Pumunta sa nilalaman

Subordinasyonismo

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Ang Subordinasyonismo ay isang doktrina sa teolohiyang Kristiyano na nagsasaad na ang Anak at Banal na Espirito ay mas mababa at nagpapailalim sa Ama sa kalikasan. Itinuturing ng mga Trinitariano ang subordinasyonismo bilang erehiya. Ang subordinasyonimo sa maraming mga anyo nito ang maagang doktrina ng Kristiyanismo hanggang noong ika-4 siglo CE nang ang kontrobersiya ng Arianismo ay pinagpasyahan sa mga konseho ng simbahan sa pagkakabuo ng doktrinang Trinidad. Ang subordinasyonismo ay may ilang mga pagkakatulad sa Arianismo ngunit may ilang mga pagkakaiba. Si Arius at ang kanyang mga alagad ay mga subordinasyonista ngunit humigit pa dito na nagsasaad na ang Anak bilang isang nilalang ay ignorante sa Manlalalang na ang tanging may buong kalikasang Diyos ayon sa apopatisismong Kristiyano. Ang subordinasyonismo ay yumabong sa parehong panahon sa Arianimo noong ika-4 siglo CE ngunit mas matagal na nagpatuloy. Ang mga pangunahing tagapagtaguyod nito noong ika-4 siglo sina Eusebio ng Caesarea at Eusebio ng Nicomedia na parehong minsang nagbigay suporta kay Arius. Nilabanan ni Atanasio ang subordinasyonismo sa kanyang buong karera bilang Obispo ng Alehandriya at kadalasang tumatawag ritong Arianismo. Ang subordinasyonismong ontolohikal ay natatangi mula sa subordinasyong ekonomiko o subordinasyong relasyonal na tinatanggap ng ilang mga Trinitariano. Sa subordinasyong ontolohikal, ang Pagkadiyos ay hindi lamang hindi magkatumbas sa opisina kundi pati sa kanilang esensiya. Kabilang sa mga tagapagtaguyod nito si Origen ng Alehandriya na nagturong si Hesus ay isang ikalawang Diyos at ang Anak ay natatangi sa Ama at may ibang substansiya sa Ama. Ayon kay R.P.C. Hanson, "maliban kay Atanasio, ang halos lahat ng mga teologo ng Simbahang Kanluranin at Simbahang Silanganin ay tumanggap sa isang anyo ng subordinasyonismo hanggang noong mga 355 CE. Ang doktrinang subordinasyonismo ay inilalarawan bilang ang tinanggap na ortodoksiya." Sa subordinasyong ekonomiko, ang subordinasyon ng Anak ay nauukol lamang sa paraan ng subsistensiya at operasyon ngunit hindi sa kalikasan. Ito ay nagsasaad na bagaman natatangi sa kanilang mga relasyon sa bawat isa, sila ay isa sa lahat ng iba pa.

Kabilang sa mga talatang ginagamit ng mga tagapagtaguyod ng doktrinang subordinasyonismo ang:

  • Juan 3:35, Iniibig ng Ama ang Anak, at ibinigay niya rito ang pamamahala sa lahat ng bagay.
  • Juan 5:26,27, Kung paanong ang Ama mismo ang pinagmumulan ng buhay, gayon din naman ang Anak na binigyan niya ng ganoong karapatan. Binigyan din niya ang Anak ng kapangyarihang humatol, sapagkat siya ang Anak ng Tao.
  • Juan 10:29, Ang aking Ama na siyang nagbigay sa kanila sa akin ay lalong dakila sa lahat, a at hindi sila maaagaw ninuman sa aking Ama.
  • Juan 13:16, Pakatandaan ninyo, ang alipin ay hindi nakakahigit sa kanyang panginoon, ni ang sinugo kaysa sa nagsugo sa kanya.
  • Juan 14:24,26, Ang hindi tumutupad sa aking mga salita ay hindi umiibig sa akin. Ang salitang narinig ninyo ay hindi sa akin, kundi sa Ama na nagsugo sa akin. Ngunit ang Tagapagtanggol, ang Espiritu Santo na isusugo ng Ama sa pangalan ko, ang siyang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at magpapaalala ng lahat ng sinabi ko sa inyo.
  • Juan 14:28, Sinabi ko na sa inyo, Ako'y aalis, ngunit ako'y babalik. Kung iniibig ninyo ako, ikagagalak ninyo ang pagpunta ko sa Ama, sapagkat higit na dakila ang Ama kaysa sa akin
  • 1 Corinto 8:4-6, Kaya nga, tungkol sa pagkaing inihandog sa diyus-diyosan, alam nating ang mga diyus-diyosan ay larawan ng mga bagay na di-totoo, at alam nating iisa lamang ang Diyos. Kahit na may tinatawag na "mga diyos" sa langit at sa lupa, at ang mga tinatawag na "mga diyos" at "mga panginoon" ay marami, subalit para sa atin ay iisa lamang ang Diyos, ang Ama na lumikha ng lahat ng bagay, at tayo'y nabubuhay para sa kanya. Iisa ang Panginoon, si Jesu-Cristo, at sa pamamagitan niya'y nilikha ang lahat ng bagay, at sa pamamagitan din niya'y nabubuhay tayo.
  • 1 Corinto 11:3, Ngunit nais kong maunawaan na ang pinuno ng bawat lalake ay si Cristo, at ang pinuno ng babae ang lalake at ang pinuno ni Kristo ang Diyos.
  • 1 Corinto 15:28, At kapag ang lahat ay nasa ilalim na ng kapangyarihan ni Cristo, ang Anak naman ang papailalim sa kapangyarihan ng Diyos na naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan niya. Sa gayon, lubusang maghahari ang Diyos sa lahat.
  • Hebreo 10:7,9, Kaya't sinabi ko, 'Ako'y narito, O Diyos, upang sundin ang iyong kalooban,'ayon sa sinasabi ng kasulatan tungkol sa akin." Saka niya idinugtong, "Ako'y narito upang sundin ang iyong kalooban." Sa ganitong paraan, inalis nga ng Diyos ang unang handog at pinalitan ng handog ni Cristo.