Pumunta sa nilalaman

Tunggalian ng uri

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Nagpoprotesta sa Martsa ng Bayan (People's March) sa Columbus, Ohio, may hawak na karatulang nakasulat: “Labanan ng uri ito, hindi labanang pangkultura.”

Sa agham pampulitika, ang mga katawagang tunggalian ng uri,[1] labanan ng uri, at digmaang panlipunan ay tumutukoy sa ekonomikong tunggalian at tensyong pampulitika na maaaring umiral sa pagitan ng mga uring panlipunan dahil sa magkasalungat na interes, kompetisyon para sa limitadong yaman, at hindi pagkakapantay-pantay ng kapangyarihan sa isang sosyo-ekonomikong herarkiya.[2][3] Karaniwang binabanggit na mga halimbawa sa kasaysayan na antagonismo sa pagitan ng mga uri ay ang mga panginoong alipin at alipin, panginoong pyudal at serf (magsasakang alipin), may-ari ng lupa at nangungupahan, at kapitalista at manggagawa.[4][5]

Ang mga sulatin ng ilang mga teorista mula sa kaliwa, sosyalista, at komunista ay inilalarawan ang labanan ng uri bilang pangunahing prinsipyo at praktikal na paraan upang maisakatuparan ang radikal na pagbabago sa lipunan at politika para sa nakararaming uring manggagawa.[6] Isa rin itong sentral na konsepto sa mga teorya ng tunggalian sa sosyolohiya at pilosopiyang pampulitika.

Maaaring ipakita ang labanan ng uri sa pamamagitan ng:

  • Tuwirang karahasan, gaya ng pagpaslang, kudeta, rebolusyon, kontra-rebolusyon, at digmaang sibil para sa kontrol ng pamahalaan, likas na yaman, at paggawa;
  • Di-tuwirang karahasan, gaya ng pagkamatay dahil sa kahirapan, malnutrisyon, sakit, at hindi ligtas na lugar ng trabaho;
  • Puwersang pang-ekonomiya, gaya ng mga boykot at welga, banta ng pagkawala ng trabaho at pag-alis ng kapital, o pagtigil sa pamumuhunan;
  • Mga pulitikal na manipulasyon, sa pamamagitan ng legal at ilegal na lobbying o pagsulong ng interes, panunuhol sa mga mambabatas, pagbabawas ng karapatan sa pagboto, at pagpigil sa partisipasyon;
  • Ideolohikal na tunggalian, sa pamamagitan ng propaganda at pampulitikang literatura.[2]

Sa larangan ng ekonomiya, ang labanan ng uri ay minsang ipinapakita nang lantaran, gaya ng lockout o pagsasara ng may-ari laban sa mga empleyado upang pahinain ang kapangyarihan ng unyon; o lihim, gaya ng pagbagal ng produksiyon o sabayang paggamit ng sick leave o pahinga sa trabaho dahil sa karamdaman (hal., "blue flu" o asul na trangkaso) bilang protesta sa hindi makatarungang gawi sa paggawa, mababang sahod, masamang kondisyon sa trabaho, o nakikitang kawalan ng katarungan sa isang katrabaho.[7]

Paggamit ng termino

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Kapag nagsasalita ang mga Marxista tungkol sa labanan ng uri, kanilang tinutukoy ang isang uri pangunahin sa ekonomikong batayan, iyan ay, ayon sa relasyon nito sa mga kagamitan sa produksyon. Kapag ang mga anarkista gaya ni Bakunin ay nagsasalita ng labanan ng uri, mas malawak ang kanilang depinisyon ng "sosyal na uri" na sumasaklaw sa mga konsepto ng dominasyon at pribilehiyo sa larangang pampulitika at kultural pati na rin sa ekonomiya.[8] Naniniwala si Bakunin na ang matagumpay na pakikibaka ng mga pinang-aapi ay magdudulot ng rebolusyon upang patalsikin ang naghaharing elitista at lumikha ng isang lipunang walang estado o libertariyanong sosyalismo, at ang solidaridad ng uri ay isang kinakailangan para sa matagumpay na rebolusyon.[9][10]

Ayon sa teorya ng kasaysayan ni Marx, sa kasaysayan ng mga ekonomikong sistema tulad ng kapitalismo at pyudalismo, ang labanan ng uri ay "ang sentral na katotohanan ng sosyal na ebolusyon."[11] Sa katunayan, ang unang pangungusap ng Kabanata 1 ng Communist Manifesto ay nagsasabing: "Ang kasaysayan ng lahat ng umiiral na lipunan hanggang ngayon ay kasaysayan ng mga labanan ng uri."[12] Tinitingnan ng mga Marxista ang pagresolba ng labanan pabor sa uring manggagawa bilang hindi maiiwasan sa ilalim ng plutokratikong kapitalismo.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Acuña, Arbeen. "Pamana at Pagkalinga ng mga Inang Makabayan". University of the Philippines System Website. Inarkibo mula sa orihinal noong 2017-03-01. Nakuha noong 1 Setyembre 2014.
  2. 1 2 Isaac, Larry W.; Harrison, Daniel M.; Lipold, Paul F. (2022). "Class Conflict in Capitalist Society". Encyclopedia of Violence, Peace, & Conflict (sa wikang Ingles). pp. 118–136. doi:10.1016/B978-0-12-820195-4.00248-X. ISBN 978-0-12-820312-5.
  3. Tavernise, Sabrina (Enero 11, 2012). "Survey Finds Rising Perception of Class Tension". The New York Times (sa wikang Ingles).
  4. Hunt, Stephen (22 Setyembre 2017). "Class Conflict" (sa wikang Ingles). Wiley Online Library.
  5. Erikson, Kai (2017). The Sociologist's Eye: Reflections on Social Life (sa wikang Ingles). Yale University Press. p. 97. ISBN 978-0300106671.
  6. Bullock, Allan; Trombley, Stephen, mga pat. (1999). "class conflict". The New Fontana Dictionary of Modern Thought (sa wikang Ingles). HarperCollins. p. 127. ISBN 978-0-00-255871-6.
  7. Parenti, Michael (1993). Land of Idols: Political Mythology in America (sa wikang Ingles). St. Martin's Press. pp. 66–67. ISBN 978-0-312-09841-4.
  8. Corrêa, Felipe (2024). Freedom or Death: The Theory and Practice of Mikhail Bakunin (sa wikang Ingles). Black Rose Books. ISBN 978-1-55164-812-5.
  9. Bakunin, Mikhail (1873). "Stateless Socialism: Anarchism" (sa wikang Ingles) sa pamamagitan ni/ng Mikhail Bakunin Reference Archive.
  10. Bakunin, Mikhail (1867). "Solidarity in Liberty: The Workers' Path to Freedom" (sa wikang Ingles) sa pamamagitan ni/ng Mikhail Bakunin Reference Archive.
  11. McLellan, David T.; Chambre, Henri (Hulyo 30, 2024). "Class struggle" (sa wikang Ingles). Britannica.
  12. Marx, Karl; Engels, Friedrich (1848). "Manifesto of the Communist Party" (sa wikang Ingles). Chapter I. Bourgeois and Proletarians sa pamamagitan ni/ng Marx-Engels Archive.