Pumunta sa nilalaman

Likas na pagpili

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Seleksiyong natural)

Ang Natural na seleksiyon o Pagpili ng kalikasan (Ingles: natural selection) ay isang prosesong hindi dala ng pagsuling o hindi dahil sa pagkakataon lamang (tinatawag na nonrandom) kung saan ang mga likas na gawi o katangiang pambiyolohiya ay nagiging humigit-kumulang karaniwan sa isang populasyon bilang isang tungkulin ng reproduksiyong diperensiyal o pagkakaiba-iba ng kanilang mga taga-pagdala. Isa itong susing mekanismo ng ebolusyon.

Umiiral ang pagkakaiba-iba sa loob ng lahat ng mga populasyon ng mga organismo. Bahagiang nagaganap ito dahil sa ang masuling na mga mutasyon ay nagsasanhi ng mga pagbabago sa genome o henoma ng isang indibidwal na organismo, at ang mga mutasyong ito ay maaaring maipasa sa supling. Sa kahabaan ng mga buhay ng mga indibidwal, ang kanilang mga henoma ay nakikipag-ugnayan sa kanilang mga kapaligiran upang makapagdulot ng mga baryasyon o mga kaibahan sa mga katangiang pambiyolohiya. Kabilang sa kapaligiran ng henoma ang biyolohiyang pangmolekula sa sihay, iba pang mga sihay, iba pang mga indibidwal, mga populasyon, mga uri o espesye, pati na sa kapaligirang abiyotiko. Ang mga indibidwal na mayroong partikular na mga baryante o kaibahan sa mga likas na gawi o katangian ay maaaring makaligtas o matirang nabubuhay at makapagpaparami ng mas maraming mga indibidwal na may iba pang mga kaibahan. Kung kaya't umuunlad o nagkakaroon ng ebolusyon sa populasyon. Ang mga bagay na nakakaapekto sa katagumpayang pangreproduksiyon ay mahalaga rin, isang paksang pinaunlad ni Charles Darwin, halimbawa na ang kaniyang mga ideya ukol sa seksuwal na pagpili.

Ang likas na pagpili ay gumagalaw ng penotipo, o napagmamasdang mga katangian ng isang organismo, subalit ang batayang henetiko (namamana) ng anumang penotipo na nagbibigay ng isang kainamang reproduktibo ay magiging mas karaniwan sa isang populasyon (tingnan ang prekuwensiyang allele). Sa paglipas ng panahon, ang prosesong ito ay maaaring magresulta sa mga populasyon na nagtatangi o may espesyalisasyon para sa mga partikular na ukang pang-ekolohiya at maaaring lumaong kalabasan ng paglitaw ng bagong mga uri. Sa ibang mga pananalita, ang seleksiyong natural ay isang mahalagang proseso (bagaman hindi ito lamang ang proseso para rito) na nakapagpapakaroon ng ebolusyon sa loob ng isang populasyon ng mga organismo. Bilang kabaligtaran ng artipisyal na seleksiyon, kung saan ang mga tao ay mas bumabaling sa tiyak na mga katangian, sa likas na pagpili ang kapaligiran ay gumaganap na isang salaan kung saan ang partikular na mga kaibahan o baryasyon lamang ang nakalulusot o nakalalagos.

Ang likas na pagpili ay isa sa mga panulukang bato ng makabagong biyolohiya. Ang kataga ay ipinakilala ni Darwin sa kanyang maimpluwensiyang aklat noong 1859 na pinamagatang Ukol sa Pinagsimulan ng mga Uri,[1] kung saan ang likas na pagpili ay inilarawan bilang kahuwad (analogo) sa pagpiling artipisyal, isang proseso kung saan ang mga hayop o mga halaman na may mga likas na gawi o katangian ay itinuturing na kanais-nais ng mga taong taga-iwi (tagapag-alaga) kaya't masistemang pinapaboran o ginugusto para sa reproduksiyon o pagpaparami. Ang konsepto ng likas na pagpili ay unang napaunlad na wala ang isang katanggap-tanggap na teoriya ng pagmamana; sa panahon ng pagsusulat ni Darwin, walang nalalaman hinggil sa modernong henetika. Ang pag-iisa o pagsasama ng tradisyunal na ebolusyong Darwiniano sa kasunod na mga pagtuklas sa henetikang klasikal at molekular ay tinawag na modernong ebolusyonaryong sintesis. Ang likas na pagpili ay nananatili bilang pangunahing paliwanag para sa ebolusyong adaptibo.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Darwin C (1859) On the Origin of Species by Means of Natural Selection, or the Preservation of Favoured Races in the Struggle for Life John Murray, London; modern reprint Charles Darwin, Julian Huxley (2003). On The Origin of Species. Signet Classics. ISBN 0-451-52906-5.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link) Inilathalang nasa linya (sa Internet) na nasa The complete work of Charles Darwin online: On the origin of species by means of natural selection, or the preservation of favoured races in the struggle for life.