Balatik (asterismo)
Ang Balatik,[1] o sa kanluraning astronomiya ay tinatawag na "Sinturon ni Orion," ay isang asterismo sa talanyong Orion. Ito ay binubuo ng tatlong maliliwanag na bituwin: ang Alnitak, Alnilam, at Mintaka.[2]
Ang Balatik ang pinakamadaling paraan upang mahanap ang talanyong Orion sa kalangitan sa gabi. Halos magkasingpareho ng layo ang bawat bituwin mula sa isa't isa at nakahimlay sa halos tuwid na linya, kung kaya maaaring masabalintataw bilang "sinturon".
Mga bituing tinataglay
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang mga pangalan ng tatlong bituin ay nagmula sa wikang Arabo. Ang Al-nizam (النظام) halimbawa ay nangangahulugang "bungkos ng mga paerlas" o may kaugnayan sa salitang nilam (na ang ibig sabihin ay "sapiro").[3]
Alnitak
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang Alnitak (ζ Orionis) ay sa aktwal ay binubuo ng tatlong magkakahiwalay na bituing magkakalapit sa isa't isa (isang triple star system) na matatagpuan sa silangang dulo ng Balatik at may layong 1,260 sinag-taon mula sa Daigdig. Ang pangunahing "bituin," ang Alnitak A, ay binubuo ng dalawang bituin (Aa at Ab) na napakalapit ang distansya sa isa't isa; ang Alnitak Aa ay isang bughaw na supergiant na may spectral type na O9.7 Ibe habang ang Alnitak Ab ay isang relatibong mas maliit na bughaw na subgiant na may spectral type na B1IV at kalakhang liwanag na 4. Umiinog naman sa paris na ito ay ang Alnitak B, na may kalakhang liwanag na 4 at spectral type na B.[4][5]
Alnilam
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang Alnilam (ε Orionis), na isang supergiant, ay may humigit-kumulang 2,000 sinag-tayo na layo mula sa Daigdig at kalakhang liwanag na 1.70. Ito ang ika-29 na pinakamaliwanag na bituin sa kalangitan at ang pang-apat na pinakamaliwanag sa Orion. Sa usapin ng lubos na liwanag, ito ay 375,000 beses na mas maliwanag kaysa sa Araw.[6] Ang spektrum nito ay nagsisilbing batayang panukat o pamantayang ginagamit upang uriin ang iba pang mga bituin.
Mintaka
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang Mintaka naman (δ Orionis) ay may layong 1,200 sinag-taon at kalakhang liwanag na 2.21. Sa absolutong iskala, ang Mintaka ay 90,000 beses na mas maliwanag kaysa sa Araw. Di tulad ng Alnitak at Alnilam, ang Mintaka ay sa aktwal, binubuo ng dalawang napakalapit na bituin na umiikot sa bawat isa sa loob ng 5.73 araw.[7]
Mga pagbanggit sa kasaysayan at kultura
[baguhin | baguhin ang wikitext]Sa Shih-ching ng Tsina, tinatawag ang asterismong ito na "Shen" (参) at nakatambal sa bituing "Shang" (商) o Antares; ang pagtatambal ay isang talinghaga na tumutukoy sa dalawang tao na kailanman ay hindi magkakatuluyan.[8] Maaaring nagmula ang talinghaga sa obserbasyon na bagaman ang Balatik at Antares ay parehong sumisikat sa silangan at lumulubog sa kanluran, aangat lang ang Antares matapos nang lumubog ng Balatik at bise bersa.
Sa mitolohiya ng mga Pinlandes, ang Balatik ay tinatawag na Väinämöisen vyö o "sinturon ni Vainamoinen."[9][10] Bago dumating ang Kristiyanismo sa Skandinabya, tinawag ito na "sudlan ni Freyja."[11]
Samantala, tinatawag naman ng katutubong mga Seri ng hilagang kanlurang Mexico ang asterismo na "Hapj" o "mangangaso," na binubuo ng tatlong bituin: ang Hap (isang uri ng usa), Haamoja (isa pang uri ng usa), at Mojet (isang uri ng tupa). Ang gitnang bituin ay ang Hap at siyang napana ng mangangaso; ayon sa mitolohiya, ang dugong tumulo mula rito ang siyang naging isla ng Tiburon.[12]
Tinatawag naman ng mga katutubong Maori ng Nueva Zelanda ang Balatik bilang Tautoru (o "tatlong lubid"), at tinuturing nilang bahagi ng talampad na Te Waka o Rangi (ang bangka ng Rangi) na ang harapan ay ang asterismong Matariki (ang Moroporo o Pleiades). Ang pagsikat ng Matariki sa kalangitan sa madaling-araw ng huling bahagi ng Mayo o maagang bahagi ng Hunyo ang hudyat ng bagong taon ng mga Maori.[13]
Sa Latin Amerika at Espanya naman, at sa Pilipinas nang masakop ito ng mga Espanyol, tinatawag na "Tres Marias" ang asterismong ito, na tumutukoy sa Tatlong Maria sa mitolohiyang Kristiyano.[14] Gayunman, may kaunting baryasyon sa kung saan maaari ring kilala ang asterismong ito bilang "Los Treyes Magos," isang pagpapahiwatig sa Tatlong Mago sa Bibliya.[15]
Ang Balatik sa Kabihasnang Pilipino
[baguhin | baguhin ang wikitext]Para naman sa mga sinaunang mga Pilipino, partikular sa mga Tagalog at Bisaya, ang sinturon ni Orion ay tinaguri nilang "balatik" dahil sa pagkakahawig nito sa isang uri ng kapangalan na patibong na kayang pumana nang mag-isa at ginagamit na panghuli ng mga baboy-ramo.[16][17][18] Gayunman, dahil may baryasyon sa hitsura ng balatik na ginagamit ng iba't ibang mga pangkat etniko, hindi na rin kataka-taka na may pagkakaiba-iba rin sa kung paano nilalarawan ng bawat grupo ang balatik.[19] Sa kabila ng mga baryasyong ito, ang malinaw sa lahat ng pangkat-etnikong Pilipino, sa nakaraan at kasalukuyan, ay ang pag-iral ng konsepto ng balatik bago pa man dumating ang mga Espanyol, ang paglalarawan dito bilang isang uri ng patibong, ang mahigpit na pagkakadugtong nito sa kabuhayan ng mga mamamayan, at pananda kung panahon na ng pagkakaingin.[20] Sa mga Bagobo, nagsisilbi ang Balatik bilang pananda sa tuwing sila ay magsasagawa ng pag-aalay ng tao (o human sacrifice).[21][22]
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ "Pinoy ethnoastronomy: How the stars guided our ancestors - FlipScience". FlipScience - Top Philippine science news and features for the inquisitive Filipino. (sa wikang Ingles). 2020-12-18. Nakuha noong 2023-07-27.
- ↑ "Orion Constellation: Facts, location and stars of the hunter". Space.com. 4 November 2021. Inarkibo mula sa orihinal noong 2022-03-10. Nakuha noong 2022-03-10.
- ↑ Allen, Richard Hinckley (1936). Star-names and their meanings. pp. 314–15.
- ↑ admin (2019-09-07). "Alnitak (Zeta Orionis): Facts, Name, Location | Star Facts" (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2023-07-28.
- ↑ "Orion's Belt: Stars, Myths, Constellation, Facts, Location – Constellation Guide". www.constellation-guide.com. Nakuha noong 2023-07-28.
- ↑ "Alnilam". Jim Kaler's Stars. University of Illinois at Urbana-Champaign. 2009. Inarkibo mula sa orihinal noong 2011-11-24. Nakuha noong 2011-11-28.
- ↑ "Mintaka". Jim Kaler's Stars. University of Illinois at Urbana-Champaign. 2009. Inarkibo mula sa orihinal noong 2011-11-24. Nakuha noong 2011-11-28.
- ↑ Lihui Yang, Deming An & Jessica Anderson Turner (2008). Handbook of Chinese Mythology. Oxford University Press. p. 99. ISBN 9780195332636.
- ↑ https://books.google.com.ph/books?id=_20CEAAAQBAJ&lpg=PA324&ots=jAnjbSTx8I&dq=V%C3%A4in%C3%A4m%C3%B6isen%20vy%C3%B6&hl=fil&pg=PA324#v=onepage&q=V%C3%A4in%C3%A4m%C3%B6isen%20vy%C3%B6&f=false
- ↑ Allen, Richard Hinckley (1936). Star-names and their meanings. pp. 314–315.
- ↑ Schön, Ebbe. (2004). Asa-Tors hammare, Gudar och jättar i tro och tradition. Fält & Hässler, Värnamo. p. 228.
- ↑ Moser, Mary B.; Stephen A. Marlett (2005). Comcáac quih yaza quih hant ihíip hac: Diccionario seri-español-inglés (PDF) (sa wikang Kastila at Ingles). Hermosillo, Sonora and Mexico City: Universidad de Sonora and Plaza y Valdés Editores. Inarkibo (PDF) mula sa orihinal noong 2019-04-12. Nakuha noong 2018-01-07.
- ↑ Merton,. E., "Matariki and Māori astronomy with Dr Rangi Matamua Naka-arkibo 2022-08-08 sa Wayback Machine.," The McGuinness Institute, 21 July 2017.
- ↑ https://www.discovermagazine.com/the-sciences/interpreting-5-ancient-constellations-across-cultures
- ↑ https://www.eltiempo.com/vida/ciencia/lo-que-hay-que-ver-en-los-cielos-de-diciembre-y-enero-444182
- ↑ Scott, William Henry (1994). Barangay: Sixteenth-Century Philippine Culture and Society. Quezon City, Manila, Philippines: Ateneo de Manila University Press. pa. 124. ISBN 9789715501354.
- ↑ Encarnación, Juan Félix (1885). Diccionario bisaya español [Texto impreso] (sa wikang Kastila at Cebuano). pa. 30.
- ↑ https://journals.upd.edu.ph/index.php/pssr/article/view/1287/1833#page=5
- ↑ https://journals.upd.edu.ph/index.php/pssr/article/view/1287/1833#page=5
- ↑ https://journals.upd.edu.ph/index.php/pssr/article/view/1287/1833#page=5
- ↑ https://journals.upd.edu.ph/index.php/pssr/article/view/1287/1833#page=5
- ↑ https://www.jstor.org/stable/1177610