Pumunta sa nilalaman

Wikipedia:Salungat na interes

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Wikipedia:Alitan ng interes)

Ang isang salungat na interes (conflict of interest) sa Wikipedia ay isang sitwasyon kung saan nagkakaroon ng alitan sa pagitan ng layunin ng Wikipedia, na lumikha ng isang ensiklopedyang walang-pinapanigan at may mapagkakatiwalaang sanggunian, at ang layunin ng isang patnugot. Ang pamamatnugot na may salungat ng interes ay isang uri ng pamamatnugot kung saan isinusulong ng isang patnugot ang kaniyang sariling interes, o ang interes ng mga tao, organisasyon o korporasyong malapit sa kaniya, habang namamatnugot sa Wikipedia. Kapag mas mahalaga sa isang patnugot ang pagsulong ng mga panlabas na interes kaysa sa pagpapatupad ng layunin ng Wikipedia, sangkot ang patnugot na iyon sa isang salungat na interes.

Mahigpit na hinihikayat ng Wikipedia na huwag sumagkot ang mga patnugot sa pamamatnugot na dumudulot ng salungat na interes. Kapag tumutungo ito sa paglabag ng mga patakaran at panuntunan ng Wikipedia, kasama ang walang pinapanigang pananaw, pagsunod sa karapatang-ari, atbp., maaaring harangin ang kuwenta ng patnugot. Maaari ring ikahiya ng mga tao o organisasyong isinusulong ang ganitong uri ng pamamatnugot.

Mahigpit ding hinihikayat, ngunit hindi ito kinakailangan, ang mga tagagamit na ilahad at ipahayag ang anumang mga potensiyal na salungat na interes na maaari nilang masangkutan sa artikulong pinanunutgutan, sa kanilang pahina ng tagagamit at sa anumang mga pahinang usapan, lalo na kung maaaring pagtalunan ang mga pagbabagong iyon. Karaniwa'y inilalantad ang mga tagagamit na may salungat na interes kapag hindi pa nila ito dating inihayag, at dumudulot ito ng paniniwalang nais nilang baluktutin (sila mismo, ang nagpapatrabaho sa kanila, o iba pa) ang Wikipedia para sa kanilang sariling kapakanan. Kapag may tagagamit na kusang nagpahayag ng kanilang mga salungat na interes, nararapat sa parte ng mga ibang tagagamit na mag-hinuha ng katapatan at ninanais lang nilang gawin ang nararapat. Huwag gawin itong sandata laban sa patnugot na iyon.