Pumunta sa nilalaman

Volodymyr Tykhyi

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Volodymyr Viktorovych Tykhyi
Володимир Вікторович Тихий
Si Volodymyr Tykhyi sa Odessa International Film Festival ng taong 2014
Kapanganakan (1970-02-25) 25 Pebrero 1970 (edad 54)
Chervonohrad, Lviv Oblast, Ukrainian SSR, USSR
NasyonalidadUkraine
NagtaposPambansang Unibersidad na I. K. Karpenko-Kary sa Teatro, Sine, at Telebisyon sa Kiev
TrabahoDirektor pampelikula, tagasulat ng iskrip, prodyuser

Si Volodymyr Viktorovych Tykhyi (Ukranyo: Володимир Вікторович Тихий, ipinanganak noong 25 Pebrero 1970 sa Chervonohrad, Lviv Oblast, Ukrainian SSR, USSR) ay isang Ukranyanong direktor pampelikula, tagasulat ng iskrip, at prodyuser ng mga pelikulang feature at mga dokumentaryo.[1] Isa siyang myembro ng Pambansang Unyon ng mga Sinematograper ng Ukraine,[2] at siya ang nakapanalo sa Pambansang Parangal na Taras Shevchenko ng Ukraine noong taong 2018 para sa kaniyang serye ng mga historikal na pelikula't dokumentaryo tungkol sa Rebolusyon sa Maidan na nangyari noong taong 2014.[3]

Ipinanganak si Volodymyr Tykhyi noong ika-25 na araw ng Pebrero, taong 1970 sa lungsod ng Chervonohrad sa Lviv Oblast ng noo'y Ukrainian SSR, USSR. Matapos magtapos sa kaniyang paaralan, pumasok si Tikhyi sa Teknikal na Paaralan ng Pagmimina ng Chervonohrad noong taong 1987. Mula taong 1989 hanggang taong 1991 ay naglingkod siya sa mga hukbong Sobyet, partikular sa abyasyong pandagat, at natalaga sa Belarus.[4] Noong taong 1992 nama'y nagsimula siyang mag-aral sa Pambansang Unibersidad na I. K. Karpenko-Kary sa Teatro, Sine, at Telebisyon sa Kiev, at nagtapos noong taong 1997. Nagtrabaho siya sa studiong pantelebisyong "Studio 1+1", "Danapris Film", at naging direktor ng noo'y sikat na programang "SV Show" kasama si Verka Serduchka.[5] Sinimulan niya ang kaniyang karera bilang direktor ng mga pelikulang pantelebisyo't mga teleserye. Kamalaunan di'y magpopokus siya sa paggawa ng mga dokumentaryo at sumunod nama'y sa mga pelikulang feature. Karamihan sa mga pelikulang kaniyang dinirekta ay isinulat din niya mismo, maliban sa pelikulang "Seventh Route" (1997) kung saan isa lamang siyang kasamang manunulat.[6] Isa rin siya sa mga gumawa ng mga proyektong pelikulang "Мудаки. Арабески", "Ukraine, Goodbye!" (Ukranyo: Україно, Goodbye!), at "Babylon '13" (Ukranyo: Вавилон'13). Ang ilan sa mga pinakakilalang gawa ni Tykhyi ay ang mga pelikulang "Euromaidan. Rough Cut" (Ukranyo: Євромайдан. Чорновий монтаж, 2014), "Stronger Than Weapons" (Ukranyo: Сильніше, ніж зброя, 2014), at "Prisoners" (Ukranyo: Бранці, 2016), samantalang dalawa naman sa mga pinakasikat niyang feature films ay ang mga pelikulang "Green Jacket" (Ukranyo: Зелена кофта, 2013) at "Gate" (Ukranyo: Брама, 2017), at nanalo siya ng Pambansang Parangal na Taras Shevchenko ng Ukraine noong 2018 para sa kaniyang serye ng mga historikal na pelikula't dokumentaryo tungkol sa Rebolusyon sa Maidan na nangyari noong taong 2014.

Personal na buhay

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ikinasal siya noong taong 1996 sa kaklase niyang si Yulia Shashkova, at nagkaroon sila ng dalawang mga anak: isang anak na babae, si Anya (na ipinanganak noong 1996), at isang anak na lalaki, si Timofiy (na ipinanganak naman noong 2002).

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. "ТИХИЙ Володимир Вікторович" (sa wikang Ukranyo). Inarkibo mula sa orihinal noong 2018-07-29. Nakuha noong 2022-02-27.{{cite web}}: CS1 maint: bot: original URL status unknown (link) CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. "Національна спілка кінематографістів України" (sa wikang Ukranyo).
  3. "«Про присудження Національної премії України імені Тараса Шевченка»" (sa wikang Ukranyo).
  4. "Володимир Тихий замість жінки свариться з папугою" (sa wikang Ukranyo).
  5. "Кінопедагогічна діяльність М. Г. Іллєнка" (PDF) (sa wikang Ukranyo). Inarkibo mula sa orihinal noong 2018-07-29. Nakuha noong 2022-02-27.{{cite web}}: CS1 maint: bot: original URL status unknown (link) CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. "Володимир Тихий" (sa wikang Ukranyo). Inarkibo mula sa ang orihinal noong 2018-07-29. Nakuha noong 2022-02-27.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
[baguhin | baguhin ang wikitext]