Tayabak
| Tayabak | |
|---|---|
| Namumulaklak na tayabak sa Harding Botanikal ng New York | |
| Klasipikasyong pang-agham | |
| Kaharian: | |
| (walang ranggo): | |
| (walang ranggo): | |
| (walang ranggo): | |
| Orden: | |
| Pamilya: | |
| Sari: | |
| Espesye: | S. macrobotrys
|
| Pangalang binomial | |
| Strongylodon macrobotrys | |
| Kasingkahulugan [1] | |
| |
Ang tayabak[2] (Strongylodon macrobotrys)[3] ay isang leguminosong baging na katutubo sa Pilipinas. Isa itong kilalang halamang ornamental na tanyag sa mga lumalagaslas na kumpol ng makukulay na turkesa o maluntiang-bughaw na mga bulaklak na hugis-tuka. Sa paglilinang ng tayabak, kinakailangan ang tropikal na kapaligiran, kaya't madalas itong itinatanim sa mga harding botanikal at konserbatoryo. Dahil sa kapansin-pansing anyo at limitadong paglaganap, kaakit-akit itong halaman para sa mga mahihilig sa halaman sa buong mundo.
Tinatawag din ang halaman na bayou o tapayac.[4]
Pinagmulan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang Strongylodon macrobotrys ay unang nailarawan ng mga Kanluraning manlalakbay noong 1841. Napansin ang halamang ito sa may kagubatang gilid ng Bundok Makiling, sa pulo ng Luzon sa Pilipinas, ng mga kasapi ng United States Exploring Expedition (Ekspedisyong Panggalugad ng Estados Unidos). Nakuha nito ang pangalan nito sa Kanluran at unang nailathala sa panitikang Kanluranin sa pamamagitan ng botanistang nakabase sa Harvard na si Asa Gray. Inilarawan ni Gray ang libu-libong halamang nakolekta mula sa naturang maramihang-barkong ekspedisyon ng Estados Unidos. Nakolekta ang mga halaman mula sa iba’t ibang bansa, kabilang ang Honolulu at Antartika. Tumanggi si Gray na sumama sa mismong paglalakbay matapos hindi magkasundo kay Tinyente Charles Wilkes, ang opisyal ng Hukbong-Dagat ng Estados Unidos na namuno sa ekspedisyon. Nasangkot ang ekspedisyon sa ilang mararahas na engkuwentro sa mga katutubong populasyon. Sa pagtatapos ng ekspedisyon, isinailalim si Wilkes sa hukumang militar subalit napawalang-sala siya.
Ang tiyak na pangalan ng espesye na macrobotrys ay nangangahulugang “mahabang kumpol ng ubas”,[5] mula sa Griyegong makros (“mahaba”) at botrys (“kumpol ng ubas”), na tumutukoy sa bunga nito; samantala, ang pangalan ng genus na Strongylodon ay mula sa strongylos (“bilog”) at odous (“ngipin”),[6] na tumutukoy sa bilugang ngipin ng calyx o supang ng bulaklak.
Pagpaparami at pag-aalaga
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang Strongylodon macrobotrys ay hindi kayang mabuhay sa malamig na klima. Kailangan nito ng pinakamababang temperatura na 15 °C (59 °F), kaya sa mga lugar na may malamig na klima, dapat itong itanim sa isang malaking bahay-salamin o konserbatoryo.[3] Pinahahalagahan ito sa mga tropikal at sub-tropikal na hardin dahil sa matingkad nitong mga bulaklak na may pambihirang kulay, na halos wala sa ibang mga halaman.
Karaniwan itong pinalalago sa ibabaw ng pergola o iba pang mataas na suporta upang maipakita ang kahanga-hangang kumpol ng mga bulaklak na nakabitin. Sagana itong namumulaklak kapag naging ganap na ang pagkalago ng baging, karaniwan pagkatapos ng dalawang taon o higit pa, depende sa paraan ng pagputol o pruning. Kapansin-pansin, sa malalaking halaman, maaaring hindi agad makita ang mapupusyaw na bulaklak kapag matindi ang sikat ng araw. Madalas na napapansin na lamang ang mga ito kapag may mga nalaglag na bulaklak sa ilalim ng baging.
Habang natutuyo ang mga nalaglag na bulaklak, nagbabago rin ang kanilang kulay. Mula sa maputlang lunti (o mint green), nagiging asul-berde ito, at kalaunan ay lilang kulay. Karaniwan, hindi nabubuo ang mga buto kapag itinanim sa ilalim ng kontroladong kondisyon. Gayunpaman, matagumpay na nakapagpolinasyon at nakapagpalago ng mga buto ang Mga Hardin ng Kew sa pamamagitan ng paggaya sa kilos ng natural na mga polinador. Maari ring paramihin ang halaman gamit ang pagputol sa mga buhol ng baging.[7]
Gamit
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nakakain ang mga bulaklak ng tayabak. Sa pulo ng Luzon kung saan katutubo ang halamang ito, kinakain ito bilang gulay, sa parehong paraan ng pagluluto sa katuray.[8]
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ "The Plant List: A Working List of All Plant Species". Inarkibo mula sa orihinal noong 21 Disyembre 2019. Nakuha noong 18 June 2015.
- ↑ Simpson, Donald (2019). "Strongylodon macrobotrys". Some Magnetic Island Plants (sa wikang Ingles). Nakuha noong 29 Abril 2022.
- ↑ 3.0 3.1 The Royal Horticultural Society A–Z Encyclopedia of Garden Plants, ed. Christopher Brickell, Dorling Kindersley, London, 1996, ISBN 0-7513-0303-8, p987
- ↑ Sylvia (2023-04-06). "Health benefits of Jade Vine" (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-08-05.
- ↑ μακρός, βότρυς. Liddell, Henry George; Scott, Robert; A Greek–English Lexicon sa Perseus Project.
- ↑ στρογγύλος, ὀδούς sa Liddell at Scott.
- ↑ "Strongylodon macrobotrys A.Gray" (sa wikang Ingles). Plants of the World Online. Nakuha noong 23 Hunyo 2021.
- ↑ Polinag, Mercedita A. (2003). Food From the Wilderness (PDF). DENR Recommends (sa wikang Ingles). Bol. 12. Ecosystems Research and Development Bureau, Department of Environment and Natural Resources, Republic of the Philippines.