Pumunta sa nilalaman

Seksuwal na pagpili

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Pagpiling seksuwal)
Ibon ng paraiso ni Goldie: Nasa itaas ang lalaking may palamuti; nasa ibaba ang babae. Mula sa Paradesia decora ni John Gerrard Keulemans (namatay noong 1912).

Ang seksuwal na pagpili, na tinatawag ding seksuwal na paghirang o seksuwal na seleksiyon, ay isang diwang ipinakilala ni Charles Darwin sa loob ng kanyang aklat noong 1859 na pinamagatang Hinggil sa Pinagmulan ng mga Uri o On the Origin of Species sa orihinal na pamagat nito sa Ingles, na isang mahalagang elemento ng kanyang teoriya ng likas na pagpili. Ang seksuwal na anyo o uri ng pagpili o paghirang ay:

... nakabatay, hindi sa isang pakikibaka para sa pag-iral, ngunit sa isang pagpupunyagi sa pagitan ng mga lalaki para sa pag-ankin ng mga babae; ang kinalabasan ay hindi kamatayan sa hindi matagumpay na katagisan, subalit mangilan-ngilan o kawalan ng supling[1]

... kapag ang mga lalaki at mga babae ng anumang hayop ay mayroon magkahalintulad na pangkalahatang kinagawian ... subalit magkaiba sa kayarian, kulay, o palamuti, ang ganyang mga pagkakaiba ay pangunahing sanhi ng seksuwal na pagpili.[2]

Kabilang sa mga halimbawa ni Darwin ng seksuwal na seleksiyon ang magayak na mga balahibo ng pabo real, mga ibon ng paraiso, ang mga antler o sungay ng mga lalaking usa, at ang mga buhok sa leeg ng mga lalaking leon.

Malawak na pinalawig ni Darwin ang kanyang unang tatlong pahinang pagtalakay ng Seksuwal na Pagpili sa loob ng kanyang aklat noong 1871 na pinamagatang Ang Pagdating ng Tao at Pagpili na may Kaugnayan sa Pagtatalik (The Descent of Man and Selection in Relation to Sex). Ang akdang ito na may 900 mga pahina at binubuo ng dalawang tomo ay kinabibilangan ng 70 mga pahina hinggil sa seleksiyong seksuwal sa loob ng ebolusyon ng tao, at 500 mga pahina ukol sa seksuwal na paghirang sa ibang mga hayop.[3] Sa pagbubuod, habang ang likas na paghirang ay lumalabas magmula sa pakikihamok upang matirang nabubuhay, ang seksuwal na pagpili ay lumilitaw magmula sa pakikipagtunggali upang makapagparami ng lahi.

Ang pakikibakang seksuwal ay may dalawang mga uri: sa loob ng isa ay nasa pagitan ng mga indibidwal na magkatulad ang kasarian, pangkalahatang mga lalaki, upang mapalayas o mapatay ang kanilang mga kaagawan, ang mga babae ay nananatiling hindi nakikilahok; habang ang sa isa pa, ang pakikipaglaban ay nasa pagitan din ng mga indibidwal na magkatulad ang kasarian, upang mapasigla o maakit ang mga nasa kabilang kasarian, pangkalahatang mga babae, na hindi na nananatiling walang pakialam, subalit namimili ng mas katanggap-tanggap na mga katalik.[4]

Ang diwa ng pagpiling pampagtatalik ay lumitaw mula sa pagmamasid na maraming mga hayop ang umuunlad upang magkaroon ng mga tampok na katangian na ang tungkulin ay hindi upang matulungan ang mga indibidwal upang makaligtas at manatiling umiiral, bagkus ay upang matulungan silang mapataas nang husto ang kanilang katagumpayang pangpagpaparami. Maaari itong maisakatuparan sa dalawang magkaibang mga paraan:

  • sa pamamagitan ng paggawa na maging kaakit-akit ang kanilang mga sarili para sa kabilang kasarian (pagpiling interseksuwal, sa pagitan ng mga kasarian); o kaya
  • sa pamamagitan ng paninindak, pagpigil, o pagtalo sa mga katunggaling may katulad na kasarian (pagpiling intraseksuwal, sa loob ng isang ibinigay na kasarian).

Kung gayon, ang seksuwal na pagpili ay mayroong dalawang pangunahing kaurian: ang interseksuwal na pagpili (na nakikilala rin bilang 'pagpili ng katalik' o 'pagpili na pambabae') kung saan ang mga lalaki ay nakikipagtagisan sa bawat isa upang mapili o mahirang ng kababaihan; at ang intraseksuwal na pagpili (na tinatawag ding 'pagtatagisang lalaki sa lalaki') kung saan ang mga kasapi ng mga kasariang (karaniwang mga lalaki) hindi gaanong limitado ang bilang ay madaluhong ang pagpapaligsahan sa kanilang mga sarili para sa pagkuha ng limitado o naglilimitang kasarian. Ang naglilimitang kasarian (ang kasariang maselan o mapili) ay ang kasarian na may mas mataas na puhunang pangmagulang, na kung gayon ay humaharap sa pinakamatinding bigat upang makagawa ng isang mabuting pagpapasya sa pagkuha ng katalik o kapareha.

Hindi na umiiral na Elk na Irlandes (Megaloceros giganteus). Ang mga antler na ito ay may kadangkalang 2.7 metro (9 mga talampakan) at may masa o kasalansanang 40 kg (90 lbs).


Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Darwin, Charles (1859). On the Origin of Species (unang edisyon). Kabanata 4, pahina 88. "At ito ang nagpahantong sa akin na magsabi ng ilang mga salita ukol sa tinatawag kong Seksuwal na Paghirang. Nakabatay ito sa ..." http://darwin-online.org.uk/content/frameset?viewtype=side&itemID=F373&pageseq=12
  2. Darwin, Charles (1859). On the Origin of Species (unang edisyon). Kabanata 4, pahina 89. http://darwin-online.org.uk/content/frameset?viewtype=side&itemID=F373&pageseq=12
  3. Miller, Geoffrey (2000). The Mating Mind. Anchor Books, isang dibisyon ng Random House, Inc. (Unang Edisyon ng Anchor Books, Abril 2001). New York, NY. Anchor ISBN 0-385-49517-X
  4. Darwin, C. (1871) The Descent of Man and Selection in Relation to Sex, John Murray, London