Mga munisipalidad ng Suwesya
Ang mga munisipalidad sa Suwesya (Suweko: Sveriges kommuner) ay ang ibabang-antas na ligal na mga korporasyong lokal na pamahalaan. May 290 munisipalidad na nananagot sa malaking bahagi ng mga pampook na paglilingkod, tulad ng mga paaralan, serbisyong pangkagipitan at pisikal na pagpaplano.
Saligan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang Batas ng Lokal na Pamahalaan ng 1991 ay malinaw na tumutukoy sa ilang mga pananagutan para sa mga munisipalidad, at nagbibigay ng mga balangkas para sa lokal na pamahalaan, tulad ng proseso sa paghahalal ng kapulungang pangmunisipyo. Tinatakda rin nito ang isang proseso (laglighetsprövning, "paglilitis na pagkaalinsunod sa batas") na kung saang maaaring umapela ang bawat mamamayan sa isang hukuman ng kondado hinggil sa mga pasiya ng isang lokal na pamahalaan.
Anb pamahalaan ng munisipalidad sa Suwesya ay katulad sa komisyon na pamahalaan ng lungsod at sa estilong-gabinete na pamahalaang sanggunian. Ang pambatasang kapulungan ng munisipalidad (kommunfullmäktige) na may 31 hanggang 101 miyembro (parating bilang na odd) ay inihahalal mula sa pagkakatawang proporsiyonal na party list at mga halalang pangmunisipalidad na kada apat na taong isinasagawa kasabay ng pambansang mga pangkalahatang halalan. Ang kapulungan naman ay nagtatalaga ng isang pangmunisipalidad na lupong tagapagpaganap (kommunstyrelse) mula sa mga miyembro nito. Ang lupong tagapagpaganap ay pinamumunuan ng tagapangulo nito, (Suweko: kommunstyrelsens ordförande). Madalas tukuyin ang tagapagpaganap bilang Komisyoner Pangmunisipalidad (Suweko: kommunalråd).