Pumunta sa nilalaman

Sherlock Holmes

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Sherlock Holmes
Tauhan sa Sherlock Holmes
Si Sherlock Holmes sa isang ilustrayon noong 1904 na iginuhit ni Sidney Paget
Unang paglitaw A Study in Scarlet
Nilikha ni Sir Arthur Conan Doyle
Kabatiran
KasarianLalaki
HanapbuhayManiniktik/detektib
Mag-anakMycroft Holmes (kapatid na lalaki)
KabansaanBritaniko

Si Sherlock Holmes (play /ˈʃɜrlɒk ˈhmz/ o play /ˈhlmz/[1]) ay isang kathang-isip na tiktik (detektibo, sekreta; tinatangka niyang alamin kung sino ang gumawa ng isang krimen) na nilikha ng may-akda at manggagamot na si Sir Arthur Conan Doyle namuhay mula 1859 hanggang 1930.[2] Isang maniniktik na ang himpilan ay nasa Londres na ang mga katangian ay humahangga sa pagiging pantastiko, tanyag si Holmes dahil sa kaniyang matalas pangangatwirang malohika, ang kaniyang kakayahan na bumagay sa halos anumang pagbabalatkayo, at ang kaniyang paggamit ng mga kasanayan sa agham na porensiko upang makalutas ng mahihirap na mga kasong pambatas. May kasanayan siya sa paglulutas ng mga misteryo at mga kasong kataka-taka at mahirap lutasin.

Bagamang likhang-isip, isa si Holmes sa pinakatanyag na mga detektibo sa lahat ng kapanahunan. Hindi siya ang unang kathang-isip na maniniktik, dahil bago pa man si Holmes ay nalikha na ng manunulat na si Edgar Allen Poe ang tauhang detektibo na si M. Dupin. Ngunit si Holmes ng manunulat na si Doyle ang unang nakatawag ng pansin ng guni-guni ng madla. Ang pagkakalarawan ni Doyle ng mga katangian at mga estilo ng pamumuhay ni Holmes ang nakapagpaniwala o nakapagpaakala sa publiko na si Holmes ay isang tunay na taong detektibo, kung kaya't mayroong pagkakataon na hinanap ng mga tao kung saan siya nakatira, na sinasabing nasa 221B Baker Street, London.[2]

Si Holmes, na unang lumitaw sa lathalain noong 1887, ay naitampok sa apat na mga nobela at 56 na maiikling mga kuwento na nasa wikang Ingles: Ang unang nobela, A Study in Scarlet, ay lumitaw sa Beeton's Christmas Annual noong 1887 at ang pangalawang nobela, The Sign of the Four, ay lumitaw naman sa Lippincott's Monthly Magazine noong 1890. Lumaki ang kabantugan ng tauhang ito sa unang mga serye ng maiiksing mga kuwento sa The Strand Magazine, na nagsimula sa A Scandal in Bohemia noong 1891; mayroong pang karagdagang mga serye ng maiikling mga kuwento at dalawa pang mga nobela ang nalathala sa anyong seryal (paserye) ang lumitaw sa pagitan ng panahong ito at ng 1927. Sumasaklaw ang mga kuwento sa isang panahon magmula humigit-kumulang sa 1880 hanggang sa 1914. Bagaman likhang-isip lamang, si Holmes ay itinuturing bilang ang pinakamahusay na tiktik sa buong mundo.

Ang karamihan sa mga kuwentong hinggil kay Holmes ay karamihang mayroong tagpuang nasa London noong ika-19 na daantaon.[2] Lahat ng mga kuwento, maliban na lamang sa apat, ay isinasalaysay ng kaibigan at manunulat ng talambuhay ni Holmes na si Dr. John H. Watson (si Dr. Watson ay isang retiradong opisyal ng hukbong panlupa); ang dalawa ay isinasalaysay ni Holmes mismo ("The Blanched Soldier" at "The Lion's Mane") at ang ibang dalawa pa ay nakasulat sa ikatlong panauhan ("The Mazarin Stone" at ang "His Last Bow"). Sa dalawang mga kuwento ("The Musgrave Ritual" at "The Gloria Scott"), isinasalaysay ni Holmes kay Watson ang pangunahing kuwento magmula sa kaniyang alaala, habang si Watson ay naging tagapagsalaysay ng balangkas ng kuwento. Ang una at ang ikaapat na mga nobelang A Study in Scarlet at The Valley of Fear, ay bawat isang nagsasama ng isang mahabang salitan ng narasyong omnisiyente (pagsasalaysay na may karunungan) na bumbalik-tanaw sa mga kaganapang hindi nalalaman kapwa nina Holmes o Watson.

Sa mga aklat na isinulat ni Arthur Conan Doyle hinggil kay Sherlock Holmes, ang pinakatanyag na kuwento ay ang The Hound of the Baskervilles. Marami sa mga kuwentong ito ang ginawang mga pelikula at mga dramang pantelebisyon. Mayroong isang bantayog sa Londres na inilaan para sa kaniya. Bukod sa pagkakaroon ng matalas na isipan, si Holmes ay tumutugtog ng biyolin at nagpapausok ng isang pipa (kuwako).[2] Kung minsan, kapag wala siyang mga kasong dapat lutasin, gumagamit siya ng mga ipinagbabawal na mga gamot, katulad ng kokaina at morpina.

Mga katangian

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Si Holmes ay ipinanganak noong 6 Enero 1861, at sa loob ng 100 mga taon, ang kaniyang pangalan ay nakikilala sa bawat isang bansang nasa mundo; at hindi lamang ang kaniyang pangalan, bagkus pati na rin ang hitsura niya: ang mga tampok na katangian ng kaniyang mukha na tila parang lawin, mga matang tila nakalalagos sa tinitingnan ng mga ito, ang katawa-tawang sumbrerong gora (cap), at ang kaniyang salaming nakapagpapalaki ng wangis ng mga bagay (magnifying glass).

Si Holmes ay nananatili pa rin bilang isang pigurang misteryoso, na nababalot ng misteryo na katulad ng mga krimen na tinatangka niyang lutasin. Isa siyang taong kataka-taka na mayroong kahanga-hanggang kapangyarihang magtuon ng pansin. Dahil sa pagkakatambal niya kay Dr. Watson na medyo malamlam at mabagal kung ihahambing kay Holmes, sa mga kuwento si Holmes ay lumilitaw bilang isang maningning at matalinong tauhang likhang-isip.[2]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. "Holmesian". The Oxford English Dictionary. Oxford, England: Oxford University Press. 1989.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 2.4 Firth, Lesley (Patnugot Panlahat) atbp. (1985). "DID SHERLOCK HOLMES REALLY EXIST". Who Were They? The Simon & Schuster Color Illustrated Question & Answer Book. Little Simon Book, Simon & Schuster, Inc., Lungsod ng Bagong York, ISBN 0671604767.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 83.