Pumunta sa nilalaman

Pedro Dandan

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Pedro Dandan
Trabahomanunulat

Si Pedro S. Dandan (1916-1983) ay sinilang sa Juan Luna, Tondo, Maynila, noong 30 Hunyo 1916.

Ang mga magulang ay sina Mauricio Batungbakal Dandan at Benita Santos, kapwa taga Baliwag, Bulacan.  Sa Maynila siya lumaki, nagbinata hanggang magka-asawa. Nguni’t umuwi at sa Baliwag nanirahan kasama ang kanyang mga anak (siyam) at kabiyak sapul noong 1956.

Nag-aral siya sa mabababang paaralang-bayan ng Magat, Juan Luna at Ricafort, Maynila.  Sa Torres High School siya nagtapos.  Nag-aral ng takigrapo at pagmamakinilya at unang taon sa batas sa Harvardian Colleges at ng agham sa meteorolohiya sa Kawanihan ng Panahon sa Padre Faura, Maynila.  Naging reporter siya sa meteorolohiya at takigrapo naman sa Lepanto Cons. Mng. Co., Baguio, bago naglingkod bilang Billing clerk sa Perokaril bago nagkadigma. Nakapagturo ng may isang taon sa Mababang Paaralang Bayan ng Bahay Pare, Candaba, makaraan ang digma at nagbalik sa dating serbisyo sa Perokaril hanggang umasenso sa Pangalawang Hepe ng Dibisyon Administratibo ng Marketing Department, Philippine National Railways (dating MRR).

Nagsulat muna ng ilang tula bago nagkadigma at saka nakapagpalathala ng kanyang unang dalawang maiikling kathang “Pamahiin” at “Kawalang Malay” sa magasin ng Mabuhay sa pamamatnugot ni Salavador Barros at ni Jesus A. Arceo.  Sumunod ang kanyang “Gamot na Hindi Gamot” at “Paniningalang Pugad” sa Magasin ng Taliba at “Kabaong” sa Mabuhay uli.

Hindi kinamalasan ng hilig sa pagsusulat samantalang nag-aaral sa mababa at mataas na paaralan, matangi sa humaling sa pagbabasa ng Tagalog, lalo na ng Liwayway, noong panahong ipinagbabawal at minumultahan sa paaralan ang mahuling nagsasalita sa wikang sarili, bukod sa pambihirang interes sa pakikinig sa mga kuwento ng isang matandang palaging nagpapalamig sa Liwasang Moriones.  Nguni’t nakapagbasa pagkatapos ng haiskul ng hindi na kakaunting maiikling kuwento, sanaysay at nobelang Tagalog at Ingles sa Aklatang Bayan sa Moriones din.

Ang kanyang “At Nupling ang Isang Lunting Halaman” na nalathala sa Magasin ng Bagong Buhay noong 1949 ay napiling pinakamahusay na maikling kuwento sa loob ng unang limang taon ng Republika ng Pilipinas sa pagtataguyod ng Surian ng Wikang Pambansa at ginantimpalaan ng P200.00 iginawad ni Donya Aurora Aragon-Quezon noong 1951, isinama iyon sa katipunan ng mga piling kuwentong ipinasa-aklat ni Alejandro G. Abadilla at ginamit sa tekstong pampaaralan sa haiskul ni Gng. Edroza-Matute.  Higit na natanyag sa kanyang “May Buhay sa Looban” na nalathala sa Magasin ng MALAYA noong Pagpapalaya at isinama ng Historian at Kritikong si Teodoro A. Agoncillo sa kanyang katipunan ng “Kuwentong Tagalog” at ng Dalubwika at Prop. Genoveva Edroza-Matute sa kanyang  “12 Katha”.

Isa sa naging mga tagapanayan sa mga parangal at papulong sa mga kolehiyo noong panahon ng KADIPAN, kapisanan sa wika at panitikan, na itinatag nina Abugado Ponciano P.B.P. Pineda, Pablo N. Bautista at Tomas Ongoco. 

Bukod sa maiikling katha ay nakapagpalathala rin ng mga sanaysay at ilang nobela. Ang kanyang unang nobelang “Ito ang Pag-ibig” sa MALAYA ay napansin ni TAA at ang kanyang "Si Ringo at ang Bulag na Anghel” ay nagkamit  ng gantimpala sa Malacanang Balagtas Memorial Awards. Nagkamit din ng pinilakang tropeo ang kanyang sanaysay na “Ang Pelikulang ‘Blow-Up’” sa taunang pamimili ng Surian ng Wikang Pambansa; ng tig-isang plake at medalya bilang karangalang-banggit ang kanyang mga tulang “Pangingimbulo, sa Apolo 8” at “Tutubi: Sa Sapot ng Gagamba” sa taunang pamimili (1974) ng SWP ukol sa Talaang Ginto; at ng isa ring medalyang ginto ang kanyang sanaysay ukol sa Wika na iginawad ng Samahan ng mga Alagad ng Wikang Tagalog sa Panginay, Bigaa.  Kasama sa pinasa-aklat ni AGA na katipunan ng mga piling sanaysay ang kanyang “Alaala ng Isang Taglagas”.  Kabilang din ang kanyang “Nasa Dugo ni Tana”, “Sa Dulo man ng Daigdig”, “Laki sa Layaw” at “Inahing Aso at Limang Tuta” sa mga ipinasa-aklat, na ang huli’y may salin sa Ingles sa tekstong pangkolehiyong “The Philippine Literature” ni Prop. Ben Medina, Jr. ng FEU.

Sa kabuuan ay nakapaglathala siya ng humigit-kumulang sa tatlundaang katha, sanaysay, tula, maikling kuwento at nobela, at sa mga ito’y labintatlo ang nagkamit ng gantimpala. Ang kanyang mga kathang nagwagi sa taunang Carlos Palanca Memorial Awards for Literature ay ang sumusunod:

Pamagat Uri Gantimpala Taon
Mabangis na Kamay,

Maamong Kamay

Kuwento Ika-2 1951
Sugat ng Digma Kuwento Una 1957
Lakas Kuwento Ika-3 1958
Bahid ng Dugo sa Mukha ng Buwan Dula Ika-3 1958
Anino ng Kanyang Ama Kuwento Ika-2 1966
Ang Daong ni Noe Kuwento Una 1973
Tinig: Sa Bagong Panahon Tula Karangalang-banggit 1974[1]

Si Dandan ay sumakabilang buhay noong 18 Oktubre 1983 sa edad na 67.

Inilathala ng U.P. Press ang kanyang aklat na "May Buhay sa Looban at 20 Kuwento" noong 1996 sa pamamatnugot ni Virgilio S. Almario, Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan.[2][3]

Mga Sanguninan

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. http://www.palancaawards.com.ph/Testing3/?s=Pedro+S.+Dandan&post_type=product retrieved July 10, 2016
  2. Dandan, P. S. Talambuhay ni Pedro S. Dandan. Unpublished (Note: maaaring makakuha ng kopya sa https://www.facebook.com/Pedro-S-Dandan-127865957286053/)
  3. Villacorte, R. E. (1984) Baliwag: Then and now.