Pumunta sa nilalaman

Wikipedia:Mga gabay sa estilo sa paglalathala

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Wikipedia:MOS)

Ang mga gabay sa estilo sa paglalathalata o mga gabay sa estilo sa pagsusulat sa Tagalog Wikipedia ay ang mga pangkalahatang gawi sa pagsusulat ng mga artikulo o lathalain na minumungkahing sundin ng mga kalahok o nakikiisang Wikipedista upang magkaroon ng pagkakatulad o pagkakaparepareho ang lahat ng mga pahina. Tinatawag din itong mga gabay sa estilo at pagkakaayos ng lathalain.

Mga bahagi ng pahina o lathalain

[baguhin ang wikitext]

Ang mga pahina ay binubuo ng mga sumusunod:

  • Pangalan ng pahina o pamagat ng pahina
  • Pambungad na mga pangungusap o talata
  • Katawan ng lathalain
  • Mga mga paulo (header) ang mga katawan ng lathalain
  • Mga talata o talataan. Kung minsan, kailangan ding lagyan ng mas maliliit pang mga paulo ang mga talata para mas maging malinaw ang pagkakahati ng katawan ng lathalain.
  • Maaari ring maglagay ng paglalagom sa wakas ng lathalain.
  • Karaniwan ding naglalagay ng Tingnan din o Silipin din upang maituro ang mambabasa patungo sa mga kaugnay na artikulo.
  • Isa sa mga pinakamahigpit na kailangan sa isang lathalaing pangwikipedia ang bahagi ng mga Sanggunian na nasa hulihan ng lathalain.
  • Makapaglalagay din ng Mga kawing panlabas, na makapagtuturo sa mambabasa patungo sa mga websayt na nasa labas ng mundo ng Wikipedia.
  • Mainam rin na maglagay ng mga kaugnay na mga larawan. Basahin ang Wikipedia:Paglalagay ng mga larawan.
  • Isa pa sa mga pinakamahalagang bahagi ng katawan ng lathalain ang mga panloob na kawing upang maituro ang mambabasa patungo sa mga kaugnay na lathalaing nasa loob ng Tagalog Wikipedia.
  • Nararapat lamang na nakahilig (italiko) ang mga dayuhan o banyagang mga pananalita o kataga.
  • Dapat lamang din na nakahilig ang mga pamagat ng mga aklat, awit, tula, nobela at iba pang katulad.

Pamagat o pangalan ng pahina

[baguhin ang wikitext]

Matatagpuan ang pamagat ng pahina mula sa itaas na kaliwang bahagi ng pahina.

  • Nararapat lamang na isulat na parang maikling parirala (hangga't maaari) ang pangalan ng pahina. Mas mainam kung isang salita lamang (kung maaari).
  • Kailangan malaki ang titik ng pinakaunang salita, maliban na lamang kung ito ay pamagat ng awitin, tula, aklat o mga katulad.
  • Mas minumungkahing gamitin sa bahaging ito ang Tagalog na bersyon o Tinagalog na bersyon ng paksa, maliban na lamang kung walang katumbas sa Tagalog at kailangang gamitin ang orihinal na pamagat na banyaga.
  • Para sa mga tao, ibigay ang pinakakilala nilang katawagan.
  • Para sa mga pangalan ng mga hayop, halaman, o mga katulad, ibigay ang pangkaraniwang katawagan sa Tagalog na sinusundan ng pangalang pangagham (pangalang siyentipiko). Kung walang karaniwang katawagan, gamitin ang pangalang pangagham. Dapat lamang na nakahilig ang mga titik ng pangalang siyentipiko na malaki ang unang titik ng unang pangalan.

Pambungad at paksa

[baguhin ang wikitext]
  • Nararapat lang na mga makakapal o matatapang na mga titik ang gamitin kapag tinutukoy ang paksa sa pambungad na pangungusap. Karaniwang kahawig ito ng pangalan ng pahina, subalit ginagamitan ng maliliit na titik ang unang mga titik ng bawat salita maliban na lamang kung pamagat ng tula, awitin, aklat o mga katulad.
  • Mas minumungkahi ring gamitin sa bahaging ito ang Tagalog na bersyon o Tinagalog na bersyon ng paksa, maliban na lamang kung wala pang salin sa Tagalog at kailangang gamitin ang orihinal na dayuhang pamagat. Kung walang Tagalog na katumbas, ibigay sa pangungusap (maaaring ikulong sa mga parentesis) ang maaaring maging salin nito sa Tagalog.
  • Kung ang paksa ay isang tao - para sa mga talambuhay - ibigay ang buong pangalan at lahat ng mga kilalang katawagan na ginagamitan ng mga makakapal na titik. Tularan ang ibang mga nasusulat nang mga maiinam na lathalaing pantalambuhay ng tao na naririto sa Wikipediang Tagalog. Bilang dagdag, ibigay ang kanilang kaarawan at petsa ng kamatayan.
  • Kung ang paksa ay hayop, halaman, o mga katulad, isulat muna ang pangkaraniwang katawagan sa Tagalog na sinusundan ng pangalang pangagham (pangalang siyentipiko). Kung walang karaniwang katawagan, gamitin ang pangalang pangagham. Dapat lang na nakahilig ang mga titik ng pangalang siyentipiko na malaki ang unang titik ng unang pangalan.
  • Mas minumungkahing gamitin ang ganitong anyo: Buwan/Araw/Taon (mm/dd/yy), subalit kung gagamitin ang tradisyonal na ika-X ng Buwan, Taon, tiyakin lamang na nakakawing ang buwan at araw ito patungo sa tamang buwan at araw. Halimbawa: ang ika-1 ng Enero ay nakakawing patungo sa Enero 1. Nakahiwalay ang pagkakawing para sa taon. Halimbawa: 2002.

Maaaring gamitin ang mga salita para banggitin ang mga bilang, katulad ng isandaang milyon. Kung gagamitin ng mga sagisag ng mga bilang, gamitin ang nakaugaliang anyong may kuwit kung higit sa 999. Halimbawa: 100,000,000 (hindi 100.000.000, hindi rin 100000000).