Pumunta sa nilalaman

Utang panlabas

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Panlabas na utang)
Mapa ng bansa ayon sa panlabas na utang ng mga ito ayon sa mga pigura ng CIA Factbook ng 2005
Mapa ng mga bansa ayon sa panlabas na utang bilang persentahe ng GDP nito.

Ang kabuuang utang panlabas ng isang bansa ay ang mga pananagutan na inutang ng mga residente sa mga hindi residente.[1]:5 Maaaring kabilang sa mga may utang ang pamahalaan, mga korporasyon, o mga mamamayan.[1]:41–43  Ang utang panlabas ay maaaring nakasaad sa pananalaping panloob o pananalaping pandayuhan.[1]:71-72 Kabilang dito ang mga halagang inutang mula sa mga pribadong komersiyal na bangko, dayuhang pamahalaan, o mga pandaigdigang institusyong pinansiyal tulad ng Pondo ng Monetaryong Pandaigdig at Bangkong Pandaigdig.[2]

Ang kabuuang utang panlabas ay sumusukat sa obligasyon ng isang ekonomiya na magbayad sa hinaharap at, samakatuwid, ay nagsisilbing palatandaan ng kahinaan ng isang bansa sa mga suliranin ng kakayahang magbayad (solvency) at likwididad.[1]: xi–xii  Isa pang mahalagang panukat ang net external debt position o katayuang neto ng utang panlabas, na katumbas ng kabuuang utang panlabas na binawasan ng mga panlabas na ari-arian na nasa anyo ng mga instrumento ng utang.[1]: 1–2  Kaugnay din dito ang katayuang neto ng pandaigdigang pamumuhunan o net international investment position (net IIP). Kapag sinusukat ang mga utang na seguridad batay sa halaga sa pamilihan, ang net external debt position ay katumbas ng net IIP na hindi kasama ang ekwidad at bahagi sa mga pondo ng pamumuhunan (investment fund shares), mga pinansiyal na deribatibo, at mga opsiyon sa sapi ng mga empleyado (employee stock options).[1]:44, 82 

Ayon sa External Debt Statistics: Guide for Compilers and Users ng Pondo ng Monetaryong Pandaigdig:

"Ang kabuuang utang panlabas, sa alinmang oras, ay ang kabuuang halaga ng mga aktuwal at kasalukuyang pananagutan—hindi yaong mga nakasalalay o maaaring mangyari lamang (not contingent)—na nangangailangan ng pagbabayad ng prinsipal at/o interes ng may utang sa ilang panahong darating, at ang mga ito ay inutang ng mga residente ng isang ekonomiya sa mga hindi residente."[1]:5

Utang na napapanatili

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang utang na napapanatili ay ang antas ng utang na nagpapahintulot sa isang bansang may pagkakautang na ganap na matugunan ang kasalukuyan at hinaharap na mga obligasyon sa pagbabayad ng utang, nang hindi humihingi ng karagdagang tulong sa pagbabawas o muling pag-iskedyul ng utang, na iniiwasan ang pag-ipon ng mga hindi nababayarang utang (arrears), at kasabay nito ay pinahihintulutang magkaroon ng katanggap-tanggap na antas ng paglago ng ekonomiya.[3]

Karaniwang isinasagawa ang pagsusuri sa utang panlabas na napapanatili sa konteksto ng mga panggitnang-panahong senaryo. Ang mga senaryong ito ay mga pagsusuring numerikal na isinasaalang-alang ang inaasahang kilos ng mga baryableng pang-ekonomiya at iba pang salik upang matukoy ang mga kundisyon kung saan mananatiling matatag sa makatwirang antas ang utang at iba pang panukat, ang mga pangunahing panganib sa ekonomiya, at ang pangangailangan at saklaw para sa pagbabago ng mga patakaran. Sa mga pagsusuring ito, nangingibabaw ang mga kawalan ng katiyakan sa makroekonomiya, gaya ng pananaw para sa kasalukuyang akawnt at mga kawalan ng katiyakan sa patakaran, tulad ng sa patakarang piskal, sa panggitnang-panahong pananaw.[4]

Ayon sa Bangkong Pandaigdig at Pondo ng Monetaryong Pandaigdig, "maituturing na nakakamit ng isang bansa ang utang panlabas na napapanatili kung natutugunan nito ang kasalukuyan at hinaharap na mga obligasyon sa pagbabayad ng utang panlabas nang buo, nang hindi umaasa sa muling pag-iskedyul ng utang o sa pag-ipon ng mga hindi nababayarang utang, at nang hindi isinasakripisyo ang paglago ng ekonomiya." Ayon pa sa dalawang institusyong ito, "ang pagbaba ng net present value (NPV) o netong halagang kasalukuyan ng panlabas na pampublikong utang sa humigit-kumulang 150 porsiyento ng kita mula sa pagluluwas ng isang bansa o 250 porsiyento ng kita ng pamahalaan” ay makatutulong upang maalis ang "kritikal na hadlang sa pangmatagalang utang na napapanatili."[5] Pinaniniwalaan na ang mataas na utang panlabas ay nakasasama sa ekonomiya.[6]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 1.5 1.6 International Monetary Fund. "External Debt Statistics: Guide for Compilers and Users" (sa wikang Ingles).
  2. Kenton, Will (Agosto 23, 2022). "What Is External Debt? Definition, Types, Vs. Internal Debt" (sa wikang Ingles). Nakuha noong 14 Pebrero 2023.
  3. UNCTAD/UNDP, 1996
  4. IMF, "Debt- and Reserve-Related Indicators of External Vulnerability", Policy Paper, 2000 (sa Ingles)
  5. Pahina 4 sa "The Challenge of Maintaining Long-term External Debt Sustainability", World Bank and International Monetary Fund, Abril 2001, ii +48 pp. (sa Ingles)
  6. Bivens, L. Josh (14 Disyembre 2004). "US external debt obligations" (PDF). Debt and the dollar (sa wikang Ingles). Economic Policy Institute. p. 2. Inarkibo mula sa orihinal (PDF) noong 2004-12-17. Nakuha noong 2007-07-08.