya sa paniniwalang ito hanggang sa katapusan ng kanyang buhay, ngunit tuluyan din itong binitiwan ng mga sumunod sa kanya.
Nagpatuloy si Mehmed sa kanyang mga pananakop sa lupaing Anatolia hanggang sa pagsasaanib muli nito at gayon na rin sa timog-silangang Europa pakanluran hanggang Bosnia. Sa Constantinopla ay ipinagpabuti niya ang mga usapin ng pamumuno at pinaigting ang pagpapaunlad ng mga kasanayan at kaalaman. Sa pagtatapos ng kanyang paghahari, iniahon niya muli ang dakilang bayan dulot ng kanyang mga pag-uutos upang lumaon at ito ay maging maunlad na bayan ng pamunuan ng kanyang nasasakupan.
Itinuturing siya ngayong bayani sa Turkiya at ng mga Muslim. Ipinangalan sa kanya ang ilang mga pook katulad ng bahaging Fatih ng Istanbul (katawagan ngayon sa Constantinopla), tulay Fatih Sultan Mehmet at mansigid Fatih.
Buhay
[baguhin | baguhin ang wikitext]Kapanganakan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Si Mehmed II ay ipinanganak noong 30 Marso 1432 sa bayan ng Edirne na pamunuan noon ng Usmaniya. Ang kanyang ama ay si Murad II (1404–1451) at ang kanyang ina ay si Hüma Hatun na isang alipin na naging asawa ng sultan. Hindi tiyak kung saan nagmula ang kanyang ina.[3][4]
Nang si Mehmed II ay may 11 taon ipinadala siya sa Amasya upang makapamahala at magkaroon ng karanasan tulad ng kagawian ng mga naunang pinúno ng Usmaniya. Pinadalhan din siya ng kanyang ama ng mga guro upang siya ay makapag-aral.
Unang paghahari
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nang makipagkasundo ng kapayaan si Murad II sa mga Karamanida sa Anatolia noong Agosto 1444 ay iniwan niya ang pamumuno sa 12 taóng gulang niyang anak na si Mehmed II.
Tinalo ni Mehmed II ang cruzadang pinamunuan ni Juan Hunyadi matapos labagin ng mga Hungaro ang mga kasunduang pantigil-digmaan sa Kasunduan sa Szeged nang sila ay lumusob. Nahikayat ni Cardinal Julian Cesarini, na ipinadala ng Santo Papa, ang hari ng Hungria na ang paglabag sa tigil-digmaan sa mga Muslim ay hindi itinuturing na isang pagtataksil. Sa pagkakataong iyon, hiniling ni Mehmed II sa kanyang ama na umupo muli sa trono, ngunit tinanggihan ito ng kanyang ama. Sa galit niya sa kanyang amang matagal nang namumuhay nang tahimik sa timog-kanlurang Anatolia, isinulat ni Mehmet sa kanya: "Kung ikaw ang sultan, pamunuan mo na ang iyong hukbo. Kung ako ang sultan, inaatasan kitang pamunuan mo ang aking hukbo." Nang matanggap lamang ito ni Murad II saka niya pinamunuan ang hukbo ng Usmaniya na nanaig sa labanan sa Varna noong 1444.
Ang pagbalik ni Murad II sa pamumuno ay pinilit ni Çandarlı Halil Paşa na punong gabay at katiwala sa pamamahala (wazir) sa Usmaniya sa panahong iyon at humadlang sa pamumuno ni Mehmed II dahil katunggali niya ang guro (lala) nito na si Akshamsaddin.
Ikalawang paghahari
[baguhin | baguhin ang wikitext]Noong 18 Pebrero 1451 (o 8 Muharram 851 Hijra), si Mehmed II ay naluklok sa karurukan ng hari sa ikalawang pagkakataon.
Kamatayan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Noong 1481, tumungo si Mehmed II sa Anatolia, at sa simula ng paglalakbay ay nagkasakit siya. Noong 3 Mayo 1481, sa lupang Hünkâr Çayırı (/hiwn-kar tsa-yi-ri/, "kaparangan ng hari"), noong siya ay 49 na taon, siya ay namatay.
Pagdigma sa Konstantinúpolis (o kuta ni Konstantin)
[baguhin | baguhin ang wikitext]Paghahanda at pagdating
[baguhin | baguhin ang wikitext]Noong 23 Marso 1453, lumisan ang hukbong Usmanin mula Edirne.
Noong 2 Abril 1453, sila ay nakarating sa Konstantinúpolis.
Pagkubkob
[baguhin | baguhin ang wikitext]Pagpapadaan sa mga daóng sa lupa pang-iwas sa harang sa look
[baguhin | baguhin ang wikitext]Naglagay ang mga Romahin ng tanikalang harang sa look na Khrusó-keras o Gintong Sungay. Upang maipadala ni Mehmed ang kanyang mga daóng paloob sa look ay ipinadaan niya ang mga ito sa lupang nasa paligid ng harang. Nagpalagay siya ng daanang kahoy mula sa kinalalagyan ngayon ng Dolmabahçe (/dol-ma-bah-tse/, "napupunong halamanan") hanggang Kasımpaşa (/ka-siwm-pa-sya/, "punong Kasim"). Noong umaga ng 22 Abril 1453, ang ibang mga daóng ay naibaba sa look gamit ang mga punong kahoy na pagulong. Dahil dito, ang mga Usmanin na ang nananaig sa look.
Pagbabaril pantinag sa kuta
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nang madaling araw ng 29 Mayo 1453, nagsimulang manlusob ang hukbong Usmanin. Ang pinakahuli nilang panlulusob ay ginawa nang may tatlong yugto. Sa simulang mga panahon ng panlulusob, ang mga di-pasunuring nagpapamook ang nanlusob sa kuta. Pagkatapos ay pinalitan sila ng mga pulutong mula Anatolia.
Paglusob at pagpasok
[baguhin | baguhin ang wikitext]Noong umaga ng 29 Mayo 1453, nakapasok ang mga nagpapamook na Usmanin sa isang pintuan ng kuta. Itinayo nila ang watawat na Usmanin sa moog doon. Nang humapon ay pumasok sa kuta si Mehmed at tumungo sa simbahan ng Hagía Sophía ("banal na karunungan") at nanalangin pang-Islam. Kapagdaka'y sinabi niyang magmula noon ay ang Konstantinúpolis, o ang Istanbul (στὴν Πόλι, /ste~en 'po-li/, "loob ng kuta"), na ang kanyang karurukan.
Iba pang pagdigma
[baguhin | baguhin ang wikitext]Mga iba pang pagdigma ni Mehmed:
- (1454-59) Serbia
- (1458-60) Morea
- (1459-62) Wallachia
- (1460-61) Trebizond
- (1463) Bosnia
- (1464-73) Iba pang bahagi ng Anatolia
- (1466-78) Albania
Sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ The Essential World History, Volume II: Since 1500. By William J. Duiker, Jackson J. Spielvogel
- ↑ The Rise of Turkey: The Twenty-First Century's First Muslim Power. By Soner Cagaptay
- ↑ Freely, John (2009). The Grand Turk: Sultan Mehmet II - Conqueror of Constantinople, Master of an Empire and Lord of Two Seas (Ang Dakilang Turco: Sultan Mehmet II - Sumakop sa Constantinopla, Pinuno ng Imperio at Panginoon sa Dalawang Dagat) (sa wikang Ingles). I.B. Tauris. p. 9. ISBN 978-1-84511-704-7.
{{cite book}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Babinger, Franz (1978). Mehmed the Conqueror and His Time (Mehmed na Mananakop at ang Kanyang Panahon) (sa wikang Ingles). Princeton University Press. p. 11. ISBN 978-0-691-01078-6.
{{cite book}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ "Bosforo, tanawin sa Kuleli, Istanbul, Turquia". World Digital Library. 1890–1900. Nakuha noong 2013-12-12.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link)