Pumunta sa nilalaman

Ispektrum

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Visible spectrum)
Ang ispektrum sa loob ng isang bahaghari.

Ang ispektrum (isahan) o ispektra (maramihan)[1], kilala rin bilang natatanaw na ispektrum, natitingnang ispektrum, o nakikitang ispektrum, ay isang bareta o halang ng ilang mga kulay: pula, narangha, dilaw, lunti, bughaw, indigo, at lila. Makikita ang ispektrum kapag pinadaan ang liwanag ng Araw sa isang babasaging prismo at pinahintulutang magtipon sa isang tabing na puti.[2] Tinatawag na solar na ispektrum ang nalikhang magkakasunud-sunod na mga kulay ng halang ng sinag ng araw na pinadaan sa prismo.[3] Kinakatawan ng ispektrum na solar (ispektrum ng [liwanag ng] araw) ang disintegrasyon (paghihiwa-hiwalay o pagkakalansag-lansag) ng nakikitang liwanag upang maging bumubuong mga bahagi o mga kulay.[3] Ang nagaganap na pagkakakalas-kalas na ito dahil ang may iba't ibang mga liboy-haba o haba ng alon ang iba't ibang mga sinag, kung saan mas nahihirapan sa paglusot o pagdaan sa prismo ang may mas mahahabang mga sinag kaya't mas may repraksiyon o pagkakabali (tingnan din ang repleksiyon).[3]

Isang likas na halimbawa ng ispektrum ang bahaghari. Unang ginamit ng mga siyentipikong nag-aaral ng optiks ang salitang ispektrum. Ginamit nila ang salita upang ilarawan ang bahaghari ng mga kulay na nasa natatanaw na liwanag kapag pinaghiwa-hiwalay sa pamamagitan ng hugis-tatsulok na prismo. Isang halimbawa ng pagkalat o dispersyon ng liwanag ang nakikitang ispektrum kapag dumaan sa isang prismo. Ang kayarian o materyal na ginamit para buuin ang prismo ay may iba't ibang mga talatuntunang pangrepraksiyon o indeks ng repraksiyon na n kaysa hangin. Karaniwang mas malakas ang nprismo kaysa nhangin, at ang nhangin ay kinukuha o ginagamit bilang nasa bandang isa. Pinahihiwatig nito na naglalakbay ang liwanag na mas mabagal ng kaunti sa loob ng materyal ng prismo kaysa sa puwang o espasyong nakapaligid dito. Ang anggulo ng repraksiyon o pagkabali ay mapag-aalaman o matutukoy mula sa anggulo ng pangyayari o kaganapan at ang mga talatuntunang pangrepraksiyon sa pamamagitan ng batas ni Snell. Ang dahilan kung bakit humihiwalay o kumakalas ang puting liwanag upang maging bumubuo nitong mga kulay, sa halip na manatiling puti, ay dahil sa mas maikling mga liboy-haba na nabali, mas kaysa sa mga mas mahahabang mga liboy-haba. Kung kaya't ang pula, na may pinakamahabang nakikitang liboy-haba, ay lilitaw na mas malapit sa perpendikular na guhit sa ibabaw o kapatagan ng materyal (ang normal), na ang ibig sabihin ay pinakakaunti ang pagkakabaluktot nito. Ang liwanag o sinag na lila, na may pinakamaliit o pinakamaiksing liboy-haba sa natatanaw na ispektrum, ay ang pinakamababaluktot. Ang malilikhang bahaghari ay palaging nasa magkaparehong pagkakasunud-sunod: pula, narangha, dilaw, lunti, bughaw, indigo, lila.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Spectrum, spectrums, spectra, thefreedictionary.com
  2. Ano ang ispektrum?, wiki.answers.com
  3. 3.0 3.1 3.2 Robinson, Victor, pat. (1939). "Solar spectrum, Light". The Modern Home Physician, A New Encyclopedia of Medical Knowledge. WM. H. Wise & Company (New York).{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 466.