Pumunta sa nilalaman

Abstrakto (sining)

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Sining na abstrakto)

Ang sining na abstrakto o abstraktong sining ay isang sining na moderno na hindi kumakatawan ng mga imahe ng pang-araw-araw na buhay. Mayroon itong mga kulay, mga guhit, at mga hugis o hubog, subalit hindi nilalayon na kumatawan ang mga ito ng mga bagay o mga organismo (mga bagay na may buhay). Ang mga ito ay mga larawan na walang tiyak na anyo. Sa kadalasan, ang mga artista ng sining ay naimpluwensiyahan ng mga ideya at mga pilosopiya.[1] Ang mga sining na abstrakto ay natatagpuan sa mga larawang ipininta at sa eskultura. Marami ring mga akda ng sining na bahaging abstrakto, at bahaging pangrepresentasyon (representasyunal o kumakatawan). At maraming mga alagad ng sining na gumagawa ng abstrakto at iba pang mga uri ng modernong sining. Ang purong sining na abstrakto ay isang imbensiyon noong ika-20 daantaon. Lumaki at umunlad ito magmula sa mas maaga pang mga uri ng modernong sining, subalit marahil ito ay isang kilusan o pagkilos na talagang moderno o makabago. Wala itong pinag-ugatan mula sa mas maagang sining (ayon sa paggamit ng kataga sa kasalukuyan), na maaaring ilang mga sining na prehistoriko (sining sa bato) lamang ang maaaring maibilang. Maaaring maging kandidato sa pinag-ugatan nito ang mga pampalamuting mga tisa na Islamiko na nasa moske ng maagang mga kapanahunan.

Ang sining na abstrakto ay gumagamit ng wikang pampaningin o wikang biswal ng hubog o hugis, kulay, at guhit upang makalikha ng isang kumposisyon na maaaring umiral na may isang antas ng kalayaan mula sa mga sanggunian o pantukoy na pampaningin ng mundo.[2] Ang sining na kanluranin, magmula sa Renasimiyento hanggang sa kalagitnaan ng ika-19 na daantaon, ay naging naiipit ng lohika ng pananaw o perspektibo at ng isang pagtatangka na muling makalikha ng isang ilusyon (pangitain o malikmata) ng natatanaw na katotohanan. Ang mga sining ng mga kultura na bukod pa sa mga Europeo ay naging napupuntahan o nakukuha at nagpakita ng pamalit na mga paraan ng paglalarawan ng karanasang biswal o pampaningin sa alagad ng sining. Sa pagwawakas ng ika-19 na daantaon, maraming mga artista ng sining ang nakadama ng isang pangangailangan na makalikha ng isang bagong uri ng sining na yayakap sa mga pagbabagong saligan o pundamental na nagaganap sa mga larangan ng teknolohiya, agham at pilosopiya. Ang mga pinanggagalingan na pinagbabatayan ng mga artista ng sining hinggil sa kanilang mga argumentong teoretikal ay sari-sari, at nagpapasalamin ng mga preokupasyon o pagkaabala sa loob ng lahat ng mga pook ng kalinangan ng Kanluran noong kapanahunang iyon.[3]

Ang sining na abstrakto, sining na hindi piguratibo (sining na walang pigura o walang hubog o walang hugist), sining na hindi obhektibo (sining na walang layon), at sining na hindi kumakatawan (sining hindi representasyunal) ay mga katagang may maluwag na pagkakaugnayan. Magkakahalintulad ang mga ito, subalit marahil ay hindi magkakatulad ang mga kahulugan.

Ang abstraksiyon ay nagpapahiwatig ng isang paglayo o paglisan magmula sa katotohanan ng imaheriya (paglalarawan o pagbabanghay ng larawan) sa sining. Ang ganitong paglayo magmula sa tiyak na representasyon o pagkakatawan ay maaaring bahagya lamang, o maaaring kabahagi lamang, o maaaring buo. Umiiral ang abstraksiyon sa piling ng isang continuum o pagpapatuloy. Kahit na ang sining na naglalayon ng beri similitud na may pinakamataas na antas ay maaaring masabi na isang abstrakto, na sa kaliit-liitang diwa ay pangteoriya lamang, dahil sa ang perpektong representasyon ay maaaring maging napaka mailap. Ang akdang-sining na gumagamit ng mga kalayaan, na nagpapalit halimbawa na ng kulay at hubog sa pamamagitan ng mga paraang litaw, ay maaaring masabing bahagi lamang ang pagkaabstrakto. Ang ganap na abstraksiyon ay walang bakas ng anumang pagtukoy sa anumang bagay na makikilala. Sa abstraksiyong heometriko, halimbawa na, ang isang tao ay hindi maaaring makakita ng mga pagtukoy sa mga entidad na makakalikasan o likas. Ang sining na piguratibo at abstraksiyong buo ay halos mga pangyayaring kapwa nakabukod at walang halo (eksklusibo).

Ang abstraksiyong heometriko at ang abstraksiyong lirikal ay kapwa madalas na nagiging abstraktong buo. Kabilang sa napakaraming mga kilusang pangsining na kumakatawan sa abstraksiyong pambahagi lamang (hindi buo), bilang halimbawa, ay ang fauvismo kung saan ang kulay ay lantaran at sinasadyang palitan, na may kaugnayan sa katotohanan, at ang kubismo na garapalang bumabago sa mga anyo o mga hubog ng inilalarawang mga entidad na nasa tunay na buhay.[4][5]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Gooding, Mel 2000. Abstract art. Tate Publishing, London. ISBN 1854373021
  2. Rudolph Arnheim, Visual Thinking
  3. Mel Gooding, Abstract Art, Tate Publishing, London, 2000
  4. "Abstract Art - What Is Abstract Art or Abstract Painting, nakuha noong Enero 7, 2009". Painting.about.com. 2011-06-07. Inarkibo mula sa orihinal noong 2011-07-07. Nakuha noong 2011-06-11.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. "Themes in American Art - Abstraction, nakuha noong Enero 7, 2009". Nga.gov. 2000-07-27. Inarkibo mula sa orihinal noong 2011-06-08. Nakuha noong 2011-06-11.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)