Pumunta sa nilalaman

Panunulisan

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Ang pamimirata, panunulisan, o pandarambong ay karaniwang isang gawain ng pagnanakaw o panliligalig na kriminal (labag sa batas) na nagaganap sa karagatan, kaya't tinatawag ding panunulisan sa dagat o pandarambong sa dagat. Maaaring isama sa kataga ang mga gawain na ginagawa habang nasa lupa, nasa himpapawid, o sa iba pang pangunahing mga katawan ng tubig o habang nasa dalampasigan o baybayin. Hindi karaniwang kasali rito ang mga krimen na ginagawa laban sa mga tao na naglalakbay at nakasakay din sa mismong sasakyan ng mga tulisan (katulad ng isang pasahero na nagnakaw mula sa kaniyang mga kasamahang pirata na nakalulan sa iisang sasakyan). Ang kataga ay ginamit sa kahabaan ng kasaysayan upang tukuyin ang mga pagsalakay sa kahabaan ng mga hangganang lupain na isinagawa ng mga ahenteng walang estado.

Ang pamimirata ay ang pangalan ng isang tiyak na krimen na nasa ilalim ng karaniwang batas na pandaigdigan at pangalan din ng ilang mga krimen na nasa ilalim ng batas na munisipal ng ilang mga Estado. Ipinagkakaiba ito mula sa pagpipribadero, na pinahihintulutan o binigyang kapangyarihan (pinayagan) ng mga may-kapangyarihan ng isang bansa at sa kung gayon ay isang lehitimong anyo ng gawaing parang pakikidigma na isinasagawa ng mga gumaganap na walang kaugnayan sa estado. Ang pagpipribadero (privateering) ay itinuturing na isang paglusob na pangkalakalan, at ginawang labag sa batas sa pamamagitan ng Kapayapaan ng Westphalia (1648) para sa mga lumagda sa mga kasunduang ito.

Ang mga lumalahok sa mga gawain ng pamimirata ay tinatawag na mga tulisang-dagat, pirata, o mandarambong sa dagat. Kaugnay ng kasaysayan, ang mga lumalabag sa batas dahil sa pamimirata ay karaniwang hinuhuli ng mga tauhang militar at nililitis ng mga tribunal na pangmilitar.

Sa ika-21 daantaon, ang pamayanang internasyunal ay humaharap sa maraming mga suliranin upang maiharap sa hukuman ng batas ang mga pirata.[1]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. D.Archibugi, M.Chiarugi (Abril 9, 2009). "Piracy challenges global governance". Open Democracy. Inarkibo mula sa ang orihinal noong Abril 12, 2009. Nakuha noong Abril 9, 2009.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)