Pumunta sa nilalaman

Panahong Edo

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Panahon ng Edo)

Ang Panahon ng Edo (江戸時代, Edo jidai) ay isang bahagi ng kasaysayan ng Hapon na nagsimula noong taong 1603 hanggang taong 1867. Ito ang simula ng panahon na kung saan namuno ang Kasugunang Tokugawa o kilala rin bilang Kasugunang Edo. Ang kasugunan ay isang dinastiya ng isang angkan na kasali sa mga uring militar sa Japan. Sila ang may tunay na hawak ng pampolitika na kapangyarihan at tuwirang nagpapatakbo sa bansa. Halaw ang pangalan ng panahong ito ng itatag ni Sugun (Shogun) Tokugawa Ieyasu ang kanyang pamahalaan sa Edo (Tokyo sa kasalukuyan).

Sa panahong ito, nilimitahan ng gubyerno ng mga Tokugawa ang mga banyaga kung kaya’t napanatili nila ang mga aspetong pampolitika, pangkabuhayan at relihiyosong kaisipan na may sariling panglasang Hapones. Ang mga Intsik at mga Dutch na kasapi sa East India Company ang binigyan lamang ng mga Hapones ng laya na makapasok sa Japan at makipagkalakalan sa kanila. Ang mga ibang dayuhan na dumaong sa Japan ay kaagad na hinuhuli at pinagpapaslang bilang na tanda ng kanilang pagtututol. Nagtapos ang panahon na ito noong 1867 sa pamumuno ni Tokugawa Yoshinobu ang ika-15 sugun ng Kasugunang Tokugawa. Nanumbalik ulit ang kapangyarihang pampolitika sa Emperador ng Hapon nang umupo si Mutsuhito o mas kilalang bilang Emperador Meiji sa Trono ng Krisantemo. Ang Panahong Edo ay itinuturing din na simula ng Unang Makabagong Panahon ng Japan.

Pag-unlad ng Pangkabuhayan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang pag-unlad sa pangkabuhayan sa Panahon ng mga Tokugawa ay kasama ang mga sumusunod: Paglago ng mga kalunsuran, pag-usbong ng pagnenegosyo sa ibayong-dagat, pagtindi ng kalakalan at mga pamumukadkad ng samu’t saring industriyang may mga produktong yari-sa-kamay.

Sa kalagitnaan ng ika-18 dangtaon, umabot na sa isang angaw (1 milyon) ang populasyon ng Edo at ang lungsod ng Osaka at pati na rin ang punong-lungsod ng Kyoto ay meron ng mahigit na sa tig-apat na raang libong katao na. Maraming ding mga bayan-bayan na meron mga moog at kastilyo ang umunlad din. Ang Osaka at Kyoto ay naging sentro ng mga industriyang yari-sa-kamay, samantalang ang Edo ang naging sentro sa pagsusuplay ng mga pagkain at iba pang mga abubot na kailangan ng mga publikong nasa kalunsuran.

Dahil sa paglobo ng tao, namukadkad din ang mga gawaing pangkonstruksyon, pagbabangko at mga samahan ng mga negosyante. Hindi din dito nagpahuli ang mga kanayunan dahil lumago din ang mga ani sa sahakan at mga produktong yari-sa-kamay ng mga baryo at bayan.