Pumunta sa nilalaman

Santa Francesca Romana

(Idinirekta mula sa Santa Francesca Romana, Roma)
Santa Francesca Romana
Patsadang Travertina (1615) at ika-12 dantaong Romanikong kampanilya
41°53′28.21″N 12°29′19.87″E / 41.8911694°N 12.4888528°E / 41.8911694; 12.4888528
BansaItalya
DenominasyonKatoliko Romano
Kasaysayan
Dating pangalanSanta Maria Nova
Mga relikaSanta Francisca ng Roma

Ang Santa Francesca Romana (Italyano: Basilica di Santa Francesca Romana), na dating kilala bilang Santa Maria Nova, ay isang simbahang Katoliko Romano na matatagpuan sa tabi ng Porong Romano sa rione Campitelli sa Roma, Italya.

Isang maliit na dalanginan (oratoryo) ang sinasabing naitatag noong ikawalong dantaon sa ilalim ni Papa Pablo I, sa portiko ng dating Templo nina Benus at Roma. Ayon sa tradisyon, dito raw nanalangin si San Pedro upang hamunin si Simon Magus.[1] Sa alamat na ito, nais patunayan ni Simon Magus na mas dakila ang kaniyang kapangyarihang pagano kaysa sa mga apostol, kaya siya ay lumutang sa harap ni Pedro. Lumuhod ang apostol at nanalangin, hinihiling sa Diyos na ipakita ang Kanyang kapangyarihan; pagkatapos nito, bumagsak si Simon at namatay. Sinasabi rin ng tradisyon na ang mga batong basalto kung saan lumuhod ang apostol ay nakabaon pa rin sa pader ng timog na transepto.[2]

Pagsapit ng ika-10 dantaon, may isang simbahan na sa lugar na ito na tinawag na Santa Maria Nova ("Bagong Santa Maria"), upang maiba ito sa isa pang simbahan sa loob ng Porong Romano na nakalaan kay Santa Maria, ang Santa Maria Antiqua ("Sinaunang Santa Maria"), na noo'y nasira na.[3] Inilipat ang mga relikya mula sa lumang simbahan patungo rito sa ilalim ni Papa Leon.[4] Pinalaki ang Santa Maria Nova noong ikalawang kalahati ng ika-10 dantaon, at muling itinayo ni Papa Honorio III noong ika-13 dantaon, kung saan idinagdag ang kampanaryo at ang abside, pati na rin ang dekorasyong mosaiko na Maestà, isang paglalarawan ng Birheng Maria na nakaluklok at napapalibutan ng mga santo. Ang kampanaryo at abside ay matatagpuan ngayon sa silangang dulo ng dating templong Romano. Sa likod nito ay makikita ang mga gusaling dating monasteryo na may dalawang maliliit na patyo, habang sa hilaga ay naroon pa rin ang mga natitirang haligi ng sinaunang templo.

Mula noong 1352, ang simbahan ay nasa pangangalaga ng mga Olivetano. Noong ika-16 na dantaon, muling inialay ang simbahan kay Santa Francesca ng Roma (Francesca Buzzi), na kinanonisa noong 1608 at ang kaniyang mga relikya ay nasa kripta. Maraming beses nang inayos ang loob ng simbahan. Ang kasalukuyang portiko at harapan na yari sa trabertino (1615) ay dinisenyo at itinayo ni Carlo Lambardi.

Tanaw mula sa Burol Palatino

Ang mga inskripsiyon sa Santa Francesca Romana (S. Maria Nuova), na mahalagang sanggunian sa kasaysayan ng simbahan, ay tinipon at inilathala ni Vincenzo Forcella.[5]

Ang loob ng simbahan, na may iisang nabe (o gitnang bahagi ng simbahan) at mga kapilya sa gilid, ay muling itinayo ni Lombardi bago ang kanonisasyon ni Francesca Buzzi, simula noong 1595. Sa gitna ng nabe ay ang parihabang schola cantorum ng lumang simbahan, na may Cosmatesque na mosaiko. Kabilang sa mga retablo ang mga gawa nina Pietro Tedeschi, Padre Pozzi, at Subleyras.

Sa sakristiya ay matatagpuan ang mahalagang imahen ng Madonna Glykophilousa ("Ina ng Paglalambing"), isang ikono mula pa noong unang bahagi ng ika-5 dantaon na dinala mula sa Santa Maria Antiqua. Ang ikalabindalawang dantaong imahen ng Madonna at Sanggol ay minsang natabunan ng pintura, subalit maingat itong inalis mula sa tabla noong 1950.

Ang libingan ni Papa Gregorio XI, na nagbalik ng kapapahan sa Roma mula Aviñon, ay matatagpuan sa timog na transepto at muling itinayo ayon sa disenyo ni Per Paulo Olivieri noong 1584.

Inalis ang ranggong diakoniya noong Agosto 8, 1661. Muling itinatag ang S. Maria Nova bilang titulus ng isang Kardinal na Pari noong Marso 17, 1887 sa ilalim ni Papa Leon XIII. Hanggang ngayon, nananatili ang titulus bilang Sancta Mariae Novae, at ang kasalukuyang Kardinal na Pari nito ay si Péter Erdő. Gayunman, wala nang hurisdiksiyon ang isang Kardinal na Pari sa simbahan o sa klero nito[6] at nagsisilbi lamang bilang tagapagtanggol.

Tinaguriang patron ng mga drayber si Santa Francesca Romana dahil sa alamat na sinasabing may anghel na nagliliwanag sa kaniyang dinaraanan tuwing siya ay naglalakbay sa gabi. Tuwing kapistahan niya (Marso 9), pumipila ang mga sasakyan hanggang sa Koliseo upang mabasbasan.[7]

Ang harapan ng simbahan ng Kolehiyo ng Banal na Krus sa Clonliffe, Dublin, Irlanda, ay ginaya mula sa Santa Francesca Romana. Dinisenyo ito ng arkitekto ng Muling Pagbuhay ng Gotika na si James Joseph McCarthy.

Ang confessio ay ang nakasarang bahagi sa ilalim ng altar, na itinayo mula 1638 hanggang 1649 ayon sa disenyo ni Gian Lorenzo Bernini. Sa gitna nito ay dating may eskultura ni Santa Francesca at ng isang anghel. Ang eskulturang ito ni Bernini ay kinuha noong pananakop ng mga Pranses noong 1798 at nawala, at pinalitan noong 1866 ng iskultor na si Giosuè Meli.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Melchiorri, Giuseppe (1836). Guida metodica di Roma e suoi contorni: divisa in 4 parti ... opera arricchita di 4 tavole e di 40 tavole incise in rame (sa wikang Italyano). Gallarini.
  2. Erik Inglis, “Inventing Apostolic Impression Relics in Medieval Rome,” Speculum 96/2 (Abril, 2021), 309-66. (sa Ingles)
  3. Ang kasaysayan ng konstruksyon ay sinusundan ang Touring Club Italiano, Roma e dintorni 1965:153f. (sa Italyano)
  4. Melchiorri, pahina 353. (sa Ingles)
  5. V. Forcella, Inscrizioni delle chese e d' altre edifici di Roma, dal secolo XI fino al secolo XVI Volume II (Roma: Fratelli Bencini, 1873), pp. 1-16. (sa Ingles)
  6. Codex Iuris Canonici (1983), Canon 357. § 1. Cardinales, quibus Ecclesia suburbicaria aut ecclesia in Urbe in titulum est assignata, postquam in eiusdem venerunt possessionem, earundem dioecesium et ecclesiarum bonum consilio et patrocinio promoveant, nulla tamen in easdem potestate regiminis pollentes, ac nulla ratione sese in iis interponentes, quae ad earum bonorum administrationem, ad disciplinam aut ecclesiarum servitium spectant. (sa Latin)
  7. (TCI) Roma e dintorni 1965:153. (sa Italyano)

Bibliyograpiya

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  • Roma, Touring Club Italiano, 2004.
  • Placido Lugano, S. Maria Nova (S. Francesca Romana) (Roma  : Libraryeria Mantegazza, [1930? ]).
  • Elfriede Kartusch, Das Cardinalskollegium in der Zeit von 1181 bis 1227 (Wien 1948).
  • P. Ronci, Basilica di Santa Maria Nova, Santa Francesca Romana al Foro Romano (Christen, 1973).
  • HW Klewitz, Reformpapsttum und Kardinalkolleg (Darmstadt 1957).
  • Barbara Zenker, Die Mitglieder des Kardinalkollegiums von 1130 bis 1159 (Wurzburg 1964).
  • R. Hüls, Kardinäle, Klerus und Kirchen Roms: 1049-1130 (Tübingen 1977).
[baguhin | baguhin ang wikitext]