Pumunta sa nilalaman

Panghuli ng pangarap

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Sa kalinangang Ojibwa (Chippewa), ang panghuli ng pangarap o tagahuli ng panaginip (Ojibwe: asabikeshiinh, ang inanimado, hindi gumagalaw, o walang buhay na anyo para sa salitang "gagamba",[1][2] o bawaajige nagwaagan na may ibig sabihing "panilo ng pangarap"[2]) ay isang gawang-kamay na bagay na may bilog na yari sa puno o palumpong na mula sa saring Salix (mga willow), kung saan nakahabi ang isang maluwag na lambat o sapot. Nilalagyan ang manghuhuli ng pangarap na ito ng mga pansarili o personal at mga banal na mga bagay-bagay katulad ng mga balahibo ng ibon at mga butil.

Pinagmulan at mga alamat

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Bagaman nagbuhat ang mga panghuli ng pangarap sa Nasyong Ojibwa, sa panahon ng Kilusang Pan-Indiyano ng mga dekada ng 1960 at 1970, inampon sila ng mga katutubong Amerikano ng Estados Unidos mula sa isang bilang ng iba't ibang mga Nasyon. May ilang tumuring sa panghuli ng pangarap bilang sagisag ng pagkakaisa sa piling ng sari-saring mga Nasyong Indiyano, at isang pangkalahatang tanda ng katauhan ng Katutubong Amerikano o kalinangan ng mga Unang Nasyon. Subalit may ibang mga Katutubong Amerikano ang tumanaw sa mga panghuli ng pangarap bilang napabayaan at labis na ginagamit pangkomersiyo, partikular na dahil karamihan sa mga ito ang ginagawa at ipinagbibili ng hindi mga Katutubong Amerikano.[3]

Sa kinaugalian, ginagawa ng mga Ojibwa ang mga panghuli ng pangarap sa pamamagitan ng pagtatali ng mga tali upang maging sapot sa paligid ng isang maliit na bilog o hugis-luhang balangkas ng Salix. Isinasabit ang nabuong panghuli ng pangarap sa ibabaw ng higaan upang gamitin bilang agimat na pangsanggalang o pangtanggol ng natutulog na mga bata laban sa mga bangungot. Naniniwala ang mga Ojibwa na nakapagpapabago ng mga panaginip ng isang tao ang panghuli ng pangarap. Ayon kay Terri J. Andrews, "Tanging mga mabubuting mga panaginip lamang ang pahihintulutang makapasok... Mananatili ang masasamang mga panaginip sa lambat, na maglalaho sa liwanag ng araw."[4][5] Makararaan ang mabubuting mga panaginip at dadausdos o dudulas sa mga balahibo ng ibon patungo sa nahihimbing na tao.

Ayon sa isa pang bersyon ng kaparehong lathalain, "Nagdaraan ang mabubuting mga pangarap sa gitnang butas papunta sa natutulog na tao. Nasisilo ang masasamang mga pangarap sa sapot, kung saan maglalaho sila sa sinag ng bukang-liwayway."[6][7]

Sa pagiging tanyag

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa kahabaan ng pagiging bantog sa labas ng Nasyong Ojibwa, at sumunod sa labas ng pamayanang Pan-Indiyano, ginagawa na ngayon ang mga panghuli ng pangarap, itinatanghal, at ipinagbibili ng mga pangkat at mga indibidwal ng Bagong Panahon. Ayon kay Philip Jenkins, itinuturing ito ng pinakatradisyunal na katutubong mga tao at ng kanilang mga tagapagtangkilik bilang isang hindi kaaya-ayang anyo ng paglalaang pangkalinangan o apropriyasyong kultural.[8]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Freelang Ojibwe Dictionary
  2. 2.0 2.1 Prindle, Tara. "NativeTech: Dream Catchers". Nakuha noong 23 Setyembre 2007.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. "Native American Dreamcatchers", Native-Languages.org
  4. Terri J. Andrews, "Living by the Dream", World & I, Nobyembre 1998, pahina 204.
  5. Salin ng Ingles na:"Only good dreams would be allowed to filter through... Bad dreams would stay in the net, disappearing with the light of day."
  6. Terri J. Andrews, "Living by the Dream", World & I, Nobyembre 1998, pahina 204
  7. Salin ng Ingles na: "Good dreams pass through the center hole to the sleeping person. The bad dreams are trapped in the web, where they perish in the light of dawn."
  8. Jenkins, Philip (2004). Dream Catchers: How Mainstream America Discovered Native Spirituality. Bagong York: Palimbagan ng Pamantasan ng Oxford. ISBN 0195161157. {{cite book}}: Unknown parameter |month= ignored (tulong)CS1 maint: date auto-translated (link)